Nagulat ang Ginoo nang Makita ang Isinilang ng Kaniyang Misis; Mas Ikinagulat naman ng Ginang ang Ginawa ng Kaniyang Mister
Ilang buwan pa lang simula nang maikasal ang mag-asawang Steve at Diane pero patuloy silang sumusubok para magkaroon ng anak. Matagal na rin kasi silang magkasintahan bago pa sila mag-isang dibdib kaya pakiramdam nila ay tanging anak na lang ang kulang para makabuo sila ng pamilyang matagal na nilang pangarap.
Ngunit makalipas ang ilang subok ay hindi pa rin nabubuntis si Diane.
“Huwag kang mag-alala, love. Hindi naman tayo nagmamadali. Huwag kang ma-istress kung hindi pa tayo magkakaanak ngayon. Dadating din ang tamang panahon para sa atin,” saad ni Steve sa kaniyang asawa.
“Alam ko kasi kung gaano mo na kagustong magkaroon ng anak, love, at gusto ko itong maibigay sa iyo. Pakiramdam ko tuloy ay hindi ko nagagampanan ang pagiging isang asawa sa iyo,” malungkot na sambit naman ni Diane.
“Huwag kang mag-isip ng ganiyan. Lalo ‘yang makakasama sa iyo, e. Wala kang pagkukulang sa akin. Tanggap ko naman kung hindi pa ngayon ibibigay ng Diyos ang anak natin. Huwag ka nang malungkot. Isipin mo na lang na mas marami pa tayong panahon sa isa’t isa habang wala pa ang mga anak natin,” nakangiting wika muli ng mister sabay yakap sa asawa.
Nakakalungkot man, ngunit ang katotohanan ay ayaw pa ni Diane na magkaroon sila ni Steve ng anak. Kaya naman patuloy ang pag-inom nito ng gamot.
“Diane, hindi ka ba natatakot na baka mahuli ka ni Steve na umiinom ng pills? Bakit kasi hindi mo na lang pagbigyan ang asawa mo. Tutal, pareho naman kayong may magagandang lahi. Tiyak akong magiging maganda rin ang magiging anak n’yo,” saad ng kaibigang si Karen.
“Alam mo, friend, hindi naman ako nangangamba sa magandang lahi na ‘yan! Ang kinakatakutan ko ay ‘yung masira ang pigura ko. Aba’y ang hirap kaya na magpa-sexy tapos ay sisirain ko lang ang katawan ko. Saka isa pa, tingin ko ay hindi pa rin ako handa na mag-alaga ng bata. Baka malosyang lang ako! Maghintay na lang ‘yang si Steve kung kailan ko na gusto!” tugon naman ni Diane.
“Sige ka, ikaw rin! Baka mamaya ay makahanap ng iba ‘yang si Steve. Isang babaeng magbibigay sa kaniya ng mga pangangailangan niya,” muling sambit ng kaibigan.
“Subukan lang niya! Hindi maggagawa sa akin ni Steve ‘yan. Kilalang kilala ko siya. Sobra niya akong mahal!” dagdag pa ni Diane.
Sa likod ni Steve ay patuloy ang pagtatago ni Diane ng kaniyang sikreto. Buwan-buwan namang naghihintay itong si Steve hanggang sa hindi na rin siya umasa pa dahil ayaw niyang masaktan si Diane kung makita nito ang kaniyang pagkadismaya dahil hindi pa rin sila magkaroon ng anak.
Dahil nangangamba si Steve na baka mayroong mali sa kanilang dalawa ay kumunsulta siya sa doktor.
“Malusog naman kayong dalawa ng asawa mo, Steve. Siguro ay dala lang ‘yan ng istres sa trabaho,” wika pa ng doktor.
Kaya nakapagdesisyon si Steve na bigyan ng bakasyon itong si Diane upang hindi na ito ma-istres pa. Kumuha na rin siya ng kasambahay nang sa gayon ay makapag-pokus na lang ang asawa sa kaniyang sarili.
Masaya naman si Diane sa ginawang ito ni Steve. Pero ayaw pa rin niyang bigyan ito ng anak. Patuloy pa rin ang pag-inom niya ng pills. Malaki ang tiwala ni Diane na uubra ang kaniyang plano.
Hanggang sa isang araw ay napansin niyang hindi siya dinatnan ng buwanang dalaw.
“Siguro ay nahuli lang. Pero kahit kailan ay hindi nahuhuli ang buwanang dalaw ko. Baka epekto ito ng pag-inom ko ng pills. Bukas ko na lang aabangan ulit,” sambit ni Diane sa kaniyang sarili.
Ngunit lumipas ang ilang araw ay wala pa rin ang kaniyang buwanang dalaw. Kaya nagpasya na siyang mag-pregnancy test. Gulat na gulat siya nang makita ang dalawang linya.
“B-buntis ako? Hindi ito maari! Patuloy pa rin ang pag-inom ko ng pills! Hindi ako maaaring mabuntis,” nangangatog na sambit ni Diane.
