Nang Malaman ng Dalaga na May Nobya na ang Matalik na Kaibigan ay Nilayuan Niya Ito; Totoo nga Kaya ang Tsismis na ang Dahilan ay Selos?
Kadarating lamang ni Nadia sa trabaho nang dumating si Xyrus sa bahay nila at nais siyang makausap nang masinsinan. Makikiusap na muna sana siyang magpapalit lang ng damit at kakain dahil gutom na siya, ngunit ayaw nitong pumayag. Mukhang importante ang pag-uusapan nila ng kaibigan kaya hindi na lamamg siya pumalag pa at kinausap ito.
“Bakit hindi mo sinasagot ang mga tawag at text ko, Nadia?” tanong nito.
Narito sila ngayon sa garden ng bahay nila, doon sila madalas mag-usap, magkantahan at magbiruan noon ni Xyrus. Kaya doon din sila ngayon nag-uusap. Wala rin kasing makakarinig sa kanilang ibang tao roon.
“Wala namang rason para sagutin ko pa ang mga tawag at text mo, at saka anong hindi ka d’yan! Nagte-text ako sa’yo sa umaga, at kapag matutulog na ako. Hindi na nga lang siguro gano’n kadalas gaya ng dati’y kahit papaano ay nagpaparamdam naman ako sa’yo,” aniya.
“Iyon na lang! Kapag tinatawagan kita, hindi mo sinasagot, at saka hindi gaya dati na kapag nag-text ako, nagrereply ka kaagad. Ngayon hindi na! Bakit? Dahil ba kay Trina?” anito.
Ang tinutukoy nitong Trina ay ang nobya nito. Sa pagkakaalam niya’y mag-iisang buwan na mula noong naging magkasintahan ang dalawa, at simula nga noon ay madalang na lamang niyang sinasagot ang mga tawag at text ng kaibigan.
“Oo, kasi nga ‘di ba may nobya ka na. Wala nang rason para mag-text ka pa nang mag-text sa’kin. Mas maigi siguro na si Trina na ang pagtuunan mo ng buo mong atensyon. Hindi ba’t tama naman ako?” pag-amin ni Nadia.
Para kasi sa kaniya’y isang pagrespeto sa relasyon ng dalawa ang ginawang paglayo sa kaibigan. Hindi por que siya ang bestfriend na maituturing ni Xyrus ay kaniya na talaga ang kaibigan. Alam niyang sa oras na magkaroon ng seryosong karelasyon si Xyrus ay panahon na rin upang maputol ang pinagsamahan nila, hindi naman ibig sabihin no’n ay hindi na talaga sila magkaibigan. Magkaibigan pa rin, pero hindi na nga lang gaya noong walang pa itong karelasyon.
“Pero alam naman ni Trina na bestfriend kita, Nadia, at wala namang problema sa kaniya kahit na close ka pa rin sa’kin. Ayokong maputol ang mayroon tayo dahil lang naging parte na ng buhay ko si Trina, kaya bakit kailangan mong lumayo? Alam mo naman na hindi ako sanay na wala ka,” ani Xyrus.
Malapad na ngumiti si Nadia saka sinabing, “Kung ganyan naman pala’y dapat ako na lang ang dyinowa mo!”
“Hindi nga kasi kita type!” prangkang sagot ni Xyrus.
Hindi na napigilan ni Nadia ang tumawa nang malakas, kaya tumawa na lamang din si Xyrus. Noon pa man ay klaro na sa kanilang dalawa na hanggang magkaibigan lang talaga ang nararamdaman nila sa isa’t-isa. Hindi niya kailanman nakita ang sariling nagkakagusto sa lalaki, at prangka naman nitong inaamin sa kaniya na hindi rin siya gusto nito higit pa sa pagiging kaibigan.
