
Nagmamadali ang Lalaki Dahil Sosorpresahin Niya ang Ina sa Kaarawan Nito; Isa Palang Naiibang Selebrasyon ang Pupuntahan Niya
Maagang nagising si Chester. Hindi pa tumutunog ang kaniyang alarm clock ay bumangon na siya sa kama at pumunta na sa kusina upang maghanda ng almusal para sa kaniyang asawa.
Pagkatapos makapagluto ay inayos na niya ang mesa. Sinimulan na niyang maligo at nagbihis na rin. Sinulyapan niya ang sarili sa salamin at nang makitang napaka-guwapo na niya ay saka dinampot ang pumpon ng mga bulaklak at regalo sa ibabaw ng sofa. Kinuha rin niya sa tokador ang gitara niya na matagal na niyang hindi nagagamit. Hindi na niya sasabayang kumain ang misis niyang si Malia dahil ayaw niyang mahuli sa pupuntahan niya.
“Sweetheart, alis na ako ha?” paalam niya sa asawa na kakagising lang.
Nilapitan siya nito at hinaplos ang pisngi niya.
“Ready ka na talaga, sweetie?” tanong nito.
“Yes, sweetheart. Ako pa ba? Ayokong ma-late sa espesyal na araw ni mama,” nakangiting sabi ni Chester.
Napabuntung-hininga ang babae. “Ikaw lang naman ang inaalala ko kasi…”
“Pinag-usapan na natin ito, ‘di ba? Wala kang dapat na ipag-alala. You know mama. Ayaw niya na nahuhuli sa mga mahahalagang okasyong gaya nito. Tiyak na magtatampo na iyon kapag hindi na naman ako nakapunta. Niyayaya kita pero ayaw mo namang sumama. Matutuwa si mama kapag nakita ka, alam mo naman na very close kayo noon pa. Sige na, sweertheart, una na ako. Love you, see you later,” malambing na wika ng lalaki sabay halik sa pisngi ng asawa.
“O-okay, p-pero mag-iingat ka ha? Ikumusta mo na lang ako kay mama, ibati mo na rin ako sa kanya,” sagot ni Malia sa kanya na niyakap pa siya bago lumabas ng bahay.
Kahit kinakabahan ay nilakasan ni Chester ang loob bago sumakay sa kanyang motor.
Nangingnig ang mga kamay niya habang pinapaandar ang sasakyang iyon. Maya-maya ay napatakbo naman niya ang motor nang maayos.
“Sana ay hindi mainip si mama sa paghihintay. Sana ay hindi siya magalit sa akin dahil ngayon lang ulit ako makakapunta,” bulong niya sa isip.
Ilang minuto pa ay naroon na si Chester kung nasaan ang mama niya. Sabik na siya na muling makita ang ina. Ang araw na iyon ay ang ika-limampu’t pitong taong kaarawan nito. Itinabi niya ang motor sa gilid ng daan bago tuluyang naglakad bitbit ang pumpon ng mga bulaklak na rosas na paborito ng mama niya at isang espesyal na regalong binili pa niya sa mall nung nakaraang araw. Nakasukbit naman ang gitara sa likod niya para sa gagawin niyang intermission number. Siguradong matutuwa ang mama niya sa sorpresang inihanda niya sa kaarawan nito. Ilang taon din siyang hindi nakapunta sa mga nagdaang kaarawan nito kaya gusto niyang bumawi.
Habang naglalakad ay naalala niya kapag nagseselebra ng kaarawan ang ina. Hindi nawawala ang mga masasarap na pagkaing iniluluto nito. Paborito niya ang kare-kare at menudo na specialty ng mama niya kapag may mga handaan. Mahusay kasi itong magluto na dating chef sa isang kilalang restawran. Huminto lang ito nang makapagtapos siya sa kolehiyo dahil ayaw na niyang pagtrabahuhin ang ina. Nang maagang pumanaw ang kanyang ama ay ang ina na ang pumasan sa lahat ng responsibilidad. Ito ang naghahanapbuhay para mapagtapos siya sa pag-aaral. Para matulungan ang ina ay sinubukan niyang mag-working student ngunit pinigilan siya nito.
“Hindi mo kailangang gawin iyan, anak. Ang gusto ko’y pagtuunan mo ng pansin ang pag-aaral mo. Hayaan mo na ako ang gumawa ng paraan para sa ating dalawa,” anito.
“Pero mama, gusto kitang tulungan. Huwag mong akuin lahat, ayokong napapagod ka, mama,” sagot niya sa ina.
Hinaplos nito ang pisngi niya. “Ang anak ko talaga! ‘Di baleng mapagod ako kung para naman sa kinabukasan mo, anak, lahat ay gagawin ni mama,” sabi nito.
Napangiti si Chester habang inaalala ang nakaraan hanggang sa marating na niya ang lugar kung saan niya sosorpresahin ang mama niya.
“Mama, narito na po ako! Sorry po kung ngayon lang po ulit ako nakapunta sa special day mo,” wika niya.
Inilabas na niya ang gitara sa lalagyan at sinimulang tugtugin iyon. Sinabayan din niya ng pagkanta ng awiting ‘Iingatan ka’.
Habang umaawit ay ‘di niya namalayang tumutulo na ang kanyang mga luha. Kinuha niya ang pumpon ng mga bulaklak at ang regalong ipinatong niya muna sa lapag saka inilahad iyon sa harap ng kanyang ina. Matapos ang pinaghandaan niyang performance para sa mama niya ay binati na niya ito.
“Happy 57th birthday mama,” bulong niya sa harap ng lapida nito.
Wala na ang mama ni Chester na si Noemi.
Binuksan niya ang regalo at inilabas sa kahon ang binurdahang shoulder bag na matagal nang gustong bilhin ng mama niya sa mall nung nabubuhay pa ito. Dahil sobrang matipid ay hindi mabili-bili ng kanyang ina ang bag kaya siya na ang bumili. Tiyak na tuwang-tuwa ito sa sorpresa niya.
“O, ayan, mama. Kulay pink talaga ang binili ko. ‘Di ba ‘yan ang favorite color mo?” naluluha niyang sabi.
Apat na taon na ang nakakaraan nang maaksidente silang dalawa habang nakasakay sila sa kanyang motor. Ang motor na iyon ay regalo sa kanya ng mama niya. Matagal nitong pinag-ipunan ang motor na ibibigay sana nito sa mismong graduation niya pero ibinigay na lamang nito iyon matapos ang kasal nila ni Malia. Wedding gift ng mama niya sa kanya. Bilang pasasalamat ay isinakay niya ito sa motor at ipinasyal ngunit binangga ng rumaragasang kotse ang kanilang sinasakyang motor. Agaw-buhay siyang isinugod sa ospital habang ang mama niya ay hindi na umabot pa.
Ang totoo, ilang taong sinisi ni Chester ang sarili sa pagpanaw ng kanyang ina kahit pa wala naman siyang kasalanan dahil aksidente iyon, walang may gusto sa nangyari. Mula noon ay palagi na siyang tulala at hindi makausap. Umabot pa sa punto na inilapit na siya ng kanyang asawa sa isang mental institution ngunit dahil na rin sa pagtitiyaga nito at labis na pagmamahal sa kanya ay gumaling siya at bumalik sa dati niyang pag-iisip. Masakit pa rin sa kanya ang pagkawala ng mama niya kaya nga hindi na niya magawang sumakay ng motor dahil nagkaