
Walang Ibang Ginawa ang Nobya ng Seaman Kundi Humingi ng Pera Para sa mga Kapritso Niya; Isang Araw, Bigla na Lang Itong ‘Di Nagparamdam sa Kaniya
Masayang ibinalita ni Jerald sa kaniyang nobyang si Tara na sa wakas ay sasampa na siya barko bilang isang seaman.
“Yehey, babe! Sa wakas, makakasampa ka na rin sa barko, at kapag sumweldo ka na, tiyak na mabibili mo na ang mga gusto kong ihirit sa iyo!” pahayag ni Tara na anim na taon na niyang kasintahan.
Sa katunayan, ito pa mismo ang pumilit kay Jerald na subukin ang pagiging seaman dahil malaki umano ang suweldo.
“Oo naman, babe. Magtatrabaho akong mabuti sa ibang bansa. Mag-iipon ako para sa kasal natin.”
Kinilig naman si Tara at inisa-isa na nito ang mga gustong mangyari sa kanilang relasyon.
Isang magarang bahay na may swimming pool.
Isang unit sa condominium.
Isang negosyo.
Maraming-maraming pera sa bangko.
Mga mamahaling sapatos, bag, damit, at alahas.
“Teka muna, babe. Huwag muna ganyan habang hindi pa nangingitlog ang manok,” awat ni Jerald. “Nakaka-pressure ka naman! Kinakabahan ako sa iyo eh.”
“Bakit ka naman mape-pressure, babe, eh para naman sa kinabukasan natin ang mga sinabi ko. Saka babe, ano kaya kung buntisin mo na ako?”
“Sigurado ka, babe? Papayag ka nang magpabuntis sa akin?”
“Oo naman babe, tara, simulan na natin babe, kahit ilang rounds pa…”
At hinalikan na siya ni Tara. Gumanti ng halik si Jerald.
Hanggang sa napatangay na sila sa tawag ng kanilang pagmamahalan.
Makalipas ang tatlong buwan ay nakasampa na nga si Jerald sa barko.
Sa unang suweldo niya ay kung ano-ano na ang nais ipabili sa kaniya ni Tara.
“Babe, puwede bang saka na ang mga sapatos at damit? Kasi nagsisimula pa lang akong makarecover sa mga gastusin. Mahal din kasi ang cost of living sa mga bansang nalalapagan namin. Isa pa, may mga binabayaran pa ako sa mga utang ko noong nagproseso ako ng mga papeles. Uunahin ko muna sanang bayaran ang mga iyon,” paliwanag ni Jerald.
“Grabe ka naman! Nagpapabili lang naman ako ng bagong sapatos at damit. Hindi naman siguro makakapagpahirap sa iyo…”
Walang nagawa si Jerald kundi ibigay ang kapritso ng kaniyang nobya.
At sa bawat pagsuweldo ni Jerald ay asahan nang nakaabang si Tara. Kung ano-ano ang pinabibili nito sa kaniya. Bag, sapatos, damit, tsokolate, bag, at marami pang iba. Pati ang mga kamag-anak nito ay humihirit din sa kaniya. Nahihiya naman siyang tumanggi dahil baka sabihin ay wala siyang pakisama sa pamilya ng mapapangasawa.
Kaunti pa lamang ang naiipon niya para sa kanilang kasal.
Isang araw ay tinapat na ni Jerald ang kaniyang nobya.
“Babe, baka puwedeng sa susunod na suweldo, wala munang pabili mula sa iyo o kaya sa mga kamag-anak mo? Wala pa kasi tayong naiipon. Saka, hindi rin ako makapagpadala sa mga kamag-anak ko na nangangailangan din.”
Nagulat si Jerald nang magbago ang timpla ng mukha ni Tara.
“Pinagdadamutan mo na ba ‘ko pati ang pamilya ko? Grabe ka naman! Para maliit na bagay lang eh nagkakaganyan ka na? Lumalabas na ang tunay mong ugali!” sabi ni Tara sa kaniya, at pinindot na nito ang turn off button ng kanilang video call.
Natameme naman si Jerald sa inasal ng kaniyang nobya.
Ilang ulit niya itong tinangkang tawagan subalit ayaw siyang sagutin.
