Inday TrendingInday Trending
Gusto na Sana ng Babaeng Ito ang Lalaking Naka-Match sa Dating App Subalit May Natuklasan Siya Tungkol Dito; Hindi na Siya Nagparamdam

Gusto na Sana ng Babaeng Ito ang Lalaking Naka-Match sa Dating App Subalit May Natuklasan Siya Tungkol Dito; Hindi na Siya Nagparamdam

Pangarap ni Krizette na makapangasawa ng mayaman na mag-aahon sa kaniya sa kahirapan. Bukod doon, gusto niya ay guwapo rin para naman hindi kahiya-hiya sa kaniyang mga kamag-anak at kaibigan kung ipakikilala na niya.

Talaga namang maganda si Krizette at balingkitan ang pangangatawan kaya lapitin siya ng mga manliligaw. Subalit kapag hindi na niya nagustuhan sa panlabas na katangian pa lamang, hindi na niya kinakausap o ineentertain.

Para sa kaniya, kapag hindi mo gusto, eh ‘di hindi!

Bakit kailangang pag-aksayahan ng oras ang isang taong wala ka namang interes, sa simula pa lamang?

Ngunit minsan, kapag guwapo nga at nagustuhan niya ang pisikal na anyo, susunod niyang tanong ay kung ano ang trabaho nito.

O kaya naman, kung may negosyo.

Kaya naman, pinagbuti niya ang paghahanap ng lalaking makikilala niya, lalo na sa dating app.

Mapalad naman na naka-match niya ang isang napakaguwapong lalaki. Mukhang malinis din ito sa katawan. Mukhang mabango.

Agad silang nagkapalitan ng mensahe sa isa’t isa. Si Dennis na 33 taong gulang.

Madali niyang nakagaangan ng loob si Dennis dahil batay sa mga mensahe nito sa kaniya, mukhang maayos naman ito at matalino.

Sa haba ng kanilang kumbersasyon sa pagkilala sa isa’t isa, nakakalimutan niyang tanungin kung ano ang trabaho nito.

Hanggang sa isang araw ay inurirat na niya kung ano ang pinagkakaabalahan nito sa buhay.

“Ayokong sabihin eh, sikreto!” sabi nito sa kaniya sa chat.

“Ang daya naman. Ako nga, sinabi ko na sa iyo na isa akong supervisor sa isang ticketing company. Ikaw, bakit ayaw mong sabihin kung ano ang trabaho mo?”

“Wala akong trabaho eh.”

Tila pinagbagsakan ng langit at lupa si Krizette.

Tamad?

Tambay?

Teka, baka naman may negosyo, o mayaman ang pamilya!

“May negosyo ka? O umaasa sa pamilya?”

“Sikreto. Biro lang. May trabaho ako. Ipapadala ko sa iyo ang address at baka sakaling magsadya ka at makita mo ako, bibigyan kita ng discount,” sabi nito.

Ipinadala nito ang address ng sinasabi nitong pinagtatrabahuhan.

Batay sa pangalan, mukhang restaurant ito sa Quezon Avenue.

“Okay… salamat sa address. Pero hindi ako sigurado kung makakapunta ako ah? Saka bakit naman kita pupuntahan diyan? Joke!” biro ni Krizette.

“Subukan mo lang naman at bibigyan ka namin ng discount.”

Ngunit nabuo na sa sarili ni Krizette na sosorpresahin niya si Dennis. Bibiglain niya ito. Lunes hanggang Biyernes umano ang duty nito sa trabaho.

Lunes.

Habang nasa labas siya ng restaurant na sinabi nito ay kitang-kita na niya si Dennis sa de-salaming dingding ng restaurant.

Nadismaya si Krizette. Mukhang isang hamak na waiter lamang si Dennis. Nakasuot ito ng apron at may bitbit na tray.

“Waiter lang pala siya? Paano ako mabubuhay nito? Sabagay… kapag waiter ka, kailangan may hitsura ka. Sayang naman.”

Nabuo sa isipan ni Krizette na hindi si Dennis ang lalaking nararapat para sa kaniya.

Naging madalang na ang pakikipag-usap ni Krizette kay Dennis. Hanggang sa hindi na siya nagkukusang nagpapadala ng mensahe sa kaniya.

Hanggang sa tuluyan na silang nawalan ng komunikasyon.

Lumipas ang halos anim na buwan.

Hindi alam ni Krizette kung bakit naisipan niyang kumustahin si Dennis, matapos ang matagal na panahong pananahimik. Muli niya kasing nakita ang profile nito nang nagbubura at nag-uunmatch na siya ng mga naka-match pero hindi naman nakipag-usap sa kaniya.

“Uy, kumusta ka?” chat ni Krizette.

“Mabuti naman. Ikaw ba?” tugon ni Dennis.

“Hindi ka na nagpapadala ng message sa akin?”

Nagpadala ng smiley emoticon si Dennis.

“Eh kasi napansin ko kasi na nanlamig ka na sa akin simula nang makita mo ako sa restaurant. Ikaw nga ang nang-ghosting.”

“Ha? Paano mo nalaman na nagpunta ako sa restaurant para silipin ka?”

“Nakita na kita, nasa labas ka palang. Hindi ka nga pumasok nang makita mo akong nagse-serve. Medyo marami rin kasing customers ng mga panahon na iyon, kaya hindi kita agad napuntahan sa labas. Baka kako nadismaya ka sa nakita mo sa akin kasi ang pangit ko nang mga sandaling iyon. Hulas na hulas ako,” paliwanag ni Dennis.

“Ahhh… hindi naman. Okay lang ‘yun. Baka pagalitan ka rin ng boss mo kapag pumasok ako at kinausap kita habang nagtatrabaho,” palusot ni Krizette.

“Ha? Boss? Wala akong boss.”

“Ha? Paanong walang boss?”

“Ako ang boss.”

“Paanong ikaw ang boss?”

“Ako ang may-ari ng restaurant na iyon. Kapag maraming kumakain, nagse-serve din ako. Tumutulong ako sa gawain. Gusto mong pumunta sa isa pagpapasinaya sa isa ko pang branch sa Makati?”

Napamaang sa kaniyang narinig si Krizette.

Buong akala niya ay waiter lamang si Dennis. Iyon pala, ito pala ang may-ari ng restaurant!

“Ipapakilala na rin kita sa girlfriend ko.”

Mas lalong nalaglag ang balikat ni Krizette.

Ito ang tinatawag na ‘pera na naging bato pa’.

Sising-sisi siya na agad niyang hinusgahan si Dennis batay sa nakita ng kaniyang mga mata, sa sitwasyong iyon.

Ngayon, wala na sa kaniya ang lalaking gusto sana niyang maging nobyo.

Simula noon, minabuti na ni Krizette na bawasan na ang pagiging mapanghusga sa kapwa, lalo na sa pagpili ng magiging kasintahan.

Advertisement