Inday TrendingInday Trending
Palagi Niyang Kinukumpara ang Panganay sa Bunsong Anak; Nilayasan Tuloy Siya Nito

Palagi Niyang Kinukumpara ang Panganay sa Bunsong Anak; Nilayasan Tuloy Siya Nito

Walang habas na pinamumukha ng ginang na si Machie sa panganay niyang anak na mas gusto niya ang nakababata nitong kapatid kaysa rito. Alam man niyang nasasaktan niya ang mura nitong pag-iisip at puso, patuloy niya pa rin itong ginagawa dahil hindi ito kasing talino at bibo ng bunso niyang anak.

Sa katunayan, kahit walong taong gulang palang ito, hinahayaan niya na itong pumasok mag-isa sa eskwela. Ni minsan ay hindi siya nag-alalang mawawala ito sa lansangan sa paglalakad nito patungong eskwela. Mas nag-aalala pa siyang mag-isang pumasok sa day care center ang bunso niyang anak na nasa tapat lang naman ng kanilang bahay.

Nagsimula siyang mawalan ng pagmamahal sa panganay niyang anak nang mag-abroad ang kaniyang asawa at hindi na nagparamdam sa kanila. Tanging ang bunsong anak niya lang noon ang siyang nagbibigay ng saya sa kaniya dahil sa pagkabibong taglay nito. Simula noon, hanggang ngayon na ni anino ng asawa niya ay hindi nila makitang mag-iina, patuloy niyang tinuon ang atensyon sa bunsong anak upang sumaya at makalimot.

Isang araw, habang abala siya sa pag-aasikaso sa bunso niyang anak na papasok na sa day care center, bigla siyang kinalabit ng panganay niyang anak.

“O, ano pa ang kailangan mo? Nasa lamesa na ang baon mong pagkain at ang perang ibibili mo ng proyekto mo. Umalis ka na, baka mahuli ka pa sa klase!” iritableng sigaw niya rito.

“May ipapakita lang po sana ako, mama,” kamot-ulo nitong sabi saka iniabot sa kaniya ang isang piraso ng papel.

“Ano ‘yan?” masungit niyang singhal saka padabog na kinuha ang papel, “Diyos ko! Nagkamali ka pa ng isa sa pagsusulit na ‘to? Bakit ayaw mong gayahin itong kapatid mo? Lahat ng eksam ay nasasagutan niya lahat nang tama!” pagkukumpara niya pa rito.

“Mahirap po kasi ‘yan, mama,” katwiran nito habang nakatungo.

“Nangangatwiran ka pa! Ang sabihin mo, mana ka lang sa tatay mong makitid ang utak! Sige na, pumasok ka na sa eskwela!” bulyaw niya pa rito kaya dali-dali itong umalis ng kanilang bahay.

Lumipas ang araw nang hindi man lang niya kinakausap ang anak niyang ito. Nakita man niya itong umuwi at may bitbit na namang art project, hindi niya man lang ito tiningnan.

Bandang alas siyete ng gabi, nang matapos na siyang magluto ng kanilang hapunan, agad na niyang tinawag ang kaniyang mga anak upang sabay-sabay silang kumain. Kaya lang, ang bunsong anak niya lang ang tanging lumapit sa kaniya.

“Nakakainis talaga ‘yang kuya mo! Ilang beses nang tinawag, ayaw pang magpunta rito!” inis niyang sabi saka galit na hinanap sa kanilang bahay ang panganay niyang anak.

Ngunit, kahit saan niya itong hanapin, hindi niya ito nakita. Ang art project lang nitong may larawan ng isang ina ang tangi niyang nakita sa silid na tinutulugan nila.

“Para sa paborito kong tao, mama. Ingat po kayo ni bunso!” mensahe nito dahilan para roon niya mapagtantong naglayas ito.

Dali-dali niya itong pinagbigay alam sa kanilang barangay at kanila itong hinanap sa buo nilang lalawigan. Wala siyang ibang magawa kung hindi ang manalanging walang masamang mangyari rito.

“Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyari sa’yo, anak ko! Patawarin mo na si mama, pangako, mamahalin at aalagaan na kita nang tama kagaya kay bunso! Magpakita ka na, anak!” sigaw niya habang nagroronda sila ng mga tanod.

Nang mapadaan sila sa isang palaruan, napansin niyang may batang nakaupo sa tutok ng padulasan at nang makumpirma niyang iyon ang panganay niyang anak, agad siyang napaluha.

“Limang taong gulang siya nang huli ko siyang maisama at makalaro sa parkeng ito,” wika niya saka niya ito agad na nilapitan.

Bago pa siya lumapit, kitang-kita niya sa mata ng anak ang takot na nararamdaman.

“Huwag kang matakot, anak, hindi kita papagalitan. Halika, yakapin mo muna si mama tapos maglalaro tayo rito!” mangiyakngiyak niyang yaya rito.

“Kahit po gabi na?” pag-aalala nito.

“Oo, kahit umagahin pa tayong dalawa rito!” sagot niya na agad nitong ikinangiti dahilan para lumapit ito sa kaniya at siya’y mahigpit na yakapin.

Buong magdamag nga silang naglarong mag-ina roon at nang maalala nila si bunso na pinagkatiwala niya sa kanilang kapitbahay, agad nila itong sinundo at silang tatlo ang naglaro roon hanggang sumikat ang araw.

“Ngayon na lang po ako ulit sumaya nang ganito, mama! Salamat po!” tuwang-tuwa sabi nito sa kaniya habang naghahabulan sila ng bunsong kapatid.

“Pangako, simula ngayon, araw-araw ka nang magiging masaya!” sigaw niya na ikinatalon nito sa tuwa.

Iyon na nga ang naging simula ng pantay niyang pagmamahal at pag-aalaga sa kaniyang mga anak. Iniwasan niya na ring ikumpara ang bawat isa sa isa’t-isa at parehas niya itong binibigyan ng papuri at kasiyahan araw-araw.

Sa ganoong paraan, kitang-kita niya ang malaking pagbabago ng panganay niyang anak na ngayon ay palagi nang nakangiti at ganadong mag-aral.

Advertisement