Upang Matuto ay Nag-Presenta ang Dalaga sa Pagluluto; Makain Kaya ng Kaniyang Pamilya ang Hinanda Niyang Pagkain?
“Papa, tutal ikaw na ang namalengke, gusto mo ako na ang magluto ng mga ulam na iyan?” ani Faye sa amang kadarating lang sa palengke.
Nagulat man ang ama ay agad siyang nginiti nito saka pabirong umismid. “Kaya na namin ng mama mo ito, anak,” anito.
“Dali na pa, ako na ang magluluto. Para naman matuto akong magluto ng ulam. Bente-tres na ako, pero hanggang ngayon pagsasaing lang ang alam ko. Gusto ko namang matutong magluto ng ulam, paano ko paglulutuan ang magiging pamilya ko kung hindi ako marunong?” aniya.
Naglalambing na naka-kunyapit ang braso niya sa braso ng ama. Ang totoo’y gusto niya talagang sumubok magluto, para naman maranasan niya kung paanong magluto ng ulam. Matagal na siyang nanunuod sa ina kung paano itong magluto, pero ni minsan ay hindi pa niya nasusubukang siya talaga ang nagluluto, siya ang napapaso, pinagpapawisan at tumatantya sa lasa ng ulam. Kaya sana naman, sa ngayon ay mapagbigyan na siya ng mga magulang.
“Tanungin mo si mama mo kung papayagan ka bang makialam sa kusina niya,” natatawa na lamang sambit ng ama.
Agad naman niyang pinuntahan ang ina at nakiusap na hayaan siyang magluto sa araw na iyon. Nag-alangan man ang ina ay pinayagan sya nito at sinabing sana raw ay makain man lang ng buong pamilya ang lulutuin niya.
Masayang nagsimula si Faye na asikasuhin ang mga nabili sa palengke ng kaniyang ama. Ang binili nito ay tilapyang isda at iba’t-ibang klaseng sangkap na kakailanganin. Balak niyang mag-gatang tilapya dahil may nakita rin siyang gata sa mga binili ng ama. Hindi siya sigurado kung tama ba ang mga ginagawa niya, pero sana nga’y makain man lang ng buong pamilya ang kaniyang lulutuin, dahil iyon lang naman ang pakiusap ng ina. Hindi naman nito sinabi na sarapan niya ang luto.
Makalipas ang ilang oras ay natapos niya rin ang kaniyang niluluto. Agad niyang inayos ang lamesa, saka tinawag ang buong pamilya. Nagulat pa ang dalawa niyang kuya ng makitang siya ang nag-asikaso sa lamesa.
Nang makaupo ang lahat ay saka siya nagsalita.
“Para sa panlasa ko’y maayos naman ang pagkakaluto, hindi ko nga lang alam sa mga panlasa niyo. Pero sana naman ay pasado sa inyo ang una kong subok sa pagluluto,” aniya.
Ngumiti ang Kuya Flynn niya saka pabirong nagsalita. “May balak ka na bang mag-asawa, Faye? Bakit parang nagsisimula ka ng mag-aral maging ulirang asawa’t ina,” tudyo nito.
Kunwa’y nag-isip muna siya bago sumagot. “Sa ngayon ay wala pa naman akong balak, pero alam kung darating ako d’yan, kuya, kaya nag-aaral na ako ngayon pa lang,” prangka niyang sagot.
Natawa naman ang lahat sa naging sagot niya. At oras na nga upang tikman ng mga ito ang luto niyang ginataang tilapya. Pakiramdam ni Faye ay nasa isang international cooking contest siya at parang bumagal ang takbo ng mundo habang hinihintay niya ang magiging komento ng mga ito sa luto niya. Gusto niyang mautot na hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman. Pamilya lang naman niya ang titikim sa luto niya, pero bakit pakiramdam niya’y nasa isang international television siya ngayon.
“Hindi na masama.” Mayamaya ay wika ni Flynn.
“Hindi na masama sa isang first timer na kagaya mo, anak. Masarap naman siya at malinamnam…” putol nito sa sinasabi. “‘Yon nga lang mukhang medyo nadamihan mo ng asin,” nakangiting komento ng ina saka uminom ng tubig.
“Maalat ba?” aniya tinikman ang niluto. Nang malasahan ang alat ay tumawa. “Hindi ko na alam kung ano pa ang maalat at hindi maalat,” natatawa niyang dugtong.
Nagtawanan ang lahat saka nagsimula nang kumain. Kung pagbabasehan naman ni Faye ang nakikita niyang maganang pagkain ng buong pamilya’y masasabi niyang hindi na nga masama ang pagkakaluto niya, dahil magana namang kinain iyon ng lahat.
“Sa susunod magluluto ulit ako, at sisiguraduhin kong perpekto na ang lasa no’n,” aniya.
Sumang-ayon naman ang kaniyang mga pamilya saka tumango-tango at nagpatuloy sa pagkain.
“Tama lang iyan na mag-aral ka nang magluto, para naman makatikim kami ng luto mo bago ka pa man mag-asawa,” ani Floy, ang isa niyang kuya.
“Tama, mukhang mas maigi ngang simula ngayon ay ikaw na ang nagluluto, anak, para hindi na ako masyadong napapagod rito sa bahay,” sabat ng kanilang ina.
Nagtawanan naman ang lahat dahil sa sinabi nito. Ang totoo’y wala naman itong ginagawa sa bahay nila kung ‘di ang magluto lang, dahil may tatlo naman silang katulong. Habang ang papa naman niya ang namamalengke. Iyon na lang ang mga trabaho ng mga magulang, dahil silang mga anak na ang kumakayod para sa buong pamilya.
Iyon ang unang beses na nagluto siya at hindi masama kung hindi nga perpekto ang kinalabasan. Ang mahalaga’y sumubok siya at kahit papaano’y mukhang nagustuhan naman ng mga ito ang niluto niya. Sana sa susunod ay perpekto na niyang magawa ang bawat putaheng kaniyang lulutuin.
Ayon nga sa matandang kasabihan… “Practice makes perfect.”