Nagising ang Binata na Wala sa Sariling Silid; Ano’ng Naging Kasalanan Niya, Bakit may mga Pulis sa Kaniyang Harapan?
Nagising si Arman sa silaw na tumatama sa kaniyang nakapikit na mata. Umaga na? Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata sa nakakasilaw na araw na tumatama sa kaniya at akma na sanang babangon nang muli ring napabalik sa paghiga dahil sa pagkirot ng kaniyang sentido.
“Kainis! Hangover,” mahina niyang usal.
Akmang babangon na siya sa kama nang mapansin ang iilang malalaking bultong nakatayo sa may paanan ng kama, nakasuot ang mga ito ng unipormeng pampulis.
“Pulis! Ano’ng ginagawa ng pulis sa silid ko?!” lihim niyang tanong sa sarili.
Saka niya napagtantong hindi niya pala silid ang kinaroroonan nang ikutin ng mga mata niya ang buong paligid. Hindi nga ito ang kaniyang silid at wala nga siya sa silid niya… ang mas masakit pa’y wala naman siyang sariling silid sa bahay nila. Kaya nasaang bahay ba siya?
“Sino ka? At anong ginagawa mo sa bahay na ito?!” buo at puno ng awtoridad na tanong ng isang pulis sa kaniya, habang iyong iba ay nakatutok sa kaniya ang mga baril na hawak.
Wala sa loob na naiangat niya sa ere ang dalawang braso. Anong gulo ba itong pinasukan niya? Ang naalala niyang nangyari kagabi’y umiinom siyang mag-isa sa isang mumurahing bar upang mawala ang sakit sa kaniyang puso dahil sa ginawa ng kaniyang nobyang si Lia. Anim na taon silang magkasintahan ngunit nagpabuntis lamang ito sa ibang lalaki, ang mas masakit ay sa kaibigan pa niya!
Iyon ang dahilan kaya nilunod niya ang sarili sa alak. Tapos…
“Inuulit ko ang tanong ko!” untag ng pulis sa kaniya.
“Ako po si Arman Magallanes, bente kwatro, nakatira po ako sa Recto, malapit sa may Isetann Mall,” nanginginig niyang wika.
“Magnanakaw ka ba? Bakit basta-basta ka na lang pumasok sa silid na ito?! Anong sadya mo?” muling tanong ng pulis. Agad siyang umiling saka nagsalita.
“Pasensya na po kayo, sir, pero hindi ko po talaga alam kung paano ako nakarating rito kagabi. Ang natatandaan ko po ay nagpakalasing ako’t nilunod ang sarili ko sa alak, tapos hindi ko na po alam kung ano’ng nangyari. Basta nagising na lang po ako na nandito na ako at nand’yan na kayo. Sorry po, sir, maniwala kayo, mabuti po akong tao,” aniya.
Mukhang nakumbinse naman niya ang apat na pulis kaya ibinaba nito ang hawak na mga baril. Saka siya kinausap na kailangan niyang sumama sa pulisya upang doon ipaliwanag ang lahat. Kusang loob naman siyang sumama sa mga ito at humingi ng paumanhin sa may-aring naistorbo niya nang hindi niya alam.
“Lasing na lasing ka kagabi at inagawan ako ng unan at kama, pasensya ka na rin kung kinailangan kitang i-report sa mga pulis. Naniniguro lamang ako sa’yo kasi hindi kita kilala at malay ko ba kung masama kang tao. Pero sana kung balak mong uminom, sa susunod ay iyong kaya mo lang at hindi iyong halos mawala sa ka na sa sarili sa labis na kalasingan,” anang babaeng may-ari ng silid na pinasok niya.
Yumuko si Arman at panay ang hingi ng tawad sa babae. Tama ito! Dapat hindi niya nilunod ang sarili sa alak, at sana’y uminom siya ayon lamang sa kaya niya. Ngayon tuloy ay may posas siya sa pulsohan at iimbestigahan sa pulisya.
Hindi naman siya natatakot na makulong, pero hiyang-hiya siya sa ginawa niya! Pumasok siya sa ibang bahay at nang-agaw pa ng silid na hindi kaniya. Isinusumpa niyang hindi na siya ulit iinom nang gano’n. Napagtanto niyang ang hirap palang malasing nang sobra dahil nakagagawa ka ng mga bagay na hindi mo maisip na kaya mo pa lang gawin.
“Kakaiba ang kaso mo ah,” natatawang sambit ng pulis matapos isulat ang kaniyang salaysay. “Umakyat ka sa bahay, hindi para magnakaw o gumawa ng karumaldumal na gawain. Umakyat ka para makitulog,” anito. Hindi mapigilan ang paghalakhak. Gumaya naman ang mga kasama nito at tumawa na rin sa nangyari sa kaniya, habang siya’y tahimik lamang at nakayuko. Hiyang-hiya sa ginawa.
“Payo ko na lang sa’yo ay iwasan mo na ang alak. Ipapahamak ka lang niyan. Tingnan mo ngayon kung saan ka dinala ng alak na ‘yan,” segunda ng isa pa.
“Sige na! Pwede ka nang umuwi, mag-iingat ka sa susunod ah! At tama si chief, iwasan mo ang alak, baka sa susunod niyan e bar*lin ka ng may-ari ng bahay sa pag-aakalang masamang tao ka.”
Yumuko si Arman at humingi ng pasensya sa mga pulis na naistorbo niya.
“Maraming salamat po at pasensya na. Pangako po, hindi na ako iinom… nang sobra,” aniya. Sinadyang ibitin ang huling salita. Hindi naman siya hayok sa alak, pero hindi naman niya kayang ipangako na hindi na talaga siya iinom kailanman. Ang tanging ipapangako lamang niya’y hindi na niya uulitin ang ginawang pagpapakalunod nang ganoon.
Mabuti na lang talaga at hindi siya kinasuhan ng babaeng inagawan niya ng unan, kama, at silid. Isang aral ang natutunan niya sa araw na iyon – magkaroon ng limitasyon!