
Tutol ang Ginang sa Pagmamahalan ng Kaniyang Anak at ng Isang Unanong Preso; Naiyak Siya nang Malaman ang Saloobin ng Anak
“Mare, totoo ba ang balitang nobyo na ng anak mo ‘yong unanong nakatira sa kabilang barangay na galing kulungan? Hindi ba’t nakulong ‘yon dahil sa masamang bisyo? Hindi ka ba nababahala na baka maligaw ng landas ang anak mo dahil doon?” nguso ni Marissa sa kaniyang kumare, isang hapon nang makasabay niya itong bumili ng meryenda.
“Diyos ko, Ellen, ilang beses ko nang pinagsasabihan ‘yang anak na tigilan na ang pakikipaglandian doon sa unanong iyon! Kaso, matigas ang bungo noon! Tumatakas pa nga ‘yon sa’kin para lang makipagkita sa lalaking ‘yon!” inis na sagot ni Malou habang iiling-iling pa.
“Ano’ng balak mong gawin? Handa ka na bang magkaroon ng apong isang unano rin? Naku, nakakahiya ‘yon! Tiyak, ang pamilya niyo ang pag-uusapan ng mga tsismosa rito sa lugar natin!” tuloy-tuloy pa nitong sabi dahilan para lalo siyang magalit sa anak at bago pa man siya makasagot dito, bigla niyang naaninag sa gilid ng kaniyang mata ang kaniyang anak, “O, mare, ayan na ang anak mo, at kasama pa ang unanong iyon! Siguradong tampok na naman ‘yan sa tsismisan dito sa atin!” sambit pa nito kaya agad niyang nilapitan at hinila ang anak.
“Gina! Halika na, umuwi na tayo! At ikaw, lalaking unanong walang saysay ang buhay, huwag mong idamay ang anak ko sa kalokohan mo!” bulyaw niya sa unanong panay pa ang hila sa kamay ng kaniyang anak. Upang mapabitaw ito, tinadyakan niya pa ito saka sapilitang hinila ang anak pauwi.
Malayo ang loob ng ginang na si Malou sa kaniyang nag-iisang anak na dalaga. Bukod kasi sa pasaway ito at palaging nasasangkot sa anumang gulo na labis niyang ikinahihiya, hindi rin sila magkasundo kahit sa mga maliliit na bagay. Kahit sa simpleng pagpapasiya kung anong magiging ulam nila sa isang buong araw, o kahit anong sabong panlaba ang gagamitin nila sa paglalaba, sila’y palaging nagtatalong dalawa.
Ito ang dahilan para palagi niya itong sinisigawan, minamaliit at kung minsan pa, kapag dumadaloy na sa kaniyang ugat ang galit, kaniya itong napagbubuhatan ng kamay.
Palagi niya pang sermon dito, “Wala ka nang ginawang tama, Gina! Puro sakit sa ulo na lang ang ginagawa mo! Sana, sumama ka na sa tatay mo nang lumisan siya sa mundong ito!”
Kaya naman, ngayong tampok sa mga usap-usapan ang anak niyang ito dahil sa pakikipagrelasyon nito sa isang unanong kalalabas lang ng kulungan, lalo siyang nakaramdam ng galit dito.
Ilang beses niya man itong pagsabihan na wala itong maidudulot na mabuti sa magulo nilang buhay, titingnan lang siya nito saka iirapan na lalo niyang ikinaiinis kaya nasasaktan niya ito.
Nang araw na ‘yon, nang maiuwi na niya ang kaniyang anak sa kanilang bahay, agad niya itong tinulak sa pader.
“Puro sakit sa ulo at kahihiyan na lang ba talaga ang ibibigay mo sa akin, ha? Ilang beses ko ba sasabihin sa’yo na layuan mo ang unanong iyon?” sigaw niya rito habang inasabunutan ito. Laking gulat niya nang ngumisi lang ito at tumingin sa mga mata niya.
“Alam mo, mama, ang unanong palagi mong pinapahiya at minamaliit ay ang tanging taong nagmamahal at nagpapasaya sa akin bukod kay papa. Ikaw, hindi ka ba nahihiya na sa ibang tao pa naramdaman ng anak mo ang pagmamahal na dapat ikaw ang unang nagbibigay?” mahinahong sagot nito.
“Ako pa pala ang may kasalanan ng ugali mong iyan?” galit niyang tanong dito.
“Ikaw nga, at wala nang iba! Kung minahal mo lang ako kagaya ng pagmamahal sa akin ni papa noong nabubuhay pa siya, hindi ako magkakaganito. Hindi ako hahanap ng taong makakasangga ko sa malungkot at buhol-buhol kong buhay!” sigaw nito na labis na tumagos sa puso niya dahilan para siya’y mapatigil at ito’y pagmasdang umiyak.
Doon niya labis na napagtanto ang lahat ng pagkukulang niya bilang isang ina at sa unang pagkakataon, hindi niya alam kung bakit gustong-gusto niyang yakapin ang anak niya.
Sinunod niya nga ang tawag ng dadamdamin. Ito’y kaniyang niyakap at siya’y labis na nagulat nang gumanti ito nang isang mahigpit na pagkakayakap.
“Mama, napapagod na akong makipagbuno sa’yo araw-araw. Pakiusap, mahalin mo naman ako,” ngawa nito na labis niyang ikinaiyak.
Simula noon, siya’y nangako na sa anak na magiging isang mabuting ina. Sinuportahan niya ito sa lahat ng kagustuhan nito at pinag-aralang tanggapin ang nobyo nitong mabait at maaasahan naman pala.
Dito na tuluyang nawala ang pakialam niya sa sasabihin ng iba at mas binigyang pansin ang kaligayahan ng anak. Marami mang mata ang humuhusga sa kaniyang anak, pinagtatanggol at pinag-iingatan na niya ito ngayon.