Todo ang Pagsisikap ng Dalaga Makapagtapos Lamang; Nadismaya Siya Dahil Ayaw Sumama ng Kaniyang Ama sa Araw ng Pagtatapos
“Congrats, Kristine! Sa wakas, magtatapos na na rin tayo! Lalo ka na, ang dami-dami mong pinagdaanan sa buhay!”
Matamis na ngiti ang naging sagot niya sa matalik na kaibigan. Maging siya ay hindi makapaniwala sa nangyayari. Matapos ang pitong taon niyang pakikipagsapalaran para matapos ang kolehiyo, heto’t magtatapos na siya.
“Naku, siguro ako proud na proud sa’yo ang Tatay Edgar mo, ano? Hindi lang diploma ang makukuha mo, may kasama pang medalya!” maya-maya ay komento nito.
Natahimik siya sa sinabi ng kaibigan. Kung kanina ay masaya siya, ngayon ay kabaligtaran. Naalala niya kasi ang tagpo kagabi nang banggitin niya sa kaniyang ama ang tungkol sa pagtatapos. Hindi niya inaasahan ang reaksyon na natanggap mula rito.
“‘Tay, pwede bang samahan mo ‘ko sa stage? May medalya kasi akong matatanggap. Gusto ko sana na ikaw ang magsabit sa akin.”
Sandali siya nitong nilingon. Gulat ang nakabalatay sa mukha nito.
“Talaga? Anak, maganda ‘yan, kaya lang ‘wag na ako ang isama mo. Ang Tita Anita mo na lang ang yayain mo,” suhestiyon nito.
Napakunot noo siya.
“Bakit naman po, ‘Tay? Ikaw na lang po. Minsan lang naman itong mangyayari,” katwiran niya.
“Basta. ‘Wag na ako at may trabaho ako sa araw na ‘yon,” pinal nitong sinabi.
Hindi tuloy niya maiwasang mag-isip ng kung ano-ano dahil sa inasta nito. Hindi ba ito masaya para sa kaniya? Bakit tila wala itong pakialam?
Noon niya naalala ang samu’t-saring masasakit na salitang ipinukol sa kanila ng mga tao noon.
“Sigurado akong kinahihiya ni Edgar ang nangyari sa anak niya. Nabuntis na nga nang maaga, iniwan pa ng nakabuntis pagkatapos.”
“Naging disgrasyada ang anak kasi napabayaan ng magulang. Ulila sa ina tapos puro trabaho ang ama.”
Ikatlong taon na ni Kristine sa kolehiyo noon nang mabuntis siya ng nobyo. Hindi man siya handa sa responsibilidad, hindi niya maatim na ipalagl*g ang sariling anak kaya’t pinili na lang niyang huminto sa pag-aaral pansamantala.
Alam niyang dismayado ang kaniyang ama ngunit bandang huli ay wala rin itong nagawa kundi ang suportahan siya. Ang isang taong paghinto niya sa pag-aaral ay naging tatlong taon.
Kinailangan niya kasing maghanap ng pagkakakitaan habang inaalagaan niya ang anak.
Masasabi niya rin na dahil sa pagbubuntis niya ay lumayo ang loob nila ng kaniyang ama sa isa’t isa.
Ngunit kahit na naging malamig ang trato sa kaniya ng amang si Edgar ay hindi naman siya pinabayaan nito kahit na minsan. Ito ang tumulong sa kaniya sa lahat ng bagay hanggang sa makabawi siya.
At dahil alam niyang mahalaga para sa ama na makatapos siya sa pag-aaral ay nagdesisyon siyang bumalik sa pag-aaral para makabawi man lang dito at mapatunayan na rin sa ibang tao na hindi porket nadapa, hindi na pwedeng bumangon para abutin ang pangarap.
Binalanse niya ang pag-aaral, pagtatrabaho at pag-aalaga sa anak hanggang sa makatapos siya.
Akala niya ay ayos na ang lahat ngunit mukhang hanggang sa ngayon ay may natitira pa rin itong sama ng loob at galit dahil sa nangyari sa kaniya.
“Sa tingin mo ba iyon ang dahilan? Galit pa rin ba si Tatay sa akin hanggang ngayon? Ikinahihiya niya ba ang nangyari sa akin?” nag-aalalang usisa niya sa kaibigan.
