Oportunidad para sa Lalaking Ito ang Ulyaning May-ari ng Panaderya; Makakuha Nga Kaya Siya ng Pera Rito?
“Mahal, may bente pesos ka bang buo riyan? Ibibili ko sana ng tinapay sa panaderya,” bungad ni Ramil sa kaniyang asawa, isang tanghali pagkauwi niya galing tambayan.
“Ramil, naman! Magtatanghalian na, gusto mo pa rin ng tinapay? Imbes na bigas ang bilhin mo para makakain din kami ng mga anak mo! Bente pesos na lang ang perang natitira sa bulsa ko kaya itikom mo na lang ‘yang bibig mo!” payo nito sa kaniya habang hinehele ang kanilang isang taong gulang na anak.
“Bibili nga ako ng tinapay para mapalago ang pera natin at makabili tayo ng bigas at ulam!” tugon niya na ikinakunot ng noo nito.
“A-anong ibig mong sabihin?” pang-uusisa nito.
“Hindi mo pa ba nababalitaan na nag-uulyanin na raw ang matandang nagbabantay d’yan sa panaderya? Iyong kumpare ko ngang si Jake, bumili ng bente pesos na pandesal, nag-abot siya ng saktong bente pesos na buo tapos sinuklian pa siya ng apat na raang piso! O, ‘di ba? Easy money ‘yon!” kwento niya rito na ikinailing nito.
“Naku, huwag mo na ‘yong gayahin! Maawa ka naman sa matanda!” pangaral nito sa kaniya na ikinatawa niya.
“Mas maawa ka sa mga anak mo! Mamaya, maghihingian na ‘yang mga ‘yan ng pagkain! Tatlong araw na tayong nag-uulam ng tubig at asin, mahal!” sambit niya pa rito saka tinuro ang dalawa pa nilang anak na naglalaro sa tapat ng kanilang bahay dahilan para ibigay na nito sa kaniya ang natitirang bente pesos sa bulsa.
Walang permanenteng trabaho ang padre de pamilyang si Ramil. Binubuhay niya ang kaniyang asawa at tatlong mga anak sa pamamagitan ng pagbebenta ng kalakal, pagtatapon ng basura, at kung sinuswerte, sa pagkakarpintero.
Kung wala siyang kikitain sa isang araw, wala siyang maipapakain sa kaniyang buong pamilya kaya naman siya’y labis na nagpapakasubsob sa paghahanap buhay alang-alang sa mga ito.
Kaya lang, may araw ding nakararamdam siya ng katamaran at sa mga araw na iyon, umaasa lang siyang may dadating na biyaya sa kaniya para mapakain ang kaniyang pamilya. Kung wala mang grasyang dumating, kung hindi siya manghihingi ng kaning lamig sa mga kapitbahay, pipilitin niya na lang matulog ang kaniyang buong pamilya huwag lang makaramdam ng gutom ang mga ito.
Ito ang dahilan para makita niya bilang isang oportunidad na kumita ang usap-usapang pag-uulyanin ng matandang bantay sa panaderyang palagi niyang pinagtatambayan.
Kaya naman, wala na siyang sinayang na minuto noong araw na ‘yon. Pagkaabot na pagkaabot ng pera ng kaniyang asawa, agad na siyang tumakbo sa naturang panaderya at ganoon na lang siya napatalon sa saya nang makitang ang matandang iyon pa rin ang bantay doon.
“Ah, eh, nanay, pabili nga po ako ng bente pesos na pandesal,” sabi niya rito saka iniabot ang bente pesos, agad naman itong naglagay ng mga pandesal sa isang supot.
Ngunit, habang naglalagay ang matanda ng pandesal, napansin niyang nasa gilid lang ng estanteng pinagkukuhanan nito ang kaha ng pera at dahil nga desidido na siyang makakuha nang malaking halaga, dahan-dahan niya itong inabot at saktong limang daang piso ang kaniyang nadukot.
“Ito na, hijo,” sabi ng matanda kaya siya’y agad na nataranta at iniabot dito ang bente pesos na pera, “Saglit, ha, susuklian kita,” sabi pa nito na lalo niyang ikinatuwa.
Pero bago pa man makapagbilang ng isusukli sa kaniya ang matanda, nilapitan na siya ng dalawang anak na lalaki nito at pilit na pinababalik ang perang kinuha niya. Agad niyang tinanggi ang paratang sa kaniya at nagpumiglas pa kaya pinanuod ng mga ito sa kaniya ang kuha ng CCTV camera na roon.
Doon na siya hindi nakatanggi at kusang sumama sa mga tanod na naghihintay sa kaniyang likuran.
“Pupwede ko bang ibigay muna ang pandesal sa pamilya ko? Tiyak, gutom na sila,” hiling niya sa isang tanod.
“Ipapakain mo sa kanila ang pagkaing nakuha mo sa hindi malinis na paraan? Kawawa naman ang mga anak at asawa mo, ikaw ang padre de pamilya nila,” tugon nito kaya siya’y labis na naramdaman nang matinding pangongonsenya.
Mabuti na lang, naawa sa kaniya ang matandang pinagnakawan niya nang malaman ang tunay niyang buhay.
“Hindi kita sasampahan ng kaso, hijo, pero kailangan mong gawin ang isa kong kondisyon,” sambit nito na ikinagulat niya, “Maging isang marangal kang ama sa mga anak mo. Humanap ka ng trabahong sasagot sa lahat ng pangangailangan nila,” dagdag nito na labis niyang ikinaiyak. Lumuhod pa siya sa harapan nito sa labis na pagpapasalamat.
Dahil sa aral na natutunan, simula noon, siya’y naglakas loob na maghanap ng trabaho sa iba’t ibang pabrika at mall na talagang nagbigay pag-asa sa kaniya lalo pa nang tuluyan siyang makahanap ng trabaho.
“Pangako, hinding-hindi ko na kayo papakainin ng pagkaing galing sa masamang gawain,” pangako niya sa kaniyang asawa’t mga anak.