Inday TrendingInday Trending
Tinupad ng Lolo ang Pangarap ng mga Apo na Makakain sa Samgyupsalan; Nagulat Siya na Kulang Pala ang Pera Niya nang Matapos Kumain at Magbabayad na Siya

Tinupad ng Lolo ang Pangarap ng mga Apo na Makakain sa Samgyupsalan; Nagulat Siya na Kulang Pala ang Pera Niya nang Matapos Kumain at Magbabayad na Siya

“Lolo, masarap kaya diyan?”

Muling napatingin si Lolo Ambo sa itinurong kainan ng kaniyang apong si Tonton, habang nakasakay ito sa kariton na kaniyang tulak-tulak.

“Oo nga, lolo?” tanong naman ng babaeng apo na si Letty.

Nakita ni Lolo Ambo kung paano kumakain ang mga tao sa naturang kainan, Sa isang mesa ay may nakalapag na lutuan. Ang mga nakapalibot na mga kustomer ang nagluluto. Ibinabalot nila sa berdeng gulay, na palagay niya ay lettuce, ang nalutong karne ng baboy o baka pagkatapos ay kinakain gamit ang kamay o chopsticks.

Dinig na dinig ni Lolo Ambo ang sagitsit ng mantika na kay lakas mang-anyaya.

Nasamyo niya ang mabangong amoy ng karneng niluluto sa mantika na pumapailanlang sa hangin, na nasisinghot ng kaniyang ilong, padausdos sa sikmurang walang laman.

Kumalam ang kaniyang sikmura. Gutom na siya. Gutom na gutom.

“Mukhang masarap pero mga apo, wala tayong pera para diyan. Halika na nga at magsiuwi na tayo, kung ano-ano ang naiisip ninyong kainin.”

Hanggang sa makauwi ang maglolo, hindi mawala-wala sa isipan ng dalawang bata ang naturang kainan. Hinihiritan nila ang lolo nila na kumain doon.

“Lolo, sana naman makakain tayo roon, kahit doon na lang ako magbertdey,” pakiusap ni Tonton sa matanda.

“Wow, kuya! Bertdey mo na pala!” bulalas ni Letty.

“Huwag kayong mag-alala mga apo, tatanungin ko kung magkano roon,” pangako ni Lolo Ambo.

Naiwan na sa pangangalaga ni Lolo Ambo ang kaniyang mga apo. Hindi na niya malaman kung nasaan na ang anak niyang si Estrella na ang paalam ay mangingibang-bansa lamang, subalit ni hindi na nagparamdam sa kanila.

Kaya upang mabuhay ang mga apo, nangangalakal sila ng mga bote, garapa, diyaryo, papel, at plastik upang maibenta pa. Kasa-kasama niya ang mga apo sa paghahagilap sa mga lansangan, sa kasuluk-sulukan, nang sa gayon ay mairaos nila ang araw.

Sa halagang 100 piso ay nagkakasya na sa kanilang maghapon.

Isang araw, nagsadya si Lolo Ambo sa naturang kainan upang tanungin kung magkano ang pagkain doon.

“199 piso po, sir. Unlimited na po ‘yun,” magalang na sabi ng isa sa mga serbidor.

Nagningning ang mga mata ni Lolo Ambo. May ipon na siyang 244 piso sa kaniyang alkansyang bao. Sa halagang iyon ay tiyak na mapapakain na niya ang mga apo.

Kaya nang sumapit ang kaarawan ni Tonton ay hindi pagsidlan ang tuwa ng dalawang bata. Sa wakas ay makakakain na sila sa kainang matagal na nilang nais—hindi nila mabigkas kung ano ang tawag doon.

Sarap na sarap ang dalawang bata sa kanilang kinakain. Wala silang pakialam kahit nagmamantika ang kanilang mga bibig. Si Lolo Ambo naman ay tila busog na sa kaniyang nakikita. Makita lamang niyang masaya ang mga bata ay masaya na rin siya. Siya ang tagaluto nila.

Nang tapos nang kumain, nagbayad na si Lolo Ambo.

“Sir, kulang pa po ito,” sabi ng serbidor.

Namutla si Lolo Ambo.

“Ha? Hindi ba’t sabi mo sa akin ay 199 piso lamang?”

“Opo. Bawat isa po. 597 piso po lahat.

Pulang-pula ang mukha ni Lolo Ambo. Pakiramdam niya ay nanlamig siya. Wala na siyang perang pambayad. Parang nais niyang lumubog sa kaniyang kinatatayuan.

“Boss, wala na kasi akong pera dito. Namamasura lang kami. Bertdey lamang ng apo ko kaya pinagbigyan ko siyang kumain dito. Ang buong akala ko kasi, 199 piso ay para na sa lahat. Hindi ko nalinaw sa iyo. Puwede naman akong maghugas ng mga pinagkainan bilang kabayaran sa mga nakain namin,” pagmamakaawa ni Lolo Ambo.

“Naku sir, hindi ko lang ho alam kung papayag ang boss namin. Empleyado lang din ho ako rito. Sa akin po kasi ikakaltas iyan,” naaawa at nangingiming sabi ng serbidor.

“Ako na ang magbabayad sa kanila. Okay na ‘yan. Ibalik mo na rin kay Lolo yung ibinayad niya.”

Napatingin sina Lolo Ambo at ang serbidor sa isang lalaking nakasalamin sa mata na kanina pa pala nakikinig sa kanilang usapan.

“Naku maraming salamat po sir,” naiiyak na pasasalamat ni Lolo Ambo.

At inusisa ng lalaki si Lolo Ambo at ang kaniyang mga apo. Nabagbag ang kalooban nito sa kaniya, at nagpaalam na kuhanan sila ng litrato. Nagpaunlak naman ang maglolo. Kinuha rin ng lalaki ang detalye ng kanilang tirahan.

Makalipas ang tatlong araw, isang magarang sasakyan ang dumating sa kanilang dampa.

Nagulat si Lolo Ambo na napakaraming mga grocery gaya ng tatlong sakong bigas, noodles, delata, at marami pang iba ang ibinaba sa kanilang harapan.

Ito ay ang lalaking tumulong sa kanila.

“Naipost ko ho sa social media ang kuwento ninyo at marami pong naantig. Marami pong nagpaabot ng tulong sa inyo,” nakangiting sabi ng lalaki, na nagtatrabaho pala sa isang non-government organization na tumutulong sa mga nangangailangan.

Bukod sa mga grocery items, ibinigay rin ng lalaki kay Lolo Ambo ang nalikom na salaping umabot sa 60,000 piso mula sa mga netizen.

May nagbigay rin ng scholarship para kina Tonton at Letty para sa kanilang pag-aaral hanggang sa hayskul.

Halos maiyak sa tuwa si Lolo Ambo sa biyayang dumapo sa kanilang pamilya!

Ginamit ni Lolo Ambo ang pera upang magsimula ng munting negosyo kaya unti-unti nilang naiangat ang kanilang buhay, hindi man ganoon kayaman, ngunit sapat upang hindi na sila mamasura at mabuhay nang mas disente at marangal.

Advertisement