
Labis na Napahiya ang Mag-Asawang ‘No Read, No Write’ sa Dinaluhan Nilang Pagtitipon; May Mas Matindi pa Palang Pasabog na Naghihintay sa Kanila
Ang mag-asawang sina Goryo at Tilde ay parehong ‘no read, no write’. Dahil sa hirap ng buhay ay hindi sila nakapag-aral ngunit kahit mangmang ang tingin ng iba sa kanila ay masipag at matiyaga naman sila. Kahit anong trabaho ay pinasok nila, ngayon nga ay nagne-negosyo sila. Ang pagbebenta ng sarili nilang gawang strawberry jam ang ikinabubuhay nila. Katulong nila sa pagpapatakbo nito ang kapatid sa ama ni Goryo na si Cleofe. Dahil nga wala silang pinag-aralang mag-asawa ay ang kapatid ang namamahala sa pagbebenta ng kanilang produkto. Matalino at nakapagtapos sa kolehiyo ang babae kaya ito ang nag-aasikaso sa lahat.
Mayroon silang dalawang anak. Ang panganay ay si Rina na nasa kolehiyo na noon nang umalis sa poder nila. Ayaw kasi nila itong payagan na makipagnobyo sa murang edad kaya nagrebelde ang dalagita at naglayas. Ilang taon na rin na wala silang balita sa suwail nilang anak. Ang bunso naman ay si Rea na nasa hayskul na. Iginagapang nila ang pag-aaral nito na sinusuklian naman ng dalagita ng matataas na grado sa eskwelahan.
Umaasa pa rin ang mag-asawa na muling magbabalik ang panganay nilang anak. Sa isip nila, sana ay nasa mabuti itong kalagayan. Ginawa naman nila noon ang lahat para mahanap ito ngunit tila ayaw na nitong magpakita pa sa kanila.
“O, bakit namumugto na naman ang mga mata mo?” tanong ni Goryo sa asawa. Napansin niya na namumula ang mga mata nito na halatang galing sa pag-iyak.
“Bakit kaya ayaw pang umuwi ni Rina rito sa atin? Nag-aalala na ako sa panganay nating iyon, Goryo. Baka kung napaano na siya, baka napariwara na, baka kung kani-kano na siya sumama. Kung anu-ano na tuloy ang naiisip ko,” wika ni Tilde.
Napabuntung hininga si Goryo, nagkaligaw-ligaw pa sila sa paghahanap noon. Nakarating pa sila sa Maynila limang taon na ang nakakalipas para lang hanapin ang anak ngunit wala silang napala. Ayaw nilang isipin na may masamang nangyari sa kanilang anak pero hindi maiwasan na sumagi iyon sa utak nila kapag nakakaramdam sila ng pangungulila. Pilit na lamang nilang isinasaks*k sa isip nila na maayos ang lagay nito kahit malayo sa piling nila.
“Hayaan mo na, Tilde. Darating ang araw na magbabalik din ang anak natin. Manalig ka lang sa Diyos. Nandyan pa naman ang bunso nating si Rea, siya ang pagtuunan natin ng atensyon,” sambit ni Goryo.
Napatango ang babae.
“Oo nga eh. Kung pati ang bunso natin ay mawawala pa’y baka hindi ko na kayanin pa. Mabuti na lamang at maayos naman ang takbo ng ating negosyo. Malaking tulong iyon sa pagpapa-aral natin kay Rea. Salamat kay Cleofe at tinutulungan niya tayo sa pagbebenta ng ating produktong strawberry jam. Kung tayo lang na dalawa ay hindi natin kakayanin dahil pareho tayong hindi nakapag-aral, ni hindi marunong bumasa at sumulat,” sagot ng asawa.