“Hindi ako lumalayo kasi nasasaktan akong may nobya ka na. Hello? Masaya nga ako kasi may nabihag ka na naman,” ani Nadia saka tumawa. “May karelasyon ka na, Xyrus, kaya hayaan mo na lang na lumayo ako nang kaunti. Kung sa ngayon ayos pa kay Trina na malapit tayo sa isa’t-isa, darating ang panahon na pagseselosan niya ako at papipiliin ka niya, at ayokong dumating ka sa puntong kailangan mong mamili kung sino sa’min ni Trina ang mananatili sa buhay mo,” dugtong niya saka.
“Syempre… alam mo naman na ikaw palagi ang pipiliin ko,” ani Xyrus.
“Iyon na nga. Ako na naman ang pipiliin mo at mas pipiliin mong iwanan ang nobya mo nang dahil sa’kin at ayoko nang mangyari pa ulit ang mga bagay na iyon,” aniya saka naglabas ng malalim na buntong hininga. “Kaya sa ngayon pa lang magpraktis na tayong dalawa na lumayo sa isa’t-isa. Nirerespeto ko ang relasyon niyo dahil kaibigan kita at ayokong gumitna na naman sa pagitan ninyong dalawa. Kaya hayaan mo na kung ‘di na tayo masyadong nagkukumustahan. Hindi ka pa ba nagsasawa sa mukha ko?” biro niya saka umaktong nagmamaganda sa harapan ng kaibigan.
Lumabi si Xyrus na tila nagtatampo. Humakbang siya para yakapin ito.
“Hindi ka na magte-text at tatawag sa’kin, dahil obligasyon mong gawin iyon sa nobya mo. Kung kailangan mo ng kausap, punta ka rito, usap tayo, pero hindi na pwede iyong araw-araw, kasi dapat ‘yong oras mo para sa’kin, kay Trina mo na ilalaan. Nagkakaintindihan tayo?”
“Pero paano ka?” nag-aalala nitong tanong.
“Anong paano ako? Ayos lang ako. Balang-araw may lalaki ring mabubulag sa ganda ko, sa ngayon mag-enjoy kayo ni Trina na magkasama. Kilalanin niyo ‘yong isa’t-isa at huwag niyo na akong isama. Simula ngayon, hindi na ako ang bestfriend mo, kung ‘di si Trina na. Kaya huwag mo na akong alalahanin. Walang ibang dahilan kung bakit ako lumayo sa’yo, kung ‘di dahil ayokong guluhin ang nag-uumpisa niyong relasyon. Syempre masaya ako para sa’yo, kasi nakahanap ka ng babaeng mamahalin ka, kaya mas maiging lumayo ako nang kaunti. Magkaibigan pa rin tayo, hindi na nga lang kagaya dati pero ako pa rin ang bestfriend mong si Nadia,” mahabang paliwanag ni Nadia at matamis na ngumiti.
Hinapit siyang muli ni Xyrus at mahigpit na niyakap.
“Maraming salamat sa malawak na pang-unawa, Nadia, kaya mahalaga ka sa’kin, dahil d’yan sa ugali mo e. Kung ikaw lang talaga ang tipo kong babae, baka ikaw na lang talaga ang aasawahin ko. Ang kaso’y hindi ko talaga nakikita ang sarili kong minamahal ka nang higit pa sa kaibigan, kaya sana makahanap ka ng lalaking mas mabait pa sa’kin,” ani Xyrus saka piningot ang ilong ni Nadia.
“Makakahanap ako… sure ako doon!” aniya saka tumawa.
Bilang isang matalik na kaibigan at bilang isa na ring babae, alam ni Nadia ang pakiramdam na may kahati sa minamahal kaya ayaw niyang maramdaman iyon ng nobya ni Xyrus. Mahalaga si Xyrus sa kaniya, pero kailangan niyang irespeto ang relasyon nito kay Trina, at para mangyari iyon ay ayaw niyang bigyan si Trina ng dahilan upang pagselosan siya.