Umiinom pa rin si Diane ng pills kahit alam niyang buntis siya sa paniniwalang hindi ito matutuloy. Hanggang sa nawalan na siya ng pag-asa at sinabi na rin niya ito kay Steve.
Walang mapagsidlan ang tuwa ni Steve nang malamang nagdadalantao na ang kaniyang asawa.
“Huwag ka nang magtrabaho para hindi ka na mapagod at hindi ka rin ma-istres. Alagaan mo na lang ang sarili mo at ang magiging anak natin,” wika pa ng ginoo.
Ngunit hindi makuha ni Diane na maging masaya. Iniisip pa rin niya ang malaking pagbabagong mangyayari sa kaniyang katawan at sa kaniyang buhay. Pilit niyang inilalagl*g ang bata. Ngunit makapit ito.
Lumipas ang ilang buwan at kabuwanan na ni Diane. Pumutok na ang kaniyang panubigan at tarantang taranta si Steve na isinugod ang asawa sa ospital. Magkahalong saya at kaba ang nararamdaman ni Steve habang naghihintay sa labas ng silid. Hindi na siya makapaghintay na makita ang kanilang anak.
Paglabas ng doktor ay kinausap niya agad si Steve.
“Nailabas naman po nang matiwasay ang bata. Sa katunayan ay maayos naman ang kaniyang kalagayan. Ngunit mayroon pong problema. Hindi po normal ang anak ninyo. Mayroon po siyang diperensiya,” paliwanag agad ng doktor.
Agad na sinilip ni Steve ang kaniyang anak. Kahit na mayroon itong kapansanan at naiiba ito sa mga sanggol na ipinanganak nang gabing iyon ay nakaramdam siya ng wagas na pagmamahal.
Lumapit siya sa kaniyang asawa at hinalikan ito sa noo.
“Ayaw ko ang batang iyan, Steve! Hindi ko siya matatanggap!” umiiyak na sambit ni Diane.
“Anak natin siya, Diane. Sa iyo siya nanggaling. Kahit ano pa siya ay dapat natin siyang tanggapin. Saka na natin ito pag-usapan, love, magpahinga ka na muna,” saad naman ni Steve.
Lumipas ang mga araw at nakauwi na rin ang mag-anak mula sa ospital. Napapansin naman ni Steve ang malamig na trato ni Diane sa kaniya at sa kanilang anak.
“Steve, kailangan mong makinig sa akin. Kailangan nating dalhin sa bahay-ampunan ang batang iyan. Hindi natin kakayanin na magpalaki ng may diperensiyang sanggol. Sumubok na lang tayo muli. Pero hindi ko matatanggap ang batang iyan!” sambit ni Diane.
“Seryoso ka ba sa mga sinasabi mo, Diane? Basta mo na lang tatalikdan ang batang ito? Anak natin siya! Sariling dugo at laman. Wala siyang kasalanan! Mas kailangan nga niya tayo ngayon! Tapos ang gusto mo ay ipamigay na lang siya?” hindi na naiwasan ni Steve na magtaas ng boses.
“Akala ko ba ay mahal mo ako? Mananatili lang itong sikreto sa pagitan natin, Steve. Sabihin na lang natin na sumakabilang buhay ang anak natin. Basta kailangan ay walang makaalam na may diperensiya siya. Ginagawa ko rin naman ito para sa iyo! Ayaw kitang mahirapan pa!” pagtangis pa ni Diane.
“Itigil mo na ito, Diane! Ang lakas ng loob mong sabihin iyan sa akin! Alam kong ikaw ang may kasalanan kung bakit nagkaganito ang anak natin! Pilit mo siyang inilalagl*g noong nalaman mong nasa sinapupunan mo na siya. Alam ko rin na umiinom ka ng pills kaya hindi tayo magkaanak. Kinausap ako ng mga doktor. Nais na sana kitang patawarin kahit hindi ka humihingi ng kapatawaran. Inuunawa kita dahil sa pagmamahal ko sa iyo! Pero itong nais mo na ipamigay na lang ang anak natin dahil lang kakaiba siya? Sukdulan na ang kawalanghiyaan mo, Diane. Mananatili dito ang anak ko. Pero tayong dalawa, tapos na tayo. Ikaw na ang umalis sa bahay na ito. Hindi kailangan ng anak ko ang isang inang kagaya mo!” pahayag pa ni Steve.
Sineryoso ni Steve ang pakikipaghiwalay niya kay Diane. Ang nakakapagpasakit lang ng kalooban ni Steve ay sa loob ng mahabang panahon ay hindi pala niya talagang kilala ang tunay na ugali ng kaniyang asawa.
Pilit mang bumabalik itong si Diane ay ayaw na ni Steve. Natauhan na kasi siya. At ang tanging nais lang niya ay alagaan at protektahan ang kaniyang nag-iisang anak kahit pa laban sa tunay na ina nito.