Inday TrendingInday Trending
Ang Isang Pagkakamali ng Mag-asawa ay Lalo Pang Nadagdagan nang Ito’y Ulit-ulitin Nila; Kailan Kaya Nila Matatagpuan ang Karma?

Ang Isang Pagkakamali ng Mag-asawa ay Lalo Pang Nadagdagan nang Ito’y Ulit-ulitin Nila; Kailan Kaya Nila Matatagpuan ang Karma?

“Buntis ako,” malamlam at namumugto pa ang mga mata ni Andrea habang binibigkas ang mga salitang ito sa kaniyang nobyo na nabigla rin.

“Hindi nga? Totoo ba, Andrea?” tugon nito na may halong pagdududa. Hindi na napigil pa ng dalaga ang pagluha noong gabing iyon. Subalit pangako naman ng kaniyang nobyo, kahit sila ay parehong menor de edad ay pananagutan raw nito ang kanilang magiging anak.

Hindi naging madali ang pagpapaalam ni Andrea sa kaniyang mga magulang. Halos pinalayas siya ng mga iyon nang malaman ang kaniyang sitwasyon. Hanggang sila ay tuluyan na ngang nagsama ni Jayjay sa bahay ng pamilya nito.

Habang nagdaraan ang mga araw, mas nakita ni Andrea ang tunay na hirap ng buhay. Pareho silang tumigil sa pag-aaral habang si Jayjay naman ay nagtatrabaho bilang isang construction worker. Lingguhan kung ito ay umuwi sa kaniya. Kung kaya naman, labis ang paghihirap na inabot ni Andrea sa kamay ng ina ng nobyo.

Mahigpit ito sa kaniya at hindi siya pinapayagang lumabas ng bahay. Ginawa rin siya nitong taga-laba, taga-luto at siya rin ang naghuhugas ng pinggan. Katuwiran nito ay palamunin lamang siya roon at hindi kailanman ituturing na kapamilya.

Nang lumipas ang ika-anim na buwan ng pagbubuntis ni Andrea, dumating ang araw kung kailan siya ay manganganak na. Agad na umuwi si Jayjay galing trabaho upang samahan ang nobya sa ospital. Sakay sila ng isang tricycle at kung saan saan sila nagpuntang mga ospital. Subalit sa kasamaang palad, wala sinuman ang tumanggap sa kanila dahil wala ni-isang dokumento ng check up si Andrea.

Hanggang sa nawalan na ng malay si Andrea at nagpasya na si Jayjay na isugod siya sa ospital na pinakamalapit- pribado at mahal ang ospital na ito. Dahil natakot siyang mawala ang nobya, sinugal na niya ang pagpapagamot sa ospital na iyon.

Makalipas ang ilang oras at sa wakas ay nasilayan na nina Jayjay at Andrea ang kanilang munting sanggol. Halos mangiyakngiyak sila sa sobra nilang tuwa. Ngunit kasabay pala ng tuwa ay ang patong patong na bayarin nila sa ospital na umabot sa isang daang libo.

“Paano natin babayaran ang bayarin natin, Jayjay? Saan naman tayo kukuha ng ganoon kalaking pera?” nag-aalalang tanong ni Andrea habang nakahiga sa kaniyang kama sa ospital at bitbit ang anak.

“Akong bahala, mababayaran din natin ‘yan,” tugon naman ni Jayjay.

Dumaan pa ang isang linggo hanggang sa umabot na sa ilang daang libo ang kanilang dapat na bayaran sa ospital. Subalit wala ni-pisong makuha si Jayjay. Hindi rin siya sinusuportahan ng kanilang mga magulang at kahit kaniyang mga kaibigan ay wala ring pera.

Dito na nakaisip ng kababalaghan si Jayjay- ang ibenta ang kanilang anak. Mayroon kasing nagsabi sa kaniya na babayaran sila pati ang ospital kung ibebenta nila ang kanilang anak. Mabigat man sa loob, nagkasundo si Andrea at Jayjay na ipagbili na lamang ang anak. Dahil alam naman nilang mga bata pa sila at mayroon pang susunod na pagkakataon na magkakaroon sila ng anak.

Agad na nakahanap si Jayjay ng taong nais bumili sa kanilang anak. Mayaman ang mag-asawa na naghahanap ng aampuning sanggol. Bukod sa bayarin sa ospital, nagbigay pa ang mga iyon ng isang daang libo na kanilang maiuuwi.

Matapos ang naranasang iyon, bumukod na ang dalawa at nagpakalayo-layo dahil inamin na rin ni Andrea na inaabuso siya ng ina ni Jayjay. Nakahanap sila ng bahay na mauupahan at nagsimulang muli. Hanggang sa ang perang kinita nila ay naubos na rin.

“Humanap na lang tayo ng mga taong walang wala na nais magbenta ng sanggol. Tapos tayo na rin ang hahanap ng mga bibili,” isang ideya ang biglang pumasok sa isip ni Jayjay na agad namang sinang-ayunan ni Andrea.

Dumaan ang mga buwan na naging negosyo na ng magkasintahan ang pagbebenta ng mga sanggol na para bang isang kagamitan. Sa bawat sanggol ay nakakakuha rin sila ng malaking bahagi nila na kanilang pinagkukunan ng pera upang mabuhay. Hanggang sa dumating ang araw na mayroong isang babae ang lumapit sa kanila at humihingi ng tulong na makahanap ng taong pagbebentahan ng anak nito.

“Kahit po wala nang bayad, nais ko lang magkaroon na siya ng magandang buhay sa piling ng mga magulang na may pera,” pakiusap ng isang ale sa kanila.

Nagkatinginan ang mag-asawa na parehong naisip na pagkakakitaan naman nila iyon. Agad nilang tinanggap ang sanggol at binigyan ng limang libong piso ang ale na mabilis namang umalis.

“Jackpot tayo!” naghiyawan ang mag-asawa na wari bang nanalo ang mga ito sa lotto. Lingid sa kanilang kaalaman ay umpisa na pala ito ng kanilang kalbaryo.

Lumipas ang mga araw na nasa kanilang pangangalaga ang sanggol na iniwan ng ale. Nagpasiya silang dalhin ito sa mall kung saan makikipagkita sila sa mag-asawang bibili sa bata. Masaya ang dalawang nagtungo roon.

Nang sila ay nakapasok sa loob ng mall, nagulat ang dalawa nang lumapit sa kanila ang mga pulis at tinutukan ng mga baril. Kinuha sa kanilang mga kamay ang sanggol at dinala silang dalawa sa presinto. Doon nila natuklasan na sila pala ang naloko ng ale.

“Matagal nang nawawala ang sanggol na ito at humihingi ng pera ang taong kumuha. Arestado kayong dalawa sa kasong pangingidn*p sa bata,” huling lahad ng mga pulis at sila ay tuluyan nang ikinulong dahil nasa hustong gulang na sila nang mga panahong iyon.

Kahit na anong paliwanag nila ay hindi naniwala ang mga pulis. Doon ay nagsisihan ang dalawa na para bang hindi magkasintahan.

“Kasalanan mo lahat ng ‘to! Mukhang pera ka kasi!” ani Jayjay kay Andrea.

“Ano’ng ako? Ikaw ‘yong nagsimula ng lahat mula nang ibenta mo ang anak natin!” patuloy na sumbatan ng dalawa.

Totoo nga na lahat ng masama ay nabubulgar sa huli. At lahat ng ito ay may kaakibat na parusa.

Advertisement