Ikakasal na ang Magkasintahan Subalit Nabuking ng Dalaga ang Nobyo na may Kinatatagpong Babae na may Kasamang Batang Lalaki; May Inililihim Ba ang Nobyo sa Kaniya?
Sigurado na si Shiela na si Marvin ang lalaking pakakasalan niya, at magiging ama ng kaniyang mga anak.
Wala siyang ibang naging kasintahan maliban kay Marvin, na noong una ay inakala pa niyang mayabang at bast*s.
Ngunit sa dalawang taong kanilang pagsasama bilang magkasintahan ay masasabi ni Shiela na responsable naman ito. Masipag at mapagmahal sa pamilya.
Kaya nang inaya siya nitong pakasalan, hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Hinayaan niyang isuot nito sa kaniyang palasingsingang daliri ang singsing na handog nito.
Naisagawa na rin ang pamamanhikan sa kanilang pamilya na nasa lalawigan. Maging ang kaniyang Itay at Inay ay botong-boto rin kay Marvin.
“Paspasan n’yo na ang kasal para naman maalagaan na namin ang aming mga apo!” sabi ng kaniyang Itay.
“Itay naman…” kunwari ay naeeskandalo si Shiela.
“Oh, anong masama sa sinabi ko? Aba’y sa ganyan din naman ang bagsak ninyo, kaya nga kayo magpapakasal upang may basbas ng Panginoong Diyos ang inyong pagsasama at pagbuo ng sariling pamilya. Hangad ko lamang, Marvin, na huwag mong paiiyakin ang Shiela namin, dahil nakita mo naman ang buong baryong ito, halos magkakamag-anak kami…” kunwari ay pabirong pagbabanta ng kaniyang Itay na ikinatawa naman ng lahat.
“Opo, Tito. Huwag po kayong mag-alala. Tapat po ang intensyon ko kay Shiela, at hinding-hindi ko po siya lolokohin,” sagot naman ni Marvin.
“Baka naman may iba ka nang pamilya ha?” untag naman ng kaniyang Inay.
“Ay wala ho, Tita. Magsisimula pa lang pong bumuo, at si Shiela po ang magiging ina ng aking mga magiging anak.”
Pumailanlang ang hiyawan dulot ng pagkakilig sa sinabi ni Marvin. Namula naman ang mukha ni Shiela. Hindi niya maitago ang pamumula at pagkakilig sa mga sinabi ng nobyo.
Ang sumunod na tatlong buwan ay naging abala para kina Shiela at Marvin. Minabuti nilang sila mismo ang mag-ayos ng mga kakailanganin sa kasal, magmula sa simbahan, sa mga kasuotan, sa reception, at iba pang mga detalye. Mas tipid nga naman.
Isang araw, habang namimiling mag-isa si Shiela sa isang mall upang magtingin-tingin ng mga posibleng souvenir, ay nakita niya si Marvin na naglalakad.
“Anong ginagawa nito dito? Hindi ba’t may trabaho ito? Alam ba niya na nagpunta ako rito sa mall?” sa isip-isip ni Shiela.
Minabuti niyang lumabas sa shop at sinundan niya ang nobyo.
Maya-maya, pumasok ito sa isang restaurant. May nilapitang babae at isang batang lalaki.
Kinabahan si Shiela dahil kapansin-pansin na malapit ang babae at ang batang lalaki kay Marvin. Ano kaya ang relasyon nilang dalawa?
Minabuti ni Shiela na tawagan si Marvin habang nakatingin sa dako nilang tatlo.
“Gusto lang kitang i-check. Kumain ka na ba ng tanghalian? Nasaan ka?” tanong ni Shiela habang nakatingin kay Marvin. Tiniyak niyang nasa malayo siya at hindi siya mapapansin nito.
“Saan pa ba? Nasa opisina ako, Babe. Oo kumain na ako. Ikaw ba?”
Tila binuhusan ng malamig na tubig si Shiela.
Bakit kailangang magsinungaling?
“O-oo… kumain na… sige ingat ka…” at ibinaba na ni Shiela ang telepono. Kitang-kita niya na kumandong pa ang batang lalaki kay Marvin. Hinalik-halikan naman ni Marvin ang ulo ng bata, na para bang… anak niya ito.
Inilabas niya ang kaniyang cellphone at kinuhanan ng litrato ang tatlo bilang ‘resibo’.
Nang gabing iyon ay hindi nakatulog si Shiela.
Sino ang babaeng kinatagpo ni Marvin at sino ang batang lalaki? Bakit nagsinungaling ito sa kaniya?
Posible kayang may ibang babae at anak na si Marvin?
Simula noon ay naging mailap na si Shiela kay Marvin na ipinagtaka naman nito. Kapag dumadalaw ito sa bahay, pinapasabi niyang tulog siya o wala siya. Hindi rin niya sinasagot ang mga text, chat, o tawag.
Hanggang isang araw, nagtungo na ito sa kanilang opisina at inabangan sa uwian.
“Mag-usap naman tayo, Shiela. Anong nangyari? Bakit iniiwasan mo ‘ko?” tanong ni Marvin. Bakas sa mga mata nito ang matinding desperasyon.
Inilabas ni Shiela ang kaniyang cellphone. Pinindot ang photo album icon. Iniharap kay Marvin ang litrato nito kasama ang babae at batang lalaki.
“Ipaliwanag mo nga sa akin, sino ang mga kinatagpo mong ito? Babae mo? Anak mo? Bakit noong tumawag ako sa iyo, ang sabi mo ay nasa opisina ka pero hindi mo alam, nasa paligid lang ako at kitang-kita ko ang pagsisinungaling mo! Sige, magpaliwanag ka sa akin ngayon, bago ko ihinto ang pagpapakasal natin!”
Natawa naman si Marvin at ngumiti kay Shiela.
“Babe, ang babaeng iyan… siya ang half sister ko. Pamangkin ko naman yung batang lalaki. Sa matagal na panahon, nakipag-ugnayan sa akin. Matagal ko na silang hinahanap. Ipapakilala kita sa kaniya.”
“H-Hindi mo siya babae? Hindi mo anak ‘yung bata?”
Kinuha ni Marvin ang kaniyang mga kamay. Hinalikan.
“Hindi ba’t sinabi ko sa iyo, wala akong iba? Ikaw lang ang babae sa buhay ko. Huwag ka nang magselos.”
Agad na binawi ni Shiela ang kaniyang mga kamay.
“Eh bakit ka nagsinungaling? Sabi mo nasa opisina ka…”
Napakamot naman sa ulo si Marvin.
“Sa totoo lang… wala lang… wala lang akong maisip na dahilan. Para siguro hindi ka na mag-usisa? Shie, babe… maniwala ka sa akin. Ipapakilala ko si Neri sa iyo at ang bibo kong pamangkin na ako na ang tumayong tatay.
Sa araw ng kanilang kasal, nakilala na nga ni Shiela ang half sister at pamangkin ni Marvin na inakala niyang ibang pamilya nito.
Sa kanilang mga puso, walang pagsidlan ang kanilang katuwaan dahil sa wakas, ganap na silang mag-asawa at magsasama sa hirap at ginhawa!