Natakot ang Ginang sa Binatilyong Nasa Labas ng Bangko; Mukha Kasing May Balak pa Itong Pagnakawan Siya
Napasapo si Leslie sa kaniyang tiyan nang maramdaman niya ang pagsipa ng bata sa kaniyang sinapupunan.
Kasalukuyan siyang nakapila sa bangko upang kumuha ng pera. Sa susunod na buwan na kasi siya manganganak at nais niya na maging handa silang mag-asawa nang hindi na sila mataranta sa oras na manganganak na siya.
Maya-maya ay narinig niya ang pagtunog ng cellphone mula sa kaniyang bag.
“Nakauwi ka na ba?” bungad ng asawa niya. Bakas sa tinig nito ang pag-aalala.
“Hindi pa. Maraming tao sa bangko. Siguro mga tanghali pa ako makakauwi,” aniya.
Agad naman itong nagprotesta.
“Ang tagal naman! Baka matagtag ka niyan ha. Bakit mo naman kasi inaasikaso pa ‘yan, eh. Sabi ko ngang ako na lang ang gagawa niyan,” tila nanenermon na saad nito.
Natawa na lang siya sa asawa. Kung minsan kasi talaga ay may pagka-OA ito.
“‘Wag mo na akong alalahanin. Alam mo naman na bagot na bagot na ako sa bahay. Ilang buwan na akong hindi nakakalabas ng bahay…” tugon niya sa asawa.
Matapos ang paulit-ulit nitong bilin na mag-ingat siya, sa wakas ay nagpaalam na rin ang lalaki.
Dahil buntis si Leslie, laking tuwa niya dahil kahit paano ay may ilang kustomer sa bangko na pinauna na siya sa pila.
Bago pa man mananghalian ay tapos na ang transaksyon niya sa bangko.
Naghihintay siya ng mapapara na taxi nang mapansin niya ang isang binatilyo mula sa ‘di-kalayuan. Kanina pa kasi ito nakatingin sa kaniya, na para bang minamanmanan siya nito.
Binundol ng kaba ang dibdib niya. Awtomatikong humigpit ang hawak niya sa bag na naglalaman ng malaking halaga.
Pasimple niyang sinipat ang binatilyo at mas lalo lamang siyang nabahala. Mukha kasi itong sanggano at tila sisiga-siga. Tila ito isang tipikal na batang kalsada.
Halos sigurado na siya na may masama itong balak sa kaniya. Marahil ay nakita nito ang paglabas niya sa bangko ay balak nito na pagnakawan siya.
Pasimple siyang naglakad nang marahan palayo sa estranghero. Subalit ilang sandali lamang ay naglakad ito malapit sa kaniya, kaya muling umikli ang distansya niya mula rito.
Halos mabingi si Leslie dahil sa lakas ng kabog ng kaniyang dibdib. Nakadagdag pa sa kaba niya na walang masyadong tao sa kalsada dahil tirik ang araw.
Bahagyang kumirot ang tiyan niya. Tila nahulaan ng anak niya ang sitwasyon kinasasadlakan niya.
Sa kamalas-malasan naman ay walang taxi na nais huminto. Palinga-linga siya habang sapo ang kaniyang tiyan.
Napapitlag siya ang sa unang pagkakataon ay magsalita ang binatilyo.
“Saan po ang punta niyo?” tanong nito.
Nang hindi siya umimik ay muli itong nag-usisa.
“Baka po hindi kayo makakuha ng taxi rito. May terminal po kasi ng mga taxi sa kanto. Gusto n’yo po ihatid ko kayo?” alok nito.
Napailing na lang siya sa sinabi ng binatilyo. Hindi naman siya tang* para basta maniwala na malinis ang intensyon nito, lalo pa’t isa itong batang kalye.
Hindi pa rin siya umimik ngunit alerto siya. Akma siyang lalayo sa bintaliyo nang gumuhit ang matinding kirot sa kaniyang tiyan.
