Inday TrendingInday Trending
Lahat ay Tiklop sa Sungit ng Maestrang Ito; Ngunit Isang Estudyante ang Naiiba, Panay ang Ngiti sa Kaniya!

Lahat ay Tiklop sa Sungit ng Maestrang Ito; Ngunit Isang Estudyante ang Naiiba, Panay ang Ngiti sa Kaniya!

“Kung kailan namang grade 6 na ang anak ko ay saka naman mapupunta kay Ma’am Felipe! Balita ko ay mahirap daw pakiusapan ang gurong iyon! Naku naman, bakit kasi siya nasa section 1?! Baka mamaya niyan ay hindi na maging honor ang anak ko,” reklamo ng isang babae sa kausap niya.

“’Ma narinig mo ba ‘yun ‘ma? E ‘di ba si Ma’am Felipe ang adbayser ko? Masungit yata ang napuntahan ko,” saad ni Chelsea sa kaniyang ina habang kabado itong hawak ang kaniyang kwaderno.

“Anak, hindi ba’t sinabi ko naman sa’yo kahit gaano pa kasungit ang isang guro ay huwag kang matatakot? Basta mag-aral ka lang mabuti at huwag na huwag kang makikipag-away. Alam kong bago lang tayo sa lugar na ito pero hayaan mo na ‘yung mga nanay na ‘yan. Malakas ang pakiramdam ko, sila ‘yung mga sipsip na nanay!” natatawang bulong ni Aling Elma sa kaniyang anak.

“O siya, iiwan na muna kita at papasok na rin ako sa trabaho. Galingan mo, anak! Kaya mo ‘yan! Matalino ka!” dagdag pa ng kaniyang ina sabay halik sa noo ng kaniyang anak.

Sanay nang magpalipat-lipat ng eskwela si Chelsea, kaakibat na raw ito sa trabaho ng kaniyang ina. Paano’y mataas ang posisyon ni Elma sa pinagtatrabahuhan nitong kumpanya at sa tuwing may bagong bukas na negosyo ay ang nanay niya ang pinapadala ng opisina para pamahalaan at palaguin ito. Aalis sila kapag may bago na namang lugar na idedestino sa ale. Hanggang sa nasanay na lamang ang labing isang taong gulang na si Chelsea.

“Ngayon pa lang, sabihin niyo na sa mga magulang niyo na hindi nila ako kailangang padalhan ng floorwax, basahan, pagkain, chalk, pentel pen, pabango, bag o kahit ano mang regalo dahil hindi ko tatanggapin iyon. ‘Yung mga estudyante na pumasa lamang sa ibang guro dahil close sila ng nanay niyo, pwes sa akin hindi uubra ang mga iyan! Ilabas ang kwaderno!” singhal ng gurong si Ma’am Felipe sabay hampas ng stick sa mesa nito. Math, English at Science ang tinuturo nitong mga subject at kahit na ganito kasungit ang babae ay hindi siya pinaaalis sa eskwela kahit nga marami nang reklamo patungkol sa kaniya dahil aminado naman ang administrasyon na magaling sa pagtuturo at pagdidisiplina ang guro.

“Ikaw ‘yung bagong lipat, ‘di ba? Nakita kong mataas ang mga grado mo kaya inaasahan kong may laman ‘yang utak mo,” lapit ni Ma’am Felipe kay Chelsea.

“Good morning po, ma’am,” ngiti nito sa kaniya.

“Huwag mo akong nginingitian dahil kahit ‘yung mga ganiyan, hindi uubra sa akin,” kontra ng guro rito sabay taas ng kilay sa bata.

Lumipas pa ang mga araw at labis na pinagtatakhan ng guro ang estudyante niyang si Chelsea dahil tila hindi umeepekto ang personalidad niya sa bata. Bukod sa hindi ito nasisindak sa kaniyang sigaw o panlalaki ng mata ay palagi itong nakangiti sa kaniya.

“O, ikaw pala ‘yan Chelsea, anong kailangan mo?” masungit na bati ng guro sa bata.

“Ma’am, may sasabihin lang po sana ako sa inyo,” malambing na wika ni Chelsea sa guro.

“At ano naman ‘yun, aber? May pakiusap ka? Special project? Kung bagsak ka, bagsak ka. Walang usap-usap, Chelsea,” diretsong saad agad ng guro rito.

“Ma’am, gusto ko lang pong sabihin na kaya hindi niyo po sila nararamdaman o nakikita man lang dahil puno ng galit ang puso niyo. Ma’am, gusto po nilang sabihin na hindi niyo na po kailangang isisi sa sarili niyo ang nangyari dahil aksidente raw po iyon,” marahang banggit ng bata sa kaniya saka nito dahan-dahan na hinaplos ang mga kamay niya.

“Anong pinagsasasabi mo?! Umalis ka nga rito! Wala kang alam sa pinagsasasabi mo!” baling agad ni Ma’am Felipe sa bata.

“Ma’am, kasama niyo po sila palagi, nasa tabi niyo lang po sila at gusto na raw po nilang magpaalam sa inyo pero hindi nila magawa dahil punong puno pa rin kayo ng galit sa puso. Ma’am, maniwala po kayo sa’kin. Ito po ang asawa niyo at nandito naman po ang anak niyo,” turo ni Chelsea kung saan nakatayo ang espiritung nakikita niya.

Hindi nakapagsalita ang guro at nanlamig ang kaniyang batok. Mabilis niyang pinalabas si Chelsea at saka siya umiyak nang umiyak sa kaniyang nalaman.

Ilang saglit pa ay muli niyang pinatawag ang bata.

“Ano ang dapat kong gawin para makaakyat na sila sa langit?” tanong ni Ma’am Felipe kay Chelsea.

“Kailangan niyo lang pong patawarin ang sarili niyo, ma’am. Makikita niyo sila at mayayakap sa huling pagkakataon,” sagot ni Chelsea sa guro at niyakap ito nang mahigpit saka binigyan muli ng isang malaking ngiti.

Nagsimulang maging masungit si Ma’am Felipe nang pumanaw ang kaniyang mag-ama sa aksidente na siya lamang ang nakaligtas. Ngunit makalipas ang ilang linggo mula nang makausap niya si Chelsea ay biglang umaliwalas ang awra ng guro. Maging ang pakikitungo nito sa lahat ay nagbago. Bumalik ang palangiti, masigla at masiyahing guro. Laking pasasalamat din ni Ma’am Felipe na nakilala niya si Chelsea dahil nakalaya ang kaniyang puso sa madilim nitong nakaraan.

Advertisement