Hinusgahan at Pinagtabuyan Niya ang Kaibigang Nanghihingi ng Tulong; Pinagsisihan Niya ang Kaniyang Ginawa
Habang tahimik na nag-iisip ng paraan kung paano niya mas mapapalago ang negosyo niyang babuyan at palaisdaan, biglang nilapitan ng kaniyang kasambahay ang binatang si Denver.
“Sir, may naghahanap po sa inyo. Sinabihan ko na nga po na hindi po kayo nagpapaistorbo sa trabaho, eh, pero mapilit po talaga siya. Lumuhod pa nga po siya sa harapan ko para sabihin ko raw po sa inyo ang pangalan niya. Kapag nalaman niyo raw pong siya si Joel, ang matalik niyong kaibigan noong hayskul, magpapaistorbo raw po kayo,” kwento ng kasambahay sa kaniya na ikinaisip niya.
“Joel? Ah! Oo, natatandaan ko na siya. Sige, lalabas ako, siguraduhin mong hindi siya makakapasok sa bahay, ha, baka mamaya may malikot na kamay ‘yan!” utos niya rito saka agad niyang iniayos ang mga gamit niyang nakakalat sa kaniyang lamesa.
“Masusunod po, sir!” sagot nito saka agad na lumabas ng kaniyang silid.
Matapos niyang maiayos ang kaniyang mga gamit, agad na siyang lumabas ng kaniyang bahay at doon nga niya nakita ang dati niyang kaibigan na halos hindi niya makilala dahil sa sobrang kapayatan.
“Gumagamit ka ba ng pinagbabawal na gamot, Joel? Impis na impis ka ah!” tatawa-tawa niyang bungad dito.
“Naku, hindi, Denver. May malubha kasi akong sakit sa bituka ngayon kaya nga ako narito upang humingi ng kaunting tulong sa’yo,” tugon nito habang nagkakamot ng ulo.
“Tulong? Ano’ng maitutulong ko sa’yo?” taas noo niyang tanong saka nagsindi ng kaniyang sigarilyo.
“Kahit maliit na halaga lang, Denver, ayos na sa akin. Wala na kasi talaga akong ibang malapitan. Kailangang-kailangan ko na muling mapagamot dahil iba na talaga ang nararamdaman ko,” daing nito na ikinailing niya.
“Kulang lang ‘yan sa paghithit, Joel! Ako pa ang niloko mo! Pasensya ka na, wala akong pera ngayon, eh. Kung mayroon man, hinding-hindi kita bibigyan dahil baka ipangbisyo mo lang!” sigaw niya pa rito habang tinitingnan ang payat nitong katawan, “Sige na, makakaalis ka na, maglilinis pa ng bakuran ‘yong kasambahay ko,” pagtataboy niya rito, binuksan niya pa ang gate ng kaniyang bahay kaya agad na rin itong lumabas nang nakatungo at tila nagpipigil ng luha.
Pagkatapos ng pag-uusap nilang iyon, muli siyang bumalik sa kaniyang silid at pinagpatuloy ang kaniyang pagtatrabaho. Inabot na siya ng madaling araw doon dahilan para siya’y magpasiyang matulog na rin kinalaunan. Kinabukasan, maaga siyang nagising upang bisitahin ang isa sa kaniyang mga babuyan. Habang siya’y kumakain, muli siyang nilapitan ng kaniyang kasambahay upang bigyan ng kape at magtanong.
“Sir, totoo po bang ‘yong lalaking dumalaw sa’yo kahapon ay ang taong nagpaaral po sa inyo dati? Edi mayaman din po siya katulad niyo? Bakit parang bigla po siyang naghirap?” tanong nito sa kaniya.
“May bisyo, eh, kaya nga siya ganoon kapayat,” iiling-iling niyang tugon.
“Hindi po siya nagbibisyo, sir, may sakit po talaga siya. Sa katunayan, kinuha na siya ng Panginoon kaninang madaling araw,” sabat ng kaniyang sekretarya na kakarating lamang.
“Ano? Paano mo nalaman?” gulat niyang tanong.
“Kapitbahay po namin siya, sir. Binenta niya ang lahat ng ari-arian niya upang mapagamot lang ang sarili niya. Kaya lang, kulang pa rin talaga ang perang mayroon siya. Sana po kahit kaunti tinulungan niyo siya upang madugtungan ang buhay niya,” kwento nito na ikinatahimik niya na lamang.
Nakaramdam siya ng matinding pangongonsenya. Ang binatang dati ay sumasagot sa lahat ng kaniyang gastusin, mapabaon man, pamasahe o matrikula, hindi man lang niya natulungan sa huli nitong mga oras sa mundo.
“Bakit ka ba gan’yan, Denver? Imbes na tulungan mo siya, hinusgahan at tinaboy mo pa!” sigaw niya sa sarili na ikinatakot ng kaniyang mga tauhan.
“Bakantehin mo ang buong araw ko ngayon, pupuntahan ko ang kaibigan ko,” mangiyakngiyak niyang utos sa sekretarya na agad naman nitong sinunod.
Pagkapunta niya sa bahay nito, lalo pa siyang nakaramdam ng pangongonsenya dahil marami siyang litrato roon kasama ang yumaong lalaki.
“Bakit hindi mo iginiit sa akin na hindi ka nagbibisyo at may sakit ka talaga, Joel?” iyak niya sa kabaong nito.
Upang makabawi kahit papaano sa kaibigan, buong linggo ng burol nito, hindi siya umalis sa tabi nito. Siya rin ang sumagot sa lahat ng gastos sa pagpapalibing dito at kaniyang sinigurong hindi maghihirap ang inang naiwan nito.
“Hayaan niyo pong ako naman ang magbigay pag-asa sa buhay niyo, mamang,” sabi niya sa ina nitong walang araw na hindi umiiyak kasama siya.
Puno man siya ng pagsisisi sa puso, alam niyang kahit papaano ay napasaya niya ang kaibigan sa pag-aalaga niya sa ina nito. Siya’y nagpatuloy sa pagpapaunlad ng kaniyang negosyo at sinigurado niyang lahat ng lalapit sa kaniya upang humingi ng tulong ay tutulungan niya nang bukal sa puso lalo na kung kaibigan o kaanak niya ito.
“Oras na upang ipamahagi ang biyayang natatanggap ko. Sana mapatawad mo na ako, kaibigang Joel,” wika niya sa hangin.