Sinubukang Sirain ng Tiyahing Ito ang Samahan ng Kaniyang mga Pamangkin; Gusto Niya Kasing Angkinin ang Mana ng mga Ito
Dali-daling lumuwas ng Maynila si Abenida matapos niyang mabalitaang sumakabilang buhay na ang kaniyang kapatid sa ina. Ang kaniyang Kuya Richard na isang napakayamang negosyante. Madaling-madali siyang madalaw ito, hindi dahil sa nagdadalamhati siya sa pagkawala ng kaniyang kuya kundi dahil sa gusto niyang makibahagi sa manang iiwan nito sa mga anak nito.
Hindi naman kasi naging maganda ang samahan nilang magkapatid, lalo na at magkaiba ang estado ng buhay na kinalakihan nilang dalawa. Marangya kasi ang buhay ng kaniyang kuya dahil ang ama nito ay isang matalino at mayamang negosyante rin katulad nito, samantalang siya naman ay isinilang sa isang magulong pamayanan, kasama ang kaniyang amang lasinggero na’y wala pang inaatupag kundi sugal. Matagal nang kinikimkim ni Abenida ang inggit niya sa kaniyang kuya kaya naman kahit anong tangka nitong pakikipaglapit sa kaniya ay hindi niya iyon pinansin. Bagkus ay itinakwil niya ang mga ito at ipinangako sa sariling balang araw ay babalikan niya sila upang gantihan.
“Nakikiramay ako,” sabi ni Abenida sa asawa ng kaniyang Kuya Richard na si Imelda, kasabay ng pagtulo ng kaniyang pekeng luha upang siluin ito at ang kaniyang mga pamangkin na talagang nasasaktan siya sa nangyari, kahit ang totoo ay halos magbunyi ang kaniyang buong pagkatao sa pagkawala ng taong pinakakinaiinggitan niya sa lahat.
“Akala ko’y hindi ka makakapunta, Abenida. Siguradong kung nasaan man ang kuya mo ngayon ay masaya na siyang nakita niyang sa wakas, naisip mo nang ilapit ang sarili mo sa ’yong mga pamangkin,” umiiyak namang sagot ni Imelda sa kaniya sa namamaga nitong mga mata.
“Sa totoo lang ay nagsisisi akong hindi ko pa ito noon ginawa, noong nabubuhay pa ang kuya. Sana, kahit man lang bago siya mawala ay naiparamdam namin sa isa’t isa ang pagmamahal ng pagiging magkapatid.” Praktisadong-praktisado ang lahat ng sasabihin ni Abenida kaya alam niyang maaantig n’on ang damdamin nila.
Nang mga sandaling iyon ay napansin niya ang kaniyang mga pamangkin. Noon lamang niya napagtantong malalaki na pala ang mga ito at siguradong sila na ngayon ang mamumuno sa lahat ng negosyo ng kaniyang kuya. Nang mag-umpisang magmano sa kaniya ang tatlong magkakapatid na Randel, Amara, at Adel ay lalo pang ginalingan ni Abenida ang kaniyang pag-akto… dahil kung mayroon man siyang mga loob na dapat kunin, ’yon ay ang loob ng mga ito.
“Ikaw ang pinakamatanda, hindi ba, Amara?” tanong niya sa panganay ng kaniyang kuya na agad naman siyang tinanguan. “Ibig sabihin, ikaw na ang hahawak ngayon ng lahat ng negosyo ng papa mo ngayong wala na siya?” tanong pa niya dito, na sa pagkakataon namang ito ay sinagot nito ng pag-iling.
“Ang totoo po ay si Randel ang siyang hahawak at mamumuno sa kompanya ni papa, dahil siya po ang lalaki. Bukod doon ay siya rin ang pinakamatalino sa aming tatlo,” magiliw namang sagot nito sa kaniya.
Doon ay napangisi si Abenida. Tila nakahanap siya ng butas na maaari niyang paglagyan ng bomba upang mawasak ang samahan ng magkakapatid, nang sa ganoon, sa huli ay sa kaniya na mapunta ang lahat ng dapat ay kanila!
“Bakit ganoon? Hindi ba at kung sino ang panganay, siya dapat ang mangunguna? Saka, sigurado akong matalino ka naman, Amara, wala ba silang tiwala sa ’yo?” kunwari’y pang-aalo niya sa panganay niyang pamangkin na agad namang natigilan.
Masama ang balak ni Adelina sa mga ito, at iyon ay ang pag-awayin sila sa pamamagitan ni Amara! Balak niyang punuin ng hinanakit ang damdamin nito hanggang sa mawalan ito ng pagmamahal sa kaniyang mga kapatid. Pagkatapos ay magpapanggap siyang tanging kakampi nito, nang sa ganoon ay mahulog ito sa kaniyang bitag.
Pagkalibing na pagkalibing pa lang ng kaniyang kuya ay agad na niyang sinimulan ang nasabing plano. Ginawa niya ang lahat upang lituhin ang utak ni Amara na siyang inaakala niyang pinakamahina sa magkakapatid…
“Ikaw dapat ang magmay-ari ng lahat, Amara. Ikaw ang panganay. Tutulungan kita para makuha mo ang nararapat para sa ’yo,” panlilinlang pa ni Adelina sa dalaga. Hindi naman ito sumagot bagkus ay nakinig lamang nang mabuti sa mga susunod niyang sinabi. Doon ay binanggit na ni Adelina ang lahat ng kaniyang plano kung papaano pababagsakin si Randel, nang sa ganoon ay kay Amara na mapunta ang lahat ng negosyo ng kanilang ama. Ganoon din ang planong panghaharang sa bunso nila upang hindi rin ito maging hadlang.
Halos abot-kamay na ni Adelina ang tagumpay sa kaniyang plano… ngunit hindi niya inaasahan ang susunod na gagawin ni Amara!
Isang araw ay tinawagan siya nito upang makipagkita na dali-dali namang pinaunlakan ni Adelina. Ang buong akala niya ay balak nitong kausapin siya tungkol sa pag-uumpisa ng kanilang plano, ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang maabutan din sa nasabing lugar ang buong pamilya ng kaniyang Kuya Richard!
Ibinuko siya ni Amara sa mga kapatid at ngayon ay nais nila siyang ipakulong sa tangkang paggawa ng masama sa kanila! Hindi na rin naman nakatanggi pa si Adelina dahil ang mga paratang sa kaniya ni Amara ay suportado ng ebidensiyang video nilang dalawa habang nag-uusap, na kuha mula sa CCTV sa bahay ng mga ito, at isang voice recording na pasikretong kinuha ni Amara sa tuwing nag-uusap sila!
Hindi akalain ni Adelina na sinakyan lamang pala siya ni Amara upang siya ang mahuli nito sa bitag. Hindi pala madaling bilugin ang utak nito, lalong-lalo na ang pagmamahal nito sa kaniyang mga kapatid. Hindi niya inisip na hindi niya kagaya ang mga ito dahil sila ay pinalaki ng purong pagmamahal ng kaniyang mabuting kuya… samantalang binuhay niya naman ang sarili niya sa inggit at sa pag-iisip ng paghihiganti, gayong wala namang kasalanan sa kaniya ang mga ito. Ngayon, mananatiling miserable ang kaniyang buhay, dahil ang mga taong natitira sana niyang karamay ay tinalikuran na siya.