Namimili ng Pasahero ang Drayber Para sa Mas Malaking Kita; Nalagay ang Buhay Niya sa Panganib Dahil sa Pera
Sa malayo pa lang ay tanaw na ni Robert ang isang babaeng pasahero na nakatayo sa harap ng isang building. Nang makita siya nito, tila nabuhayan ito ng loob na kumaway sa kaniya.
“Hay, salamat naman sa Diyos at napadaan kayo! Kanina pa ako naghihintay dito. Humigit isang oras na rin,” salubong nito sa kaniya.
Alam niya agad kung bakit nito nasabi iyon. Talagang bihira ang dumadaang sasakyan sa lugar, at swertihan na lang talaga.
Bubuksan na sana niya ang pinto ng sasakyan para pasakayin ang babae, pero natigilan siya nang mapansin niya ang isa pang lalaki na mukhang naghihintay rin sa ‘di kalayuan.
Hindi nakaligtas sa matalas niyang mata ang marangyang kasuotan ng lalaki. Hindi pa man niya nakikita nang malapitan, alam niyang mamahalin ang mga iyon. Nagbago tuloy ang isip niya at kaagad na nabuo ang interes niya sa pasaherong lalaki.
“Sir, saan po kayo pupunta?” usisa niya.
“Sa kabilang bayan sana, boss,” sagot nito saka lumapit.
Doon niya nakumpirma na mamahaling damit ang suot nito, maging ang bitbit nitong bag.
Siguradong bibigyan siya ng malaking tip kapag isinakay niya ito!
“Sa kabilang bayan lang pala, Sir. Sakay ka na sa likod, ako nang bahala sa inyo!” magiliw na alok niya sa lalaki.
Hindi naman napigilan ng babaeng pasahero ang umalma.
“Teka lang, Manong. Bakit siya ang inaalok mo gayong ako ang nauna dito? Kanina pa ako naghihintay habang siya limang minuto pa lang mula nang dumating. Hindi naman yata patas na pinipili niyo ang pasahero niyo nang ganito!” nakapamewang na sabat nito.
Kunot noo niya lang itong minasdan. Malayong-malayo ang itsura at gayak nito sa lalaki. Base sa suot nito at napakaraming bagahe, hindi malabong probinsyana ito.
“Sa susunod na taxi na lang kayo, Ma’am. Huling biyahe ko na ‘to ngayong gabi at saka may kamahalan ang singil ko kapag ganitong oras,” pagdadahilan niya kahit na ang totoo, ang malaking bayad ang habol niya.
Ganoon na lang ang pagtutol ng babae pero sa huli, wala rin itong nagawa nang buhayin niya na ang makina at patakbuhin ang sasakyan.
Napangisi na lang siya habang nagmamaneho. Ang totoo hindi iyon ang unang beses na ginawa niya ang pamimili ng pasahero. Sa tuwing magkakaroon siya ng pagkakataon, iyon ang palagi niyang ginagawa para kumita nang malaki.
“Kawawa naman ‘yung babae, Manong. Totoo pa namang siya ang nauna kaysa sa akin,” komento ng lalaki.
“Sigurado naman po akong may dadaan pang ibang sasakyan maya-maya. Saka mukhang mas mahalaga ang pupuntahan niyo, Sir, kaya kayo na inuna ko para hindi na kayo mahirapan pa,” pambobola niya rito.
Mula sa salamin, kita niya ang pagngiti nito.
Sa kagustuhan niya na makuha ang loob nito, nakipagkwentuhan pa siya rito. Nagkwentuhan sila tungkol sa trabaho. Ayon dito ay mataas ang posisyon nito sa isang kilalang kumpanya kaya mas lalo siyang nagdiwang.
“Manong, ihinto mo muna saglit,” biglaan nitong sinabi nang makarating sila sa madilim na bahagi ng daan.
Walang pag-aatubili niya itong sinunod sa pag-aakalang may kailangan itong gawin. Ganoon na lang ang pagtataka niya nang tumingin ito sa labas ng bintana saka sumenyas.
Maya-maya pa may dalawang lalaki na lumapit. Hindi niya matukoy kung saan galing ang mga ito lalo na’t walang ilaw sa kalsada. Kinatok ng mga ito ang bintana ng sasakyan.
Bubuhayin na sana niya ang makina sa takot na baka kung ano pang gawin ng mga ito nang maramdaman niya ang malamig na metal sa kaniyang leeg.
“Bubuksan mo ang pinto o ipuputok ko ang b@ril na ito?” tanong ng pasaherong lalaki na kanina lang ay kakuwentuhan niya.
Agad siyang binalot ng takot nang mapagtanto niya kung ano ang nangyayari. Holdaper ang lalaking naisakay niya at mukhang siya ang bibiktimahin nito at ng mga kasama nito ngayong gabi.
Nanginginig niyang binuksan ang pinto. Pumasok ang dalawang lalaki na pawa ring mga armado. Halos maihi siya sa labis na takot.
“Ibigay mo sa akin ang bag mo. Pati na rin yung cellphone mo,” maangas na utos ng pasahero.
Alipin siya ng takot na baka totohanin ng mga ito ang banta kapag pumalag siya kaya’t pikit mata niyang ibinigay ang hinihingi ng mga ito.
Hindi pa nakuntento ang tatlo ay kinuha pati ang relos na bigay ng asawa at sapatos niyang suot. Pagkatapos pinalabas siya ng sasakyan at pinaharurot iyon.
Naiwan siyang nakayapak, walang kahit ano, at tigmak ng luha ang mga mata. Hindi siya makapaniwala sa nangyayari.
Natangay ang lahat ng gamit niya kaya ang tanging nagawa na lang niya ay maglakad papunta sa presinto para i-report ang nangyari.
“Naku, Sir. Hindi niyo po alam na isa ‘yan sa pinakasikat nilang taktika? Magbihis may kaya para madali silang makahanap ng biktima. Mukhang sanay na sanay na ang mga nakadali sa inyo, alam kung saan walang CCTV. Mukhang mahihirapan tayong mahuli ang mga ito,” komento ng pulis.
Napayuko na lang si Robert. Ganoon na lang ang panlulumo niya.
Hindi niya maiwasang isipin na kung sana hindi siya namimili ng pasahero, baka hindi ito nangyari.
Totoo nga na hindi mo makikilala ang tao base sa gayak. Minsan, kung sino pang nakasuot ng pinakamagarang kasuotan, sila pa ang mga mapanlinlang.