Alak ang Naging Sandalan ng Dalaga nang Maloko ng Isang Binata; Hanggang Kailan Niya Bibitbitin ang Sakit na Nararamdaman?
“Nasaan ka, Chuchay? May pagkakaabalahan ka ba ngayong araw?” agad na tanong ni Ellaine sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang mapagpasiyahan niya itong tawagan.
“Mayroon, kaya tigil-tigilan mo na ang pag-aaya sa aking uminom! Kahapon lang tayo nagpakasasa sa alak, Ellaine! Hindi ka ba nagsasawa? Sa katunayan nga, hanggang ngayon, masakit pa rin ang ulo ko dahil sa dami ng ininom natin kahapon!” reklamo nito na ikinatawa niya.
“Kahit kailan talaga, napahina mong uminom! Halika nga rito sa bahay, tuturuan kita kung paano maging malakas sa larangan ng inuman!” yaya niya rito saka tumungga ng isang basong alak.
“Teka, nag-iinom ka na naman? Diyos ko, Ellaine! Alas otso pa lang ng umaga!” sermon pa nito sa kaniya.
“Ayos lang ‘to, wala namang nagmamahal sa akin, eh! Pati nga ang nag-iisa kong kaibigang si Chuchay, ayaw akong samahang mag-inom kaya kahit magkasakit ako at mawala sa mundong ito, ayos lang! Gusto ko ngang ngayon na…” pagdadrama niyang pinutol nito.
“Ito na, ito na, maliligo lang ako tapos didiretso na ako riyan, ha? Huwag kang gagawa ng ikagagalit ko!” tugon nito na labis niyang ikinatuwa.
“Yehey! Kaya mahal na mahal kita, eh! Dahil sa’yo, hindi ko na tatapusin ang buhay ko!” sagot niya pa na lalong ikinakaba nito.
“Hintayin mo ako, ha! Huwag kang mag-isip nang gan’yan!” sigaw nito saka agad na binaba ang tawag habang siya, patuloy na nagpakalango sa alak.
Alak ang tinuring na sandalan ng dalagang si Ellaine ngayong durog na durog ang kaniyang puso dahil sa kaniyang dating kasintahan. Kahit pa kasi dalawang linggo pa lang ang nakararaan simula nang makipaghiwalay ito sa kaniya dahil gusto raw nitong mapag-isa, mayroon na agad itong bagong kinakasama at ngayo’y nagdadalantao na kaagad.
Hikbi niya, “Edi ibig sabihin, habang kami pa, nakakasama na niya sa kama ang dalagang iyon! Siguro kaya siya nakipaghiwalay sa akin ay dahil buntis na ang babaeng iyon!”
Sa sobrang sakit ng kaniyang nararamdaman, nakapag-iisip na siya ng mga bagay na hindi maganda. Katulad ng pag-inom ng lason, pananakit sa sarili, o kung minsan pa, naiisip niyang sunugin ang dati nilang tinitirhan ng binata na ngayon ay ang lugar kung saan nito binabahay ang bagong nobya.
Ito ang dahilan para palagi siyang samahang uminom ng kaniyang kaibigang takot na takot sa maaari niyang gawin na labis niya namang ikinatutuwa dahil siya’y mayroong naiiiyakan ngayong hindi siya makapag-isip nang maayos. Nang araw na ‘yon, matapos niyang tunggain ang huling bote ng alak na mayroon siya, nagdesisyon siyang bumili pa ng alak sa kalapit na convenience store.
Sa katunayan, sa dami ng binili niyang alak doon, alam na ng nagbabantay na ginang doon kung anong klaseng alak ang gusto niya, at anong pulutan ang bibilhin niya na agad nitong hinahanda pagkapasok niya palang sa naturang tindahan.
“Hija, masama sa katawan mo ang sobrang daming alak, ha?” paalala nito sa kaniya saka iniabot ang isang plastik ng alak at pulutan.
“Mas masama po, manang, kapag hindi ako nakainom. Hindi po ako nakakatulog at nakapag-iisip ako ng mga masasamang bagay. Iyong nobyo ko kasi, eh, nakipaghiwalay sa akin dahil may nabuntis na iba. Sinong hindi madudurog doon, manang?” patawa-tawa niyang kwento rito.
“Nakakadurog talaga ng puso ‘yan, hija. Ang nobyo ko nga noon, nanay ko pa ang nabuntis kaya natakot na akong magmahal at nagpasiyang tumandang dalaga,” maluha-luhang sabi nito na ikinagulat niya, “Ngayon tuloy, sising-sisi ako kung bakit ako nagpadala sa traumang naranasan ko. Kung nag-isip lang sana ako nang tama, sana may masaya akong buhay kasama ang tamang lalaking para sa akin. Kaya ikaw, huwag kang gagaya sa akin, ha? Masaktan ka man ngayon, magpatuloy ka pa rin sa pagmamahal dahil mahirap tumandang mag-isa,” kwento pa nito na talagang ikinaluha niya.
Dahil sa kwentong iyon ng ginang, siya’y agad na nagpasiyang umuwi sa kaniyang bahay at doon umiyak. Imbes na inumin niya ang mga alak na binili, lahat ito ay kaniyang tinapon at nangakong hindi niya sisirain ang buhay dahil lamang sa isang lalaking hindi niya dapat pag-aksayahan ng oras.
Maya maya pa, dumating na nga ang kaniyang kaibigan. May bitbit-bitbit itong mga paborito niyang pagkain. Agad siyang niyakap nito dahil sa pagkamugto ng kaniyang mga mata.
“Naiisip mo na naman ba ang panlolokong ginawa sa’yo?” tanong nito saka siya niyakap dahilan para kaniyang ikuwento ang mapait na kwento ng buhay ng ginang na nagbigay ng aral sa kaniya.
Simula noon, hindi na siya muling nagpakalulong sa alak. Bagkus, tinulungan niya ang sariling makausad sa hamon ng buhay sa tulong ng mga taong nakakakita ng halaga niya. Sa ganoong paraan, unti-unting nanumbalik ang ligaya ng buhay niya.