Kumunot ang noo nito saka ito umiling.
“Ano ka ba! Hindi, ‘no! Sigurado akong may ibang dahilan! ‘Wag mo na lang isipin masyado.”
Tumango siya dito ngunit ang totoo ay hindi niya iyon matanggal sa kaniyang isipan ang posibilidad.
Hindi naman niya maaalis sa ama ang hinanakit kung sakali, aminado naman siyang kasalanan niya ang nangyari.
Dumating ang araw na pinakahihintay niya. Ang araw ng pagtatapos. Bago siya umalis ng bahay ay lakas loob niyang iniabot dito ang papel na maari nitong gamitin sa pagpasok sa eskwelahan.
“Hindi ko po inimbita si Tita. Kung mayroon man pong akong gustong makasama sa tagumpay kong ito, wala pong iba kundi ikaw, Tatay. Kung sakali man pong magbago ang isip mo, puntahan niyo ang lugar na ito.”
Palinga-linga tuloy siya habang dinadaos ang seremonya, nagbabakasakali na makita niya ang ama ngunit ni anino nito ay wala. Pinigilan niya ang luha dahil sa magkahalong lungkot at dismaya na nararamdaman lalo na’t maraming tao sa paligid. Nang tawagin ang kaniyang pangalan ay bumuntong hininga na lang siya at pinilit niyang ngumiti.
“Wala kang kasamang magulang?” pasimpleng tanong ng isa sa mga guro.
Umiling siya.
Isasabit na sana nito ang medalya sa kaniya nang marinig niya ang isang pamilyar na boses.
“Sandali lang po.”
Nang lumingon siya ay nakita niya ang ama na magara ang ayos. Bihis na bihis ito at nakasuot pa ng bagong sapatos.
“‘Tay!” gulat na bulalas niya.
Nangilid ang luha ni Kristine. Sa pagkakataong iyon ay hindi niya na napigilan pa ang umiyak.
“Congratulations, anak. Proud na proud ako sa’yo,” ngumiti ito saka sinabit ang medalya sa kaniyang leeg.
Nang matapos ang seremonya ay agad siyang lumapit dito. Hindi makapaniwala na nagpunta ito kahit na sinabi nitong hindi.
“Pasensiya na at natagalan ako, anak. Dumaan pa kasi ako sa kalapit na mall para maghanap ng susuuotin. Ayaw ko namang pumunta doon, suot ang kupas kong damit at pantalon. Nakakahiya sa mga kaklase at mga guro mo,” paliwanag nito.
“Kung ganoon, ito ang dahilan kung bakit ayaw n’yong pumunta noong una? Hindi dahil kinahihiya n’yo ako?” hindi makapaniwala niyang usisa.
Kita niya ang pagkunot ng noo nito.
“Aba’y hindi! Saan mo naman narinig ‘yan? Bakit naman kita ikahihiya?” tila takang-takang tanong nito.
Napayuko si Kristine. “Dahil nabuntis ako nang maaga at ilang taon pa ang inabot bago ako nakapagtapos sa pag-aaral. Alam kong dismayado kayo sa akin pero sinuportahan n’yo pa rin kami ng anak ko.”
Nilapitan siya nito saka hinawakan ang kaniyang balikat.
“Anak, kung minsan man akong nadismaya, lumipas na ‘yun at napalitan ng paghanga nang makita ko ang kagustuhan mong tuparin ang pangarap mo. Kahit na mahirap maging ina at maging estudyante ay hindi ka pa rin sumuko,” nakangiti nitong litanya, na mas lalong nakapagpaiyak sa kaniya.
“Sorry po, ‘Tay.”
“Kung mayroon mang dapat na mag-sorry dito, ako ‘yon. Kakatrabaho ko ay napagkaitan na kita ng atensiyon. Patawad, anak. Babawi ako sa pagkukulang ko sa’yo.”
Umiiyak na niyakap niya ang ama. Masayang-masaya si Kristine. Ngayon ay alam niya na na kahit na kailan ay hindi siya iniwan nito at alam niyang mananatili ito sa kaniyang tabi. Bilang isang ama na parati niyang maaasahan. At ngayong nakapagtapos na siya, pangako niya’y ito na ang simula ng pagbawi niya sa kaniyang pinakamamahal na ama.