
Handang Ipakulong ng Ginang ang Mister dahil Nagkasala raw Ito; Ikagugulantang Niya ang Malalamang Katotohanan
“Ate, labis akong naiinggit sa iyo. Napakaswerte mo talaga riyan kay Kuya Noah. Akalain mong kahit na ayaw sa iyo ng mga magulang niya ay handa niya itong talikuran para lang makasama ka!” wika ni Gia sa kaniyang Ate Celeste habang nasa silid at pinagmamasdan ang kaniyang trahe de boda.
“Mabuti nga at naging ayos na rin ang lahat sa pagitan ko at ng mga magulang ni Noah. Napatunayan kasi namin na tunay at wagas ang pagmamahalan namin. Kaya, ikaw, humanap ka ng isang lalaking tulad ng Kuya Noah mo. Isang lalaking kaya kang ipaglaban,” tugon naman ng nakakatandang kapatid.
Ilang araw na lang ay ikakasal na itong si Celeste sa matagal na niyang kasintahang si Noah. Halos isang dekada rin ang kanilang naging relasyon bago tuluyang mauwi sa kasalan. Ngunit hindi rin naging madali ang mga taon na ito sapagkat malaki ang pagtutol ng mga magulang ni Noah kay Celeste dahil hindi raw ito nababagay sa kanilang anak.
Anak lamang daw kasi ng isang construction worker itong si Celeste. Nakapagtapos man ng kolehiyo ay hindi pa rin sapat para mapantayan ang antas ng pamilya ni Noah. Sa tingin ng mga ito ay pera lamang ang habol ng dalaga kay Noah.
May ibang gusto ang mga magulang ni Noah para sa kaniya. Ngunit kahit ano pa ang gawin ng mga magulang ng binata para paghiwalayin sila ni Celeste ay hindi umubra. Ginawa kasi ni Noah ang lahat para lang ipaglaban itong si Celeste.
Kaya naman labis ang kanilang saya nang sa wakas ay pumayag na rin ang kanilang mga magulang na magpakasal sila.
Dumating ang araw ng kasal nina Noah at Celeste. Mababanaag mo sa kanilang mukha ang labis na kaligayahan. Ibinigay nila sa isa’t isa ang kanilang mga pangako habang nakaharap sa altar. Nararamdaman nilang ito na ang simula ng masaya at walang hanggan nilang pagsasama.
“Wala nang makakahadlang pa sa ating dalawa, Celeste. Ikaw lang ang babaeng gusto kong makasama habang buhay. Sa’yong sa iyo lang ako. Tandaan mo ‘yan!” wika pa ni Noah.
Pagkatapos ng kasal ay tumuloy silang dalawa sa bahay na ipinatayo ni Noah.
“Salamat, Noah, dahil pumayag kang dumito rin ang kapatid ko. Hindi mo lang alam na lalo kitang minamahal dahil mahal mo rin ang mga mahal ko sa buhay. Si Gia na lang kasi ang mayroon ako simula nang mawala ang mga magulang namin. Nangako ako sa kanila na hinding-hindi ko pababayaan ang kapatid ko,” wika naman ni Celeste.
“Pamilya ko na rin si Gia. Nakababatang kapatid na rin ang tingin ko sa kaniya. Saka mas maganda nga iyon. Kapag wala ako ay mayroon kang kasama,” wika naman ni Noah.
Sa paglipas ng mga araw na naninirahang magkakasama ang tatlo ay hindi maiwasan ni Gia na mainggit sa kaniyang ate. Nakikita kasi ng dalaga ang pakikitungo ni Noah sa asawang si Celeste. Malambing kasi ito at mapagmahal. Isang bagay na gusto ring maranasan ni Gia.
Hanggang sa isang araw ay tila hindi na maintindihan ni Gia ang kaniyang nararamdaman. Nagseselos na siya sa kaniyang Ate Celeste kapag pinagsisilbihan ito ng kaniyang Kuya Noah.
Doon niya napagtanto na iba na talaga ang pagtingin niya sa asawa ng kaniyang nakatatandang kapatid.
Sinubukan ni Gia na akitin ang kaniyang bayaw ngunit tinanggihan siya nito.
“Gia, mali itong ginawa mo. Asawa ako ng ate mo at tanging nakababatang kapatid lang ang tingin ko sa iyo. Itigil mo na ito. Ayaw kong bigyan ng sama ng loob ang Ate Celeste mo,” sambit ni Noah sa dalagang hipag.
Ngunit hindi basta na lang titigil itong si Gia. Sa labis na inggit niya sa kapatid ay labis din ang pagnanais niyang maagaw ang asawa nito.
Isang araw ay nagkaroon ng tampuhan itong si Celeste at si Noah. Napagtaasan kasi ng boses ni Noah itong si Celeste dahil palaging abala sa trabaho. Nakalimutan na ng misis ang kanilang anibersaryo. Naghanda pa naman nang lubos itong si Noah bilang supresa sa asawa.
Sa galit ni Celeste ay umalis ito sa bahay. Naiwan si Noah at naglasing.
Dito na nakakita ng pagkakataon itong si Gia para naman siya ang mapansin ng kaniyang Kuya Noah.
“Hayaan mo na si Ate Celeste, Kuya Noah. Ako na lang ang ibigin mo. Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng gusto mo. Lahat ng oras ko ay sa iyo lang,” wika pa ni Gia.
Habang walang malay dahil sa kalasingan itong si Noah ay ginapang siya ni Gia. Ang matindi pa roon ay nagpanggap ang dalaga na siya si Celeste.
Wala mang nangyari sa dalawa ay naabutan pa rin ni Celeste ang dalawa na nasa kama at parehong walang saplot.