Ngunit lingid sa kaalaman nila ay matagal na silang niloloko ni Cleofe. Bukod sa nakukuhang parte sa kita, ang malaking bahagi ng benta ay kinukupit nito at palihim na inilalagay sa bangko. Ang kakarampot na natitira ay ang napupunta sa kanila. Hindi lang nila napapansin na ninanakawan sila ng babae dahil malaki ang kita sa kanilang negosyo.
“Iba talaga kapag matalino, naiisahan ang mga walang utak,” natatawang sabi ni Cleofe sa isip. “Salamat kay mama at hindi niya nagawang pag-aralin noon ang kapatid ko sa labas na si Goryo kundi ay hindi siya magiging mangmang at hindi ako magkakaroon ng maraming pera,” dagdag pa niya.
Nang sumakabilang buhay ang kanilang ama ay hindi pinag-aral ng kanyang ina ang kapatid kaya lumaki itong ‘no read, no write’. Laking malas din nito dahil ang napangasawa ay gaya rin nitong mangmang.
Isang araw ay isang liham ang natanggap nila. Nang basahin iyon ni Cleofe ay nanlaki ang mga mata nito sa tuwa.
“Ayon dito sa liham, may malaking kumpanya na gustong bilhin ang pag-aari sa produkto ninyong strawberry jam, ang pangalan, ang paraan kung paano ito ginagawa at karapatan sa pagbebenta nito. Bale, babayaran daw kayo ng isandaang milyong piso kapalit ng inyong negosyo. Bukod doon ay bibigyan pa kayo ng bahay at lupa na kasama sa offer nila. Hindi kayo talo, sa laki ba naman ng perang ibabayad nila ay maaari na kayong magtayo ng bagong negosyo. May kasama pang bahay at lupa, hindi na kayo magtitiyaga sa maliit na bahay na ito,” sabi ni Cleofe sa mag-asawa.
“H-ha? Totoo ba ‘yan, Cleofe? Isandaang milyong piso, bahay at lupa? Napakalaking halaga naman niyon! Mapag-aaral na namin sa magandang eskwelahan at siguradong makakapagtapos na sa kolehiyo ang bunso naming si Rea at mahahanap na ulit namin ang panganay naming si Rina. T-teka, bakit daw sa dinami-rami ng puwedeng bilhin, eh ang produkto pa naming strawberry jam?” tanong ni Tilde.
“Sabi sa liham, sobra raw nagustuhan ng may-ari ng kumpanya ang strawberry jam ninyong mag-asawa kaya gustong bilhin ang lahat ng karapatan sa pag-aari at pagbebenta. Kung ako sa inyo ay tanggapin na ninyo, yayaman na kayo. Mabibigyan na ninyo ng magandang kinabukasan si Rea at tiyak na mahahanap na ninyo si Rina,” payo ng babae.
“P-pero, parang hindi tama na ibenta natin ang negosyong matagal na nagbigay sa ating ng hanapbuhay,” kunot-noong tugon ni Goryo sa dalawa.
“Naku, kuya, saan ka makakapulot ng isandaang milyon? Diyos ko, kahit isang taon pa kayong magbenta ng strawberry jam ay hindi aabot ng ganoong kalaki ang kita ninyo. Sa halagang iyon ay puwede kayong magnegosyo ulit. Kung ako sa inyo ay huwag na ninyong pag-isipan pa,” sulsol pa ni Cleofe.
Wala nang nagawa pa sina Goryo at Tilde at pumayag na rin sila na ibenta ang pag-aari nilang produkto sa napakalaking halaga na ini-offer sa kanila ng isang kilalang kumpanya. Napilit sila ni Cleofe na gawin iyon. Tuwang-tuwa naman ang babae sa desisyon ng mag-asawa dahil magkakapera na naman siya. Sisiguruhin niya na sa kanya mapupunta ang malaking parte ng pagbebentahan dahil siya naman ang naghihirap at nagpapatakbo sa negosyo ng kanyang kapatid at asawa nito.
