Inday TrendingInday Trending
Tumilapon sa Lupa ang Lahat ng mga Panindang Mangga ng Mamá; Dito Napatunayan na May Kabutihan pa sa Puso ng Iilan

Tumilapon sa Lupa ang Lahat ng mga Panindang Mangga ng Mamá; Dito Napatunayan na May Kabutihan pa sa Puso ng Iilan

Hawak ang isang basket na may lamang binalatan na mangga ay panay ang alok ni Marion sa mga taong dumadaan, nagbabakasakaling may bumili sa kaniya. Kalalabas lamang niya at dadalawa pa lang ang nabawas sa kaniyang paninda.

“Kuya, magkano?” tanong ng babae.

Nang sabihin niya ang presyo rito ay nagdesisyon itong pagbilhan siya ng dalawa. Masaya naman niyang inayos ang binibili nito at inabot nang siya’y matapos. Mag-aalok na naman sana siya nang may isang lalaking mabilis na tumatakbo na animo’y may tinatakasan. Iiwas sana siya upang hindi sila magkabanggaan, ngunit huli na ang lahat dahil nabangga na siya nito at bumagsak na sa lupa ang basket kasama ang kaniyang panindang mangga.

Ang lalaking nakabangga ay agad-agad na tumayo saka nagmamadaling muli’y tumakbong palayo, kasunod ang iilan pang mga pulis na humahabol rito.

“Hala! Sayang naman ang paninda ni manong.” Rinig niyang bulong-bulungan ng iilan sa kaniyang paligid. Nagkalat sa sahig ang kaniyang mga manggang paninda at lahat ay madudumi na. Wala man lang natira, lahat ay lupa lamang ang nakinabang.

Gusto niyang habulin ang lalaking bumangga sa kaniya at pagbayarin sa ginawang pagbangga sa kaniya, ngunit ano pang magagawa niya? Nagkalat na sa lupa ang mga mangga at tiyak na wala nang pakinabang ang mga ito. Hindi na niya pwedeng ibenta ang mga maduduming mangga. Gusto niyang humagulhol ng iyak. Apat pa lang ang nabawas sa paninda niya, hindi man lang nangalahati sa kaniyang naging puhunan.

Dahil tila natutula na lamang si Marion at nakatitig sa panindang nasayang ay nagtulong-tulungan ang mga taong nandodoon na pulutin ang nagkalat na mangga at itapon na lamang sa basurahan. Inayos din ng mga ito ang kaniyang basket at nang matapos ay saka siya kinausap ng lalaking sa kaniyang tantiya’y nasa edad bente mahigit pa lang.

“Kuya, narito na ang basket ninyo,” abot nito. “Pasensya na po, tiningnan namin lahat at baka sakaling may iba pang hindi natapon sa sahig at pwede niyo pang ibenta ulit, pero wala na po talaga. Lahat po ng paninda niyo’y nadumihan na kaya itinapon na lamang namin sa basurahan,” paliwanag nito.

Masakit man sa loob ay wala siyang dapat na sisihin sa mga ito sa nangyari. Hindi niya alam kung bakit nagmamadali ang lalaking nakabangga sa kaniya, pero dahan-dahan niyang napagtanto na baka may kasalanan ito sa batas dahilan upang habulin ito ng mga pulis. Sana lang ay mahuli ng mga ito ang lalaki, doon pa lang ay parang nakabawi na rin siya.

Ang kaso’y anong ipambibili niya ng bigas at ulam ngayon? Isandaan lang ang kinita niya sa manggang paninda. Samantalang namuhunan siya roon ng apat na raan mahigit kasama na ang asin na may sili at bagoong. Hindi man lang nangalahati ang kaniyang kinita.

Laglag ang balikat na nagpasalamat siya sa binata saka akmang tatalikod na upang umalis. Uuwi na lang muna siya’t bukas na ulit magtitinda. Ang malas ng araw niya ngayon, ang sakit sa dibdib na wala siyang napala sa araw na ito.

“Kuya, teka lang po,” pigil ng binata sa kaniya. “Ito po oh, nag-ambag-ambagan kami kanina habang winawalis namin ang mangga mo.” Inabutan siya nito ng tatlong daang piso.

“Naku! Huwag na hijo, hindi niyo naman kasalanan ang nangyari,” aniya.

“Tanggapin niyo na iyan, kuya. Pasensya ka na kung iyan lamang ang nakayanan naming lahat, maliit na halaga lang po iyan, pero malaking bagay na rin siguro iyan para matulungan ka, kaysa wala talagang nangyari sa paglalako mo ngayong araw,” anito.

Mangiyak-ngiyak na tiningnan ni Marion ang perang ibinigay nito.

“Hindi po kami magkakakilala, pero nagkaisa po kaming tulungan ka. Kasi kahit hindi ka namin kilala, alam naming kumakayod ka sa buhay para sa pamilya mo. Kaya pasensya na kung iyan lang ang nakayanan namin,” muling wika ng binata sa kaniya.

Hindi napigilan ni Marion ang umiyak at magpasalamat sa lahat ng naroroon. Oo hindi niya kilala ang mga ito at wala itong obligasyong bigyan siya ng tulong, pero nakakatuwa lamang na nag-ambagan pa ang mga ito para maibalik kahit papaano ang nasayang niyang paninda.

“Salamat sa inyong lahat. Pagpalain kayo ng Panginoong Diyos sa kabutihan niyo, salamat, salamat,” humihikbi niyang wika sa lahat ng naroroon.

Tunay ngang may kabutihan pa rin sa puso ang bawat tao, at ngayon niya iyon mas napatunayan. May pag-asa pa ang mundo at hindi dapat mawalan ng pag-asa dahil may mga tao pa ring handang tumulong kahit hindi nila kilala ang isa’t-isa.

Advertisement