Inday TrendingInday Trending
Minaliit ng Ama ang Kaniyang Anak sa Paniniwalang Mahina ang Ulo Nito; Patutunayan Nito sa Kaniya ang Tunay Nitong Kakayahan

Minaliit ng Ama ang Kaniyang Anak sa Paniniwalang Mahina ang Ulo Nito; Patutunayan Nito sa Kaniya ang Tunay Nitong Kakayahan

“Papa, hindi ba at sinabi ko naman sa inyo na hindi n’yo kailangang bayaran ang eskuwelahang pinapasukan ko para lang makapasa ako, dahil kaya ko ang sarili ko? Bakit ba ayaw n’yong magtiwala?” masama ang loob na anas ni Gerald sa amang si Gerencio, pagpasok na pagpasok pa lang nila sa kanilang bahay, pagkagaling nila sa kaniyang eskuwelahan. Paano kasi ay nagtungo roon ang kaniyang ama upang kausapin ang kaniyang dean na bigyan nila siya ng matataas na grado, kapalit ng malaking halagang magsisilbi nitong donasyon para sa kanilang eskuwela!

Pakiramdam tuloy ni Gerald ay napakababa ng tingin nito sa kaniya. Talagang noon pa man ay wala nang tiwala sa kaniyang ama dahil ang tingin nito sa kaniya ay mahina ang utak. Animo siya baldado kung ituring nito! Para bang ang gusto nito ay ito na ang gumawa ng lahat ng bagay para sa kaniya, sa takot na madala niya sa kahihiyan ang pangalan ng kanilang pamilya!

“Gusto ko lang namang makasigurado na hindi ka papalpak, hijo. Alam naman nating pareho na mahina ang kukote mo, hindi ba? Bata ka pa lang ay problema ko na ’yan sa ’yo!” giit naman ng kaniyang ama na lalong nakapag-init ng ulo ni Gerald.

“Talagang hindi ko na kaya ang mga sinasabi at ginagawa n’yong pagtrato sa akin, papa! Wala akong kalayaan sa bahay na ’to, dahil lang sa inaakala n’yong mahina ang ulo ko!” maluha-luha nang ani Gerald bago dali-daling pumanhik sa kaniyang silid at nag-empake ng mga gamit. Sinundan naman siya ng ama, at galit na galit din siya nitong pinagsalitaan…

“At saan ka naman pupunta? Kaya mo bang buhayin ang sarili mo? Pakainin?!” inis na natatawang sunod-sunod pang tanong nito sa kaniya.

“Maghahanap ho ako ng trabaho. Patutunayan ko sa inyong hindi ako katulad ng inaakala ninyo. Hindi ako isang inutil! Maaaring hindi ako kasing talino at kasing galing n’yo, pero may sarili akong diskarte!” huling sabi pa ni Gerald pagkatapos ay hindi na pinansin pa ang mga sumunod na tinuran ng ama.

Nag-apply siya bilang serbidor sa isang maliit na restawran, at iyon ang ginamit niya upang siya ay may maipangtustos sa kaniyang pag-aaral. Bukod doon ay nagpa-part-time din siya bilang isang service crew sa isang fast food stall kapag sabado o linggo, pati na rin sa kaniyang day off.

Hindi naman pumayag ang kaniyang ama na basta na lamang siyang magiging payapa sa piniling landas, dahil talagang napakalaki ng pagtutol nito sa kaniyang mga ginagawa. Natatandaan niya pa ang sinabi nito nang minsang dalawin siya nito sa pinagtatrabahuhan upang doon ay hiyain siya…

“Hindi ako nagpakahirap ng maraming taon para lang makita ang anak kong nagsisilbi sa ibang tao! Napakainutil mo talaga! Mahina ang kokote mo! Ang sarap na ng buhay mo sa puder ko, gusto mo pang pahirapan?!”

Ngunit pinatigas ni Gerald ang kaniyang puso at pilit na inignora na lang ang sinabi ng ama. Imbes ay ginamit niyang motibasyon at inspirasyon ang masasamang salitang natatanggap niya mula rito, hanggang sa tuluyan na siyang makatapos ng pag-aaral. Doon na nagsimulang mamayagpag ang buhay ni Gerald, lalo na nang magpasiya siyang gamitin ang kaniyang ipon para sa pagtatayo ng isang maliit na kainan.

Pinagbuti ni Gerald ang kaniyang negosyo at ginawa niya ang lahat ng makakaya upang magtagumpay ito. Hindi naman siya nabigo, dahil makalipas lang ang dalawang taon ay nakapagbukas na muli siya ng isa pang branch ng kaniyang restawran, dahil naging patok sa masa ang kaniyang negosyo!

Proud na proud si Gerald sa sarili, lalo na sa tuwing naiisip niya na nagawa niya ang lahat ng ito nang hindi siya humihingi ng tulong sa amang ngayon ay labis palang nagsisisi sa lahat ng ginawa nito sa anak noon! Sa wakas ay napatunayan ni Gerald na hindi dahil hindi siya ganoon kagaling sa eskuwelahan noon ay may pag-asa pa ring umasenso ang tulad niya, sa tamang paraan at sa pagkakaroon ng diskarte at paninindigan.

Magkaganoon pa man, sa huli ay minabuti pa rin ni Gerald na makipag-ayos sa ama at tanggapin ang paghingi nito ng tawad. Doon ay lalong naramdaman ng binata ang kaniyang tagumpay. Ngayon ay may sarili nang pamilya si Gerald at maganda ang buhay ng mga ito, dahil sa kaniyang kasipagan. Ngunit ipinagako niya sa sariling hindi na uulitin pa ang pagkakamali ng kaniyang ama.

Advertisement