Nawawalan na ng Pag-asa ang Mag-asawa na Magkakaanak Pa Sila; Hanggang Isang Gabi, May Dumating na Hindi Inaasahan
Isang katuparan para kina Cecille at Francisco na maikasal sila, sa katedral na pinangarap nilang pagpapangakuan sa isa’t isa na magsasama sila sa hirap at ginhawa, sa harap ng dambana.
“Ilan ang nais mong maging anak?” tanong ni Cecille sa kaniyang mister, habang ninanamnam nila ang nakapanginginig na lamig ng Baguio City, sa kanilang pulot-gata.
“Hindi naman ganoon karami. Ayaw kitang pahirapan sa panganganak. Mga isa lang,” sagot ni Francisco.
“As in isa lang? Ayaw mo man lamang na dalawa?” tanong ni Cecille.
“Isa, as in… isang dosena! Magtatayo kami ng liga,” kindat at biro ni Francisco sa kaniyang misis. Inihampas naman ni Cecille ang kaniyang kanang kamay sa balikat ng palabirong mister.
“Kakayanin ko ba ang isang dosena? 12 ‘yun. Tatalunin ko pa si Nanay. Siyam kaya kaming magkakapatid, kaya ang tawag niya sa amin ay ‘The Lucky Nine.’”
“Kung puwede lang naman, Mahal. pero seryoso, kahit ilan naman. Ang mahalaga, mapalaki natin siya nang maayos. Mabusog siya sa saya, pagkalinga, at pagmamahal. Kahit ilan pa sila. Akong bahala sa inyo.”
Kung tutuusin, isa sina Cecille at Francisco sa mga bagong kasal na talaga namang handang-handa sa buhay na pinasok nila. Palibhasa’y pareho silang propesyunal at sanay sa pagpaplano, bago sila lumagay sa tahimik ay may sarili na silang bahay at lupa, kotse, at ipon sa bangko.
Iisa na lamang talaga ang kulang sa kanila.
Anak.
“Bakit kaya hindi pa tayo nagkakaanak, Francisco? Ayos naman daw tayo sabi ni doktora. Wala namang baog sa ating dalawa,” naiinip na sabi ni Cecille sa kaniyang mister makalipas ang dalawang taon simula nang sila ay mag-isang dibdib.
“Huwag kang mag-alala, darating din tayo riyan. Baka sinasabi ng Panginoon na hindi pa tayo handa. Ipagkakaloob din ‘yan sa atin. Sa ngayon, mas makabubuting mag-enjoy muna tayo sa buhay natin na dalawa lamang tayo,” pampalubag-loob ni Francisco sa kaniyang misis.
Kaya nagpakasubsob sila sa trabaho at kapag Sabado, Linggo, o kaya naman ay holiday, talagang ginugugol nila ang sandali sa pamamasyal at paglalakbay. Iba pa rin ang paglalakbay kapag dalawa lamang sila at may kasa-kasama na silang bata.
“Francisco! Mahal! Mahal…”
Nagulat si Francisco sa pagtili ng misis. May itinatago ito sa likod.
“Ano ‘yan?”
Inilabas ni Cecille ang isang maliit na aparato. Pregnancy test.
“Magiging tatay ka na!”
Antimanong niyakap ni Francisco ang kaniyang misis. Binuhat niya ito. Hindi niya maipaliwanag ang kaniyang kasiyahan.
Mas naging maingat si Cecille sa kaniyang mga pagkilos. Mas naging maalaga naman si Francisco.
Ngunit sa pangalawang buwan ng kaniyang pagbubuntis, bigla na lamang dinugo si Cecille. Nalaglag ang kaniyang pinagbubuntis.
“Huwag kang mag-alala, Mahal… narito lang ako sa tabi mo,” pag-aalo ni Francisco sa malungkot na malungkot na si Cecille. Hindi siya makaapuhap ng eksaktong salita kung paano niya papawiin ang kakaiba at malalim na kalungkutang lumukob sa kaniyang misis.
Napansin ni Francisco na simula nang malaglagan ng anak si Cecille ay naging tahimik ito at malulungkutin. Mas dinoble pa niya ang pag-aalaga at pag-unawa. Masakit din para sa kaniya ang mga nangyari, subalit ayaw naman niyang ipakita sa asawa na nanghihina siya.
Siya ang kalakasan nito ngayon. Balikat na sasandalan. Mga bisig at kamay na aalalay.
Makalipas ang dalawang taon ay muling nagbuntis si Cecille.
Ngunit hindi nga siya nakunan, ectopic naman ang kaniyang pagbubuntis. Wala sa kaniyang m*tres ang f*tus kundi nasa obaryo niya. Kailangan daw itong tanggalin habang dugo pa, kundi ay mapapahamak ang buhay ng ina, at maging ang sanggol, kapag iniluwal na ito.
Matinding pagdadalamhati ang lumukob sa mag-asawa.
“Huwag tayong mawawalan ng pag-asa, Mahal. Pasasaan ba’t…”
“Tama na, Francisco. Hindi na ako umaasa,” patid ni Cecille sa anumang pampalubag-loob na sasabihin ng mister.
Simula noon ay medyo tumamlay ang mag-asawa.
Hanggang isang gabi, nagising silang mag-asawa sa isang palahaw ng iyak na naririnig nila sa labas ng kanilang bahay, sa mismong tarangkahan.
“Ano ‘yun?” tanong ni Cecille.
“Halina’t puntahan natin,” saad naman ni Francisco.
Nagulat ang mag-asawa nang makita nila ang isang basket—at sa loob ng basket ay isang sanggol na mukhang kapapanganak lamang. Lalaki ang naturang sanggol. Sa tiyan nito ay nakalapag ang isang papel na may nakasulat:
“Hindi ninyo ako kilala pero kilala ko kayo. Sa inyo na ang anak kong kasisilang lamang. Hindi ko siya kayang alagaan. Bunga siya ng pagkakasala ng aking amain sa akin. Alagaan ninyo siya.”
Nagkatinginan sina Cecille at Francisco.
“Hulog siya ng langit sa atin, Mahal…” naiiyak na sabi ni Cecille.
“Aalagaan natin siyang parang sa atin, Mahal,” wika ni Francisco.
Naghintay muna sina Cecille at Francisco kung may biglang pupunta sa kanilang bahay at muling kukunin ang sanggol subalit wala naman.
Ipinasya ng mag-asawa na ampunin na nga ang sanggol na pinangalanan nilang Angelo.
Itinuring nila si Angelo na para bang tunay na anak.
Ngunit hindi lamang iyon ang sorpresang dumating sa kanila.
Muling nagbuntis si Cecille at nagsilang ng kambal!
Masayang-masaya sina Cecille at Francisco sa kakaibang biyayang dumating sa kanilang mag-asawa, para sa mga kagaya nilang marunong maghintay.