Agad silang nakipagkasundo at tuluyan nilang ibinenta ang kanilang negosyo. Nakatanggap din sila ng imbitasyon para sa gaganaping bentahan. Napag-alaman nila na ang kumpanyang bumili sa kanilang produkto ay kilalang kumpanya na nagbebenta ng mga canned goods at delicacies. Naglunsad ng party ang may-ari ng kumpanya upang pormal na ipakilala sa mga malalaki nitong kliyente ang nabiling produkto sa kanila. Sinabihan sila na kailangan nilang pumunta roon para personal nilang matanggap ang tseke na katunayan na ibinebenta nila ang pag-aari nilang produkto.
Nang puntahan nila ang lugar ay laking gulat nila.
“Aba, dito ba gaganapin ang party? Ang laking gusali naman nito at ang ganda!” manghang sabi Goryo.
“Napakayaman siguro ng may-ari. Nagawa pang magpa-party sa ganitong ka-class na lugar,” sabi naman ni Cleofe na hindi malaman kung saan titingin dahil sa ganda at lawak ng pinuntahan nila.
“Excited na ako sa party, itay,” sambit ni Rea na isinama nila.
“Nakakahiya naman, ‘di ko akalain na ganito ang pupuntahan natin. Sana ay mas maganda pang damit ang hiniram natin kina Aling Cora,” sabi naman ni Tilde.
Maya-maya lang ay narating na nila ang bulwagan. Inasikaso sila ng isang babae na nagpakilalang assistant ng may-ari. Sinamahan sila nito sa mga bakanteng upuan. Sinabi na may mahalaga raw munang announcement bago ibigay sa kanila ang tseke at titulo ng bahay at lupa na ipinangako nito. Halos manliit ang apat dahil ang mga taong naroon ay magaganda ang mga kasuotan samantalang sila ay nanghiram lang ng maayos na damit sa kapitbahay makadalo lang doon.
‘Di nagtagal ay isang lalaking speaker ang nagsalita sa harap gamit ang mikropono.
“Magandang araw sa inyong lahat na naririto ngayon lalung-lalo na sa mag-asawang Gregorio at Matilde Rivera, ang ‘no read, no write na mga negosyante,” wika nito.
Namutla ang mag-asawa sa pagkapahiya, napuno ng bulungan ang paligid. Lihim namang natawa si Cleofe sa sinabi ng speaker.
“Tama ang narinig ninyo, narito ang mag-asawang negosyante na bukod sa lumaki sa hirap ay hindi pa marunong bumasa at sumulat. Isipin ninyo, paano nila nagawang pasukin ang pagbebenta ng strawberry jam kung sila ay hindi man lang nakapag-aral? Kung ‘di pa sila tinutulungan ng kapatid ni Gregorio na si Cleofe na narito rin ay hindi mapapatakbo nang maayos ang kanilang negosyo,” sambit pa ng speaker.
Proud na proud naman sa kanyang sarili si Cleofe sa sinabi ng lalaki. Kung ang kapatid at hipag niya ay tila nilait nito, siya naman ay pinuri.
“Sino ba naman kasi ang magtitiwala sa kanilang produkto kapag nalaman na sila ay mga mangmang, ‘di ba? Kaya nga nang minsang umorder ang aming boss sa ibinebenta nilang strawberry jam at nagustuhan ito’y naisip niya na bilhin sa mag-asawang Rivera ang pag-aari at pagbebenta sa produkto nila at siya na ang mamamahala sa lahat dahil alam niya na mas makikilala pa at lalago ang negosyo kapag siya ang humawak. Ngayon ang product launch ng nabiling produkto. Tiyak niyang magugustuhan ninyo ang strawberry jam na pinakamasarap sa lahat ng jam na natikman niya. Narito ang mag-asawang Gregorio at Matilde Rivera upang tanggapin ang tsekeng ibabayad sa kanila na may kalakip pang titulo ng bahay at lupa na ipinangako rin ng aming boss. Siguradong matutuwa sila dahil ayon pa rin sa boss namin, sa buong buhay nila ay ngayon lang sila makakahawak ng napakalaking halaga,” saad pa ng speaker.
