Simpleng Proyekto, Dala’y Malaking Tuwa sa Bawat Tao; Gaano nga ba Kasaya ang Tumulong sa Kapwa?
Pauwi na nang tanghaling iyon si Densio galing sa paglalako ng bibingka nang may makita siyang mga taong nakapila sa may bahay at tila namimigay ang mga ito ng kung ano-anong kailangan ng mga tao. Dahil sa kuryusidad ay nakiusyoso siya’t lumapit saka nagtanong kung anong mayroon at kung ano ang ibinibigay ng mga ito.
“Community pantry po, kuya, kumuha ka po kung alin ang gusto mo d’yan. Kung ano lang ‘yong pinaka-kailangan mo o ng iyong pamilya ay iyon ang kunin mo, para rin mabigyan ang iba pa,” anang lalaking nakatayo sa unahan na tila bantay.
“W-wala po bang bayad iyan?” tanong Densio.
Matamis na ngumiti ang lalaki. “Kahit salamat lang po ay okay na.”
Ngumiti si Densio saka namili ng kaniyang kukunin sa nakahilerang iba’t-ibang pagkain na nakalatag sa malapad na la mesa. Ayon sa lalaki ay kung alin ang mas kailangan niya, iyon ang kunin at huwag uubusin, para makakuha rin ang iba pa.
Una niyang kinuha ay ang bigas at isang pirasong isda. Ayos na iyon para sa pangkain nilang pamilya sa araw na iyon. Akmang magpapasalamat na siya upang umalis nang makita niya sa may gilid ng mesa ang mga nakalatag na candies at kung ano-anong pagkaing pambata.
“Boss, maaari rin po ba akong kumuha sa mga candies at pagkaing pambatang iyan?” aniya, sabay turo. “Para po sa tatlo kong mga anak, sir. Pero kung hindi naman po pupwede ay ayos lang,” dugtong ni Densio, saka nagkamot sa kaniyang leeg.
Nakakahiya kasi para sa kaniya ang pakiramdam na libre na nga ang pangkain nilang pamilya, humirit pa siya ng para sa tatlo niyang anak.
“Sige po, kuya, kumuha po kayo para sa mga anak niyo,” pagpayag ng may-ari.
Biglang umaliwalas ang mukha ni Densio sa sinabi ng binata. Matamis na ngiting humakbang siya at namili kung alin roon ang mas magugustuhan ng mga anak niya. Wala naman siyang balak ubusin ang pagkaing iyon, kukuha lang rin siya ng tig-iisa, para makatikim lamang ang tatlo niyang anak.
Habang nakangiting namimili si Densio sa mga candies at kung ano-anong pambatang pagkain ay hindi niya alintana ang nakangiti ring titig ni Daniel sa kaniya, ang may-ari o nagpasimuno ng community pantry sa lugar nila.
Masaya siyang nakikitang masaya ang bawat taong lumalapit sa kanila at kumukuha sa palibre nila. Tunay nga namang nakakataba ng puso kapag alam mong nakakatulong ka sa iyong kapwa. Pero mas nakakatuwa kapag ganitong nakikita niya ang tunay na galak at saya sa mukha ng taong namimili ng ipapasalubong nito sa tatlong anak.
“Salamat dito, sir ah.” Lapit ni Densio kay Daniel, matapos kumuha ng iilang pagkaing pambata. “Paniguradong matutuwa po ang asawa’t mga anak ko rito,” dugtong pa niya.
Ngumiti si Daniel saka tumango. “Masaya rin ako, kuya, na nakikita ko kayong masaya sa kinukuha niyo. Maliit na bagay lamang po itong ginawa namin, pero ngayong nakikita ko ang mga ngiti ninyo, napagtanto kong walang katumbas na pera ang makakabili sa tunay na sayang idinudulot ng ngiti niyo sa’kin,” aniya.
Totoong walang pera o yaman sa mundo ang makakabili sa oras na ito. Sa mga ngiting nakikita niya sa bawat taong lumalapit sa kanilang community pantry na inalay para sa mga kapitbahay nilang hindi pinalad sa buhay. At ang mas nakakatuwa ay hindi nito inabuso ang kaya nilang ibigay.
Kumukuha nga lang ang mga taong lumalapit sa kanila ayon sa kailangan lamang at hindi hinahakot, at iniisip pa ang ibang kapitbahay na pwede pang makakuha.
“Ito sir, oh,” ani Densio, abot sa bibingkang natira sa kaniyang paninda. “Ito naman ang bawi ko sa ibinigay niyo sa’kin. Masarap po iyan, sir, siyempre paninda ko iyan e,” biro niya pa kay Daniel.
Tumawa si Daniel saka tinanggap ang bibingkang bigay niya. “Salamat kuya. Pagpalain kayo ng Diyos at palaging iligtas sa paghahanapbuhay ninyo,” anito.
Bago nagpaalam ay matamis siyang nginitian ni Densio at lumakad na para ibigay sa pamilya nito ang nakuhang pasalubong. Napakasarap sa pakiramdam dahil alam niyang may napasaya siyang tao sa araw na iyon.
Sa hirap ng panahon ngayon, minsan ay mahirap na ring hagilapin ang tunay na magpapasaya sa’yo. Sa banta ng pandemya ay hindi mo alam kung hanggang kailan ka ligtas, kaya laging magpasalamat sa Panginoon at magbahagi ng kahit kaunting biyaya sa kapwa.