Masama ba ang sinabi niya? Masama bang isipin din niya ang kaniyang sarili at ang kaniyang pamilya? Masama bang pagplanuhan niya ang kanilang kasal na para din naman sa kanila?
Kinabukasan, mas lalong nakaramdam ng stress si Jerald nang mabasa niya ang mga parinig sa social media ng mga kaanak ni Tara.
“Nakapag-seaman lang, yabang na!” sabi ng kapatid ni Tara.
“Saks*k mo sa baga mo pera mo! Huwag ka sana malunod diyan!” post naman ng mismong ina ng nobya.
Nasaktan si Jerald sa mga sinabi nila na para bang hindi naman siya nakatulong sa kanila.
Sinubukan niyang kausapin ang nobya subalit hindi siya nito sinasagot.
Hindi makapagpokus sa kaniyang trabaho si Jerald. Halos limang buwan siyang tinikis at hindi kinausap ni Tara.
Hanggang sa nabigyan siya ng pagkakataong makapagbakasyon ng isang linggo.
Hindi na nagpatumpik-tumpik si Jerald.
Agad niyang pinuntahan ang bahay nina Tara upang makausap ito.
Ngunit napatda siya sa kaniyang natuklasan. Nagulat din si Tara at ang pamilya nito nang makita siya.
“B-Buntis ka? A-Ako ba ang ama…”
Bumuhos na ang emosyon ni Tara.
“Patawarin mo ako, Jerald. May iba na akong pakakasalan. Isang lalaking kayang ibigay ang mga pangangailangan at kapritso ko, at hindi iyong para pa akong nanlilimos at sinusumbat pa sa akin.”
Hindi na rin napigilan ni Jerald ang kaniyang emosyon.
“Bakit mo naman ginawa sa akin ito, Tara? Hindi ba’t ibinibigay ko naman sa iyo ang mga hiling mo, pati na ang hiling ng mga kamag-anak mo? Isang beses lang akong nakiusap na hinay-hinay na, nagbago ka na sa akin? Talaga bang mahal mo ako? Talaga bang minahal mo ako, o pera ko lang ang habol mo?”
Hindi nakakibo si Tara.
Minabuti ni Jerald na umalis na matapos ang natuklasang pagtataksil ni Tara. Makalipas ang isang linggo, muli siyang sumapa sa barko.
Minabuti na lamang niyang isubsob ang sarili sa trabaho. Patuloy pa rin siyang magtatrabaho, magsisipag, at mag-iipon ng perang pinaghirapan.
Para sa kaniyang sarili.
Para sa kaniyang pamilya.
Para sa babaeng mamahalin siya nang tapat.
Makalipas ang tatlong taon…
Nakapagpundar na si Jerald ng sariling bahay at lupa. Kumuha na rin siya ng isang unit ng condominium na pinauupahan niya.
May sapat na rin siyang ipon upang magtayo ng sariling negosyo.
Naipatayuan na rin niya ng bagong bahay ang kaniyang mga magulang.
Marami siyang pera sa bangko.
Ngunit single pa rin siya.
Hindi naman siya nagmamadali.
Nabalitaan niya na naging miserable umano ang buhay ni Tara sa napangasawang mayaman, subalit wala na siya sa posisyon para makialam. Matagal nang tapos ang lahat sa kanila. Kung nakapaghintay lamang ang nobya, sana maligaya ito sa piling niya.
Ilang beses itong nagtangkang makipagbalikan sa kaniya at sising-sisi sa panloloko at pagpapabuntis sa mayamang lalaking puro pasakit lamang ang dulot sa kaniya.
Ngunit nawala na ang pagmamahal niya kay Tara. Wala itong dapat sisihin. Siya ang namili ng direksyong tatahakin ng kaniyang buhay.
Balang araw, naniniwala siyang makakatagpo rin niya ang babaeng muling magpapatibok sa kaniyang puso… sa tamang panahon, at sa tamang pagkakataon.

Minaliit ng Ama ang Kaniyang Anak sa Paniniwalang Mahina ang Ulo Nito; Patutunayan Nito sa Kaniya ang Tunay Nitong Kakayahan