Nanlaki ang mata niya nang maramdaman niya ang pagtagas ng kung ano mula sa kaniyang hita. Nang sipatin niya iyon ay nakita niya ang pulang likido na tumutulo pababa.
Napasigaw si Leslie sa labis na takot. Matapos iyon ay binalot na siya ng kadiliman.
Nang magising siya ay alam niya nang nasa ospital siya. Puting-puti ang paligid at balot ng amoy ng gamot ang paligid. Sa mesa sa gilid ng kaniyang kama ay nakapatong ang bag niya. Naalala niya ang sitwasyon bago siya nawalan ng malay. Nagmamadaling kinalkal niya ang kaniyang bag.
Nanghina siya nang hindi makita roon ang pera.
Sumagi sa isip niya ang binatilyo. Ang walang hiya, hindi man lang naisip na buntis siya at maselan ang kaniyang kondisyon!
Kaya naman nang bumukas ang pinto at pumasok ang doktor at ang kaniyang asawa ay naningkit ang mata niya sa galit.
Sa likod kasi ng mga ito ay naroon ang binatilyong magnanakaw!
“Bakit narito ang magnanakaw na ‘yan?” maanghang na bungad niya.
“Mahal, anong magnanakaw ang sinasabi mo?” gulat na tanong ng asawa niya.
Dinuro niya ang binatilyo.
“‘Yang batang ‘yan, siya ang dahilan kaya ako naospital! Kita mo naman ang itsura, halatang hindi gagawa nang mabuti. Natakot ako sa kaniya, kaya ako nawalan ng malay!” sumbong niya sa asawa.
Noon naman sumabat ang doktor.
“Misis, nawalan ka ng malay dahil sa pagod at init. Mabuti nga, kahit na dinugo ka ay nailigtas namin ang dinadala mo dahil agad kang naisugod sa ospital,” kwento ng doktor.
Nagsalita na rin ang asawa niya. Bakas sa mukha nito ang pagkalito.
“Ang batang tinatawag mong magnanakaw, siya ang nagligtas sa’yo. Saka bakit mo naman nasabi na nanakawan ka nung bata?” kunot-noong tanong ng asawa niya.
Pinakita niya sa asawa ang kaniyang bag na walang lamang pera.
Napailing na lang ang asawa niya.
“Ako ang kumuha ng pera sa bag mo. Pinambayad ko sa mga gamot,” paliwanag nito.
Natameme si Leslie. Hindi siya makaapuhap ng sasabihin. Nang mapasulyap siya bata ay isang tanong ang nabuo sa kaniyang isipan.
“Kung hindi ka magnanakaw, bakit lapit ka nang lapit sa’kin kanina?” usisa niya sa binatilyo.
“Nakita ko po kasi kayo na lumabas sa bangko. Marami pong mga snatcher kung saan kayo nag-aabang ng taxi. Gusto ko lang makasiguro na makakauwi kayo nang maayos, lalo pa’t buntis po kayo,” paliwanag nito.
“Panganganak po kasi ang kinamat*y ng nanay ko, kaya gusto ko po sana kayong protektahan. Hindi ko naman po alam na matatakot kayo sa akin,” dagdag pa nito. Malungkot ang tono ng binatilyo.
Binalot ng pagsisisi ang puso ni Leslie.
“Sorry. Natakot lang talaga ako. At salamat sa pag-aalala mo sa akin at sa anak ko,” sinserong wika niya sa estranghero.
Labis ang naging pasasalamat ng mag-asawa sa binatilyo. Tinanggihan man nito ang ibinibigay nilang munting pabuya ay pinilit nila itong tanggapin iyon bilang pasasalamat sa ginawa nitong pagtulong sa ginang.
Dahil sa pangyayaring iyon ay may natutunan si Leslie. Imbes na tumingin at humusga base sa pisikal na anyo, mas mabuting tingnan ang intensyon at nilalaman ng puso!