Nilooban ng Kawatang Ito ang Isang Alahasan Kahit may mga Kustomer, Tama bang Tinuloy Niya pa rin ang Plano?
“Itutuloy pa rin ba natin ang plano, pare? O, maya maya na lang tayo pumasok d’yan? Paalisin muna natin ‘yang dalawang binata, baka mapahamak pa tayo sa dalawang ‘yan, eh,” pag-aalinlangan ni Utoy nang makitang may dalawang binatang kustomer ang alahas na target nilang looban.
“Diyos ko naman, Utoy, mag-iisang dekada na tayong nanloloob sa mga alahasan, nanghoholdap, at nagnanakaw, ngayon ka pa kakabahan? Halika na! Pumasok na tayo sa loob! Mukha namang hindi uubra sa atin ‘yang mga binatang ‘yan!” pangungumbinsi ni Joey habang inuubos ang kaniyang sigarilyo.
“Iba ang pakiramdam ko, pare, eh, mas mabuting hintayin muna natin silang umalis para makasigurado tayong malinis ang kahihinatnan ng panloloob natin,” payo pa nito na kaniyang ikinainis dahilan para kaniya itong batukan.
“Papaalisin mo ang dalawang ‘yan? Mukhang mayayaman! Baka makakuha pa tayo ng mga pera at gadgets d’yan, eh! Halika na! Tama na ang pagiging duwag mo!” bulyaw niya rito saka agad na hinila ang kumpare papasok sa naturang alahasan.
Humigit kumulang isang dekada na ang nakalipas simula nang kumagat sa maruming pamamaraan ng paghahanap buhay ang lalaking si Joey para lamang matugunan ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang sariling pamilya.
Malagay man sa alanganin ang buhay niya, ayos lamang ito sa kaniya huwag lang manghina sa gutom ang kaniyang dalawang anak na pawang mga paslit pa.
Ayaw na ayaw niya ring nakikitang problemado ang asawa niya kaya kahit buhay niya ang nakataya, patuloy niya itong ginagawa upang makapag-uwi ng masarap na ulam at sapat na pera para sa kanilang mga bayarin sa bahay.
Tila umaayon naman ang tadhana sa kaniyang pagiging kawatan dahil ni minsan, hindi siya nahuli ng kahit sinong awtoridad o kahit masaktan man lang. Nakapag-uuwi pa siya madalas ng mga gadgets, mamahaling bag, at ilan pang mga gamit na binebenta pa ng kaniyang asawa sa mataas na halaga dahilan para tuluyang umalwan ang buhay nila.
Sa tinagal-tagal ng gawain niyang ito, nakampante na siya sa pagnanakaw dahilan para kaniya namang puntiryahin ang mga nagsisilakihang mga tindahan, pabrika, o kahit kumpanya kasama ang kaniyang mga tauhan na mga armado ng kutsilyo at baril.
Nang araw na ‘yon, pagkapasok na pagkapasok niya sa naturang alahasan kasama ang kaniyang kaibigan, agad niyang tinutukan ng baril ang lalaking nagbabantay doon habang agad na nilapitan at kinapkapan ng kaniyang kasama ang dalawang binata.
Dahil sa takot ng nagbabantay, agad nitong tinuro sa kaniya kung nasaan ang lalagyan ng mga pera at mga susi upang makuha niya ang lahat ng alahas na nais niya.
Agad niyang sinilid sa kaniyang malaking bag ang perang nakita niya sa kaha at kinuha ang mga susi upang mabuksan ang estanteng pinaglalagyan ng mga alahas.
Ngunit, bago pa man niya mabuksan ang isang estante ng mga mamahaling diyamante, nakarinig siya ng isang putok ng baril dahilan para tingnan niya ang kaibigan.
Agad na nanlaki ang kaniyang mga mata nang makitang ito ang may tama ng bala sa kaliwang paa at nang mapatingin siya sa dalawang binata, siya’y tinututukan na ng mga ito ng baril.
“Sumuko ka na, sir, pulis kami at nakatawag na kami sa presinto. Tiyak, anumang minuto, dadating na ang ibang mga pulis dito upang hulihin ka,” sabi ng isang binatang minamaliit niya kanina dahilan para siya’y magmadaling tumakbo papasok pa sa naturang establisyimento upang makahanap ng lagusan palabas.
Ngunit bago pa man siya makatakbo palayo, pinagbababaril na siya ng dalawang pulis. Natamaan siya sa magkabilang paa kaya kahit gustong-gusto niyang makatakas, wala na siyang ibang magawa kung hindi ang magmakaawa sa mga ito na siya’y huwag hulihin at dalhin sa ospital.
Sinunod nga ng dalawang pulis ang kahilingan niyang mapaospital, kaya lang, pagtatapos ng kaniyang operasyon, siya’y agad nang hinatid sa bilangguan kasama ang kaniyang mga tauhan at asawa.
“Batay sa pag-iimbestiga namin, matagal mo na itong gawain, sir, at napalawak mo na ang samahan niyo ng mga magnanakaw. Hindi ka man lang ba natakot sa isang malaking karmang dadating sa buhay mo dahil sa mga ginagawa mo?” sabi ng hepe ng pulis sa kaniya.
“Pa-pasensya na po, sir, maawa po kayo sa amin, lalo na sa asawa ko. Siya lang ang nag-aalaga sa mga anak namin,” hikbi niya rito.
“Pasensya ka na rin, sir, dahil walang kinikilingan ang batas. Magkasama kayong mabubulok ng asawa mo sa bilangguan. Ipagdasal mo na lang ang mga anak mo. Sana pakinggan ka pa ng Diyos,” tugon pa nito na lalo niyang ikinaiyak.
Iyon na nga ang tumuldok sa masama niyang gawain na talagang ikinadurog ng puso niya dahil bali-balitang kung kani-kanino na lang naninirahan ang dalawa niyang anak.
“Patawarin mo ako, Panginoon, Ikaw na ang bahala sa mga anak ko,” iyak niya habang nagtitiis sa init at sikip sa bilangguan.