“Hayop ka, Noah! Hayop ka! Ano’ng ginawa mo sa kapatid ko?!” pagwawala ni Celeste.
Naalimpungatan ang dalawa sa sigaw ni Celeste. Gulat na gulat naman si Noah nang makita si Gia sa tabi niya.
“H-hindi ko alam kung ano ang nangyari, Celeste! Maniwala ka naman sa akin. Gia, paano ka napunta rito?” natataranta nang sambit ni Noah.
“Hindi ba niyaya mo ako, Kuya Noah? Ang sabi mo ay malungkot ka kaya sinamahan naman kita. Hindi ko na rin alam ang nangyari dahil nalasing na rin ako!” depensa naman ng dalaga.
“Hindi ko mapapatawad ang ginawa mong ito sa akin at sa kapatid ko, Noah! Dahil lang sa simpleng pag-aaway ay gagawa ka na ng nakakasulasok na bagay! Ganito mo ba ako nais na pasakitan?” bulyaw pa ni Celeste.
“Maniwala ka sa akin, Celeste, hindi ko gusto ang nangyari. Wala akong kaalam-alam. Maniwala ka naman! Hayaan mo akong magpaliwanag, Celeste. Ikaw ang mahal ko! Hindi ko kayang gawin ito sa iyo, alam mo ‘yan!” pagsusumamo ng ginoo.
“Pero ano ang ibig sabihin nito, Noah? Bakit sa kapatid ko pa?” patuloy ang pagluha ni Cceleste.
Sobrang sakit para kay Celeste ang nangyaring ito. Tila isang bangungot para sa kanila. Ngunit iisa lang ang masaya, walang iba kung hindi si Gia. Akala kasi niya ay ipapaubaya na ng kaniyang ate ang asawa nito kapag nalaman niyang may nangyari sa kanila.Ngunit laking gulat ni Gia nang malamang sinampahan pala ng kaso ni Celeste itong si Noah.
“Mabubulok ka sa bilangguan dahil sa ginawa mo sa kapatid ko, Noah! Wala kang kasing sama! Pinagkatiwalaan kita. Ibinigay ko sa’yo ang buong buhay ko. Ipinaglaban ko rin ang pag-ibig natin tapos ay sisirain mo lang!” pagtangis pa ni Celeste.
“Maniwala ka sa akin, Celeste, hindi ko ito kayang gawin sa iyo!” patuloy sa pagpapaliwanag si Noah ngunit ayaw na siyang pakinggan ng kaniyang asawa.
Dadakpin na sana ng mga pulis itong si Noah nang biglang inawat ito ni Gia.
“Bakit makukulong si Kuya Noah? Hindi ba dapat ay panagutan niya ako? Hindi ba dapat ako na ang asawa niya? Ate Celeste, itigil mo itong ginagawa mo sa kaniya! Mahal ko siya! Huwag mo siyang ilayo sa akin!” sambit naman ni Gia.
“M-mahal? Mahal mo ang asawa ko, Gia?” nanlalaki ang mata ni Celeste sa pagkagulantang.
“Walang nangyari sa amin ni Kuya Noah. Kahit anong pilit ko sa kaniya ay lagi niya akong tinatanggihan dahil ikaw raw ang mahal niya. Ang nais ko lang ay makita mo kami sa ganoong sitwasyon nang ipaubaya mo na siya sa akin. Matagal ko nang nararamdaman ito. Hindi ba sinabi mo sa akin na humanap ako ng lalaking tulad niya?” dagdag pa ng dalaga.
“Pero hindi ko sinabing agawin mo sa akin ang asawa ko, Gia! Muntik na siyang mabulok sa bilangguan sa kasalanang ikaw naman pala ang may gawa! Hindi ko na alam kung paano maibabalik sa dati ang relasyon namin. Paano mo ito nagawa sa amin ng Kuya Noah mo?” patuloy sa pagluha ang nakatatandang kapatid.
“Patawad, ate! Patawarin mo ako! Nabulag ako ng inggit ko sa iyo. Patawarin mo rin ako, Kuya Noah. Ang hangad ko lang naman ay may magmahal din sa akin tulad ng pagmamahal mo sa ate ko!” humahagulgol na sambit ni Gia.
Labis ang paghingi ni Gia ng tawad sa kapatid at sa asawa nito. Ngunit mahirap para sa dalawa na magpatawad agad.
Humingi rin ng dispensa itong si Celeste dahil agad niyang pinag-isipan ng masama ang asawa. Hindi man lamang niya ito binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag.
“Nauunawaan kita, Celeste. Pero nais kong malaman mong tunay ang pagmamahal ko sa iyo. Ikaw lang ang babaeng minahal ko nang ganito kaya hindi ako gagawa ng kahit anong ikasisira natin. Tandaan mo ‘yan!” sambit naman ni Noah.
Upang pahupain ang mga naganap sa pagitan nila ay naisipan ni Gia na magpakalayo-layo muna. Nanirahan siya sa kaniyang tiyahin sa probinsiya. Binigyan niya rin ng pagkakataon ang kaniyang Ate Celeste at Kuya Noah na maibalik ang nasirang relasyon.
Pinatunayan ni Noah kay Celeste na siya lang ang babaeng mamahalin niya. Dahil ramdam naman ni Celeste ang pagmamahal ni Noah sa kaniya ay agad niya itong pinatawad.
Hindi man madali para sa lahat ang makalimot ay tanging panahon na lang ang makakapagsabi kung kailan maghihilom ang lahat. Sa ngayon ay ginagawa rin ni Gia ang lahat upang mapatawad siya ng kaniyang ate at maibalik ang dati nilang pagtitinginan.