Inday TrendingInday Trending
Hindi Sinayang ng Binatang Ito ang Pagod ng Kaniyang Magulang; Paanong sa Isang Iglap, Sila ay Milyonaryo na?!

Hindi Sinayang ng Binatang Ito ang Pagod ng Kaniyang Magulang; Paanong sa Isang Iglap, Sila ay Milyonaryo na?!

Bata pa lang si Jano ay alam niya na kung paano pahalagahan ang hirap ng kaniyang ama at ina, o ng mga taong nagpalaki sa kaniya. Hindi naman kasi lingid sa kaalaman niya na ang mga taong kinagisnan niya nang magulang ay hindi niya tunay na kadugo, dahil napulot lamang naman siya ng mga ito sa basurahan noong siya ay sanggol pa lang.

Pagbabasura at pangangalakal ang ikinabubuhay ng mga ito. Marumi man ngunit ipinagmamalaki ni Jano ang kabuhayan nila dahil alam niyang marangal naman ’yon. Tinatanaw niyang utang na loob ang kanilang ginawang pag-aaruga sa kaniya kahit pa hindi naman siya tunay na anak ng mga ito.

Kaya’t upang ipakita ang kaniyang pagmamahal at pagpapahalaga sa kanila ay pinagbubuti ni Jano ang kaniyang pag-aaral. Bukod doon ay hindi rin siya nagrereklamo sa kung ano’ng kayang ibigay ng mga ito bagkus ay natututo siyang maging masaya sa lahat ng mayroon siya ngayon. Ipinangako rin ni Jano na balang araw ay iaahon niya sa hirap ang mga magulang, sa pamamagitan ng pagtatapos niya ng pag-aaral at pagkakaroon ng magandang trabaho sa hinaharap. Isang consistent honor student si Jano, simula elementarya, hanggang nang siya ay tumuntong na ng hayskul. Isa siyang matalinong bata at napakabait na anak. Isa siya sa pinakamasunuring binatilyong bibihira na lang sa panahon ngayon.

“O, anak, baon mo,” anang kaniyang ina kay Jano sabay abot sa kaniya ng singkuwenta pesos na pambaon sa paaralan.

Agad namang ipinagtaka ni Jano kung bakit malaki ang ibinibigay nito sa kaniya ngayon. “Mama, ang laki naman po yata nito? Hindi naman po ako namamasahe, e. Walking distance lang naman po ang eskuwelahan ko, hindi ba?” tanong niya pa sa ina pagkatapos ay akmang ibabalik ang ibinigay nitong baon.

Hindi naman kasi kailangan ni Jano ng malaking baon. Sa katunayan nga ay halos ayaw niya nang manghingi sa kaniyang ina dahil tuwing Linggo ay nagsa-side line naman siya bilang tutor ng mga elementarya sa mga karatig barangay nila at sapat ang kinikita niya roon para maipangtustos sa sariling pag-aaral.

“High school ka na, anak. Hindi na pupuwede sa ’yo ang pasampu-sampung piso lang. Mas marami na kayong kailangang bilhin ngayon, dahil siguradong madadagdagan din ang project mo sa school. Sige na. Talagang inilaan namin ng papa mo ’yan, para sa ’yo. Magtatampo ako kapag tinanggihan mo ’yan, sige ka,” biro pa ng kaniyang ina kaya’t wala nang nagawa pa si Jano. Hindi na siya nagprotesta pa at tinanggap na lang ang ibinibigay ng kaniyang ina.

Habang naglalakad patungong eskuwelahan ay napadaan si Jano sa isang bangkong kabubukas lang. Hindi ito kilala, dahil nga bago lamang ito. Dahil doon ay may naisip siyang ideya. Pumasok siya sa loob ng nasabing bangko at nagtanong kung may programa ba ang mga ito na naglalayong magkaroon ng account ang mga batang estudyanteng katulad niya, dahil may ganoon sa ibang mga bangko. Sinuwerte naman siya dahil mayroon ngang gan’on doon.

Simula noon, sa tuwing may sosobrang pera si Jano ay inilalagay niya iyon sa bangko, lingid sa kaalaman ng kaniyang mga magulang. Nakasanayan na niyang gawin ang mga ’yon hanggang sa makatapos siya ng hayskul, maging noong siya ay tumuntong na ng kolehiyo.

Nadagdagan pa ang bawat hulog ni Jano sa naturang bangko nang maging working student siya noong siya ay kolehiyo na. Doon pa nga siya bumawas sa kaniyang ipon upang may maipangpuhunan siya sa pagiging online seller habang nagtatrabaho siya at nag-aaral.

Talagang nagsikap si Jano na mapaunlad ang kaniyang sarili dahil determinado siyang tuparin ang pangako niyang iaahon niya sa hirap ang kaniyang ama at ina. Hindi niya sasayangin ang pagod ng mga ito sa pagtatrabaho para lang makatapos siya ng pag-aaral.

Dumating ang araw ng pagtatapos ni Jano sa kolehiyo. Bumuhos ang labis na tuwa ng kaniyang mga magulang nang tanghalin siyang nagkamit ng pinakamataas na parangal! Ngunit hindi pa doon tinapos ni Jano ang tuwang nadarama ng mga ito, dahil nang umuwi sila ng bahay ay iniabot niya sa mga ito ang tsekeng nagkakahalaga ng tatlong milyong piso, na bunga ng pag-iipon niya simula noong siya ay hayskul pa lang hanggang ngayong kolehiyo na siya!

Hindi akalain ng kaniyang mga magulang na kasabay ng pagtatapos niya ng pag-aaral ay magiging milyonaryo na ang buo nilang pamilya! Iyon ang gagamitin nila sa panibagong negosyong gustong umpisahan ni Jano. Ngayon ay mabibigyan niya na ng magandang buhay ang mga magulang niya!

Advertisement