Sinilaw ng Ginoo sa Pera ang Isang Sikat na Doktor upang Maging Bise Mayor Niya; Mapapayag Niya Kaya Ito?
Sinadya ni Romeo sa ospital kung saan nagtatrabaho ang isang kilala at pinagkakatiwalaang doktor.
“Dok, napag-isipan mo na ba ‘yong inaalok kong posisyon sa’yo sa gobyerno? Sana naman may desisyon ka na dahil malapit nang magsara ang nominasyon,” sambit ng ginoo sa kinukumbinsing doktor.
“Ah, eh, sir, medyo nag-aalingan kasi ako. Tingin ko, hindi ko matutugunan ang mga responsibilidad ng isang Vice Mayor. Bukod pa roon, ayaw kong masayang ang ilang taong pag-aaral ko sa medisina nang dahil lang sa pulitika,” mahinahong tugon nito. Natawa naman siya sa sagot nito.
“Sino bang nagsabi sa’yong dapat kang tumigil sa panggagamot ng mga pasyente kapag Vice Mayor ka na? Pwede mo naman iyong pagsabayin,” pangungumbinsi niya pa rito habang ito’y tinatapik-tapik niya.
“Gusto ko sanang tumutok muna sa pagiging doktor ko, sir, sana maunawaan mo,” sagot pa nito na talagang ikinainis na niya.
“Diyos ko! Kung seryoso ka sa sinasabi mo, isa na ‘to sa pinaka-ignoranteng desisyong ginawa mo sa buhay mo! Hindi mo ba alam kung magkanong pera ang pupwede mong kitain kapag naging Vice Mayor kita? Bukod pa ang perang pupwede mong kurakutin sa mga proyekto ng lugar natin!” sambit niya rito saka siya nagdabog sa opisina nito sa ospital.
Pilit na kinukumbinsi ng tatakbong mayor na si Romeo ang isang sikat at pinaka-pinagkakatiwalaang doktor sa kanilang lalawigan upang kaniyang maging bise mayor. Sigurado kasi siyang kapag napapayag niya itong tumakbo sa nalalapit na halalan, tiyak na ang pagkapanalo niya dahil nga kuhang-kuha na nito ang loob ng mga taong bayan.
Matagal na niyang pangarap na makamtan ang posisyon ng pagiging mayor sa kanilang lalawigan ngunit dahil malalakas at sikat sa kanilang lugar ang mga nakakatunggali niya para sa naturang posisyon, siya’y palaging natatalo.
Kaya naman, ngayong napansin niya ang kasikatan ng naturang doktor, kahit alam niyang wala itong alam sa pulitika, pilit niya itong kinakantahan. Madalas, sinisilaw niya pa ito sa mga prebilehiyong maaari nitong makuha kapag parehas silang nanalo sa halalan.
Ngunit kahit anong gawin niya, palagi siya nitong tinatanggihan at mas pinipili ang pangkasalukuyang propesyon dahilan para labis siyang magalit dito nang araw na ‘yon.
Matapos niyang mailabas ang galit sa pamamagitan ng pagdadabog doon, nagulat siyang hindi siya nito inaawat. Tumayo lang ito at sinabing, “Wala akong balak na madungisan ang pangalan at propesyon ko alang-alang lang sa posisyong pilit mong pinapatanggap sa akin, sir. Hindi ko kailangan ng maraming pera dahil marami na akong ipon.”
“Ang kailangan ko ngayon, mapagaling ang mga taong balak mong nakawan ng pera kapag nahalal ka na,” dagdag pa nito na ikinagulat niya. “Ngayon, umasa kang muli kang matatalo. Hindi kailangan ng lalawigang ito ang isang lalaking hindi pa man nakaupo sa posisyon, pagnanakaw na ang nasa isip,” anito saka pinarinig sa kaniya ang usapan nilang nairecord pala nito sa selpon.
Pinarinig pa ng doktor na ito sa buong ospital ang usapan nilang iyon gamit ang mikropono nito sa opisina dahilan para siya’y magmakaawa rito.
Ngunit kahit anong gawin niya, sagot lamang nito sa kaniya, “Kung tapos ka nang ipahiya ang sarili mo, sir, pupwede ka nang umalis sa opisina ko. May trabaho pa akong paglingkuran ang taong bayan bilang isang doktor.”
Katulad ng inaasahan niya, kumalat ang usapang iyon sa buo nilang lalawigan at iyon ang naging dahilan para siya’y muling matalo sa araw ng halalan. Kahit isang mamamayan, walang bumoto sa kaniya.
Doon niya napagtantong kung ang intensyon niya’y kumita lang ng pera at hindi ang pamamahala sa kanilang buong lalawigan, siya nga ay walang karapatang maging mayor dahil lalo lang lulubog ang kanilang lalawigan sa mga pagnanakaw na kaniyang binabalak.
Kahit na masakit sa loob niya ang muling pagkatalo, unti-unti niya itong tinanggap kasabay ng pagkuha niya sa loob ng mga taong bayan.
Hindi man siya naging matagumpay na mayor, napag-isip-isip niya na magtayo na lang ng isang ampunan na maaaring tirahan ng mga pagala-galang pulubi sa kanilang lansangan gamit ang personal niyang ipon. Ginawa niya ito hindi upang muling makuha ang tiwala ng taong bayan, kung hindi para makatulong sa mga nahihirapan sa buhay.
“Sana pala dati ko pa ito ginawa, e ‘di sana, naging malinis ang intensyon ko sa pagiging mayor noon,” sambit niya sa sarili habang ninanamnam ang ligayang nararamdaman sa pagtulong sa mga kapus-palad.