Napahikbi na ng iyak si Tilde habang si Goryo ay pinipigilan ang sariling maluha, nakatingin sa kanila ngayon ang lahat ng taong naroon. Hinatak ni Goryo ang asawa at anak, sinenyasan na rin nito si Cleofe na lingid sa kanila ay natutuwa pa sa pamamahiya sa kanila. Sinabihan niya ang mga ito na aalis na sila roon.
“Tara na, mapapahiya lang tayo rito. ‘Di ko akalain na napaka-walang puso ng may-ari ng kumpanyang ito at nagawa pa tayong ipahiya at insultuhin,” bulong ni Goryo sa mga kasama.
Palabas na sila sa bulwagang iyon nang magtuloy sa pagsasalita ang speaker.
“Ladies and gentlemen, magsasalita na ang may-ari ng kumpanyang ito, si Ms. Rinalyn Rivera.”
Sabay-sabay silang napalingon nang marinig ang pangalan ng may-ari. Kapangalan at ka-apelyido ng panganay na anak nina Goryo at Tilde.
Nanlaki ang mga mata nila nang makumpirma na ang anak nilang matagal nang nawawala at hindi nagpapakita at ang may-ari ng kumpanyang iyon ay iisa. Isa nang ganap na dalaga ang anak nilang si Rina. Muntik na nila itong hindi makilala dahil sa pananamit pa lamang nito ay mukhang nakaririwasa na sa buhay.
“R-Rina, anak? P-paanong…” nagtatakang sambit ni Goryo sa isip.
“Magandang araw sa inyong lahat. Ako si Rinalyn Rivera, ang may-ari ng kumpanyang ito. Ako rin ang panganay na anak ng mag-asawang ‘no read, no write’ na sina Gregorio at Matilde Rivera na siyang totoong nagmamay-ari ng produktong strawberry jam na nabili ko. Totoo ang sinabi ng speaker kong si Mr. Cruz na ang aking mga magulang ay lumaki sa hirap kaya nga hindi sila nakapag-aral at hindi marunong bumasa at sumulat. Tinuturuan ko naman sila noon na magbasa at magsulat kaso talagang mahina ang pag-intindi nila, pero pagdating naman sa kasipagan at pagiging madiskarte ay magaling sila kaya nga nagawa nilang igapang ang aming pag-aaral ng aking kapatid na si Rea dahil sa mga pagsisikap nila,” panimula ng dalaga.
“Ang produktong strawberry jam na naging pangunahing pinagkukunan namin ng ikinabubuhay ay sila ang may gawa. Ang totoo’y napakalaki ng kasalanan at pagkukulang ko sa kanila dahil umalis ako noon at naglayas. Naging mahigpit kasi sila sa akin noon, ayaw nila akong makipagrelasyon dahil bata pa raw ako at kailangang mag-aral muna. Dahil matigas ang ulo ko’y nagrebelde ako’t naglayas at ilang taong hindi nagpakita sa kanila ngunit ang ginawa kong iyon ay hindi ko pinagsisisihan dahil sa aking pag-alis sa poder nila ay natuto akong tumayo sa aking sarling mga paa. Napagtanto ko na tama ang mga pangaral nila sa akin na dapat ay makatapos muna ako ng pag-aaral bago ang anupaman dahil kung ipinilit ko ang kagustuhan ko noon ay hindi ko mararating kung nasaan ako ngayon. Kahit malayo sa piling ng aking pamilya ay binuhay ko ang aking sarili at iginapang ang aking pag-aaral. Nagtrabaho ako sa isang restawran noon bilang service crew sa gabi at sa umaga ay ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral, nakapagtapos ako sa kolehiyo at naging matagumpay na negosyante. Dugo’t pawis ang ipinuhunan ko hanggang sa maipatayo ang kumpanyang ito sa loob lamang ng ilang taon dahil gusto ko sa aking pagbabalik sa aking mga mahal sa buhay ay buong-buo na ako at may ipagmamalaki na,” dagdag pa nito.
“Kaya ‘Tay, ‘Nay, sa inyo po ang araw na ito. Ang lahat ng ito’y plinano ko. Kinasabwat ko ang aking assistant at staff na nagpakilalang speaker para ipakilala kayo sa mga taong narito. Ipagpatawad din ninyo ang mga sinabi nila, parte lamang iyon ng aking palabas. Ladies and gentlemen, ang mga magulang kong ‘no read, no write’ ay ang mga taong pinagkakautangan ko ng lahat-lahat at pinakamamahal ko. Labis-labis ko silang ipinagmamalaki sa inyo. Kung ‘di dahil sa kanila ay wala ako sa kinatatayuan ko ngayon. ‘Tay, ‘Nay, binili ko ang inyong produkto dahil gusto kong ako na ang mamahala at mag-asikaso sa pinaghirapan ninyong negosyo. Mula ngayon ay hindi na kayo magtatrabaho, wala na kayong aalalahanin pa ng aking kapatid. Ipapalasap ko sa inyo ang ginhawang hindi ninyo naranasan noon. Ako na ang bahala sa pagpapaaral kay Rea, titiyakin kong makakapagtapos din siya sa kolehiyo. Ang isandaang milyon na ibibigay ko’y para sa inyo. Puwede ninyong ilagak iyon sa bangko at gamitin kung saan ninyo gusto. Ang bahay at lupa naman ay inyo rin. Sa bahay na iyon na tayo titira, magkakasama-sama na tayo,” lumuluhang sambit ng dalaga.
Matapos magsalita si Rina ay nagsipalakpakan ang mga taong naroon sa bulwagan.
Hindi makapaniwala ang mga magulang niya’t kapatid at halos matumba sa kinatatayuan ng mga ito. Napanganga at natulala naman si Cleofe sa mga ibinunyag niya.
Patakbo silang niyakap ng dalaga. ”Patawad po kung ngayon lang ako nagpakita sa inyo. Hinding-hindi ko kayo kailanman kinalimutan dahil mahal na mahal ko kayo,” bulong nito.
Lumuluha siyang niyakap ng mga magulang at ng kanyang kapatid. Pinapatawad na siya ng mga ito at sinabing kalimutan na nila ang mga nangyari noon. Ipinagmamalaki rin siya ng mga ito sa mga naabot niya.
Binati rin siya ng kanyang tiyahing si Cleofe ngunit galit niyang hinarap ito.
“Akala mo tita ay hindi ko malalaman ang mga ginagawa mo? Ngayong narito na ako ay hindi mo na maloloko ang aking mga magulang. Bistado ka na! Hindi ka pala nila dapat pinagkatiwalaan,” wika ni Rina.
Isiniwalat ng dalaga ang ginagawang pangungupit ng tiyahin sa kita ng kanyang mga magulang sa negosyo. Ang ‘di alam ni Cleofe ay lihim siyang pina-imbestigahan ni Rina dahil nakita nito na malaki ang nawawalang pera sa mga isinumite nitong imbentaryo at mga report sa kanya. Kasama kasi iyon sa mga kailangang ibigay sa kanya oras na mabili niya ang pag-aaring produkto ng nanay at tatay niya. Kaya ayun, timbog ang tiyahin sa masama nitong gawa.
Laking pagkapahiya at pagsisisi ni Cleofe sa ginawa niyang panloloko at pagnanakaw sa mag-asawa. Pagbabayaran niya tuloy ang mga iyon sa piitan.
Sa ngayon ay masaya nang namumuhay na magkakasama ang pamilya ni Rina. Nang makatapos ang kapatid niya sa pag-aaral ay ito na ang katuwang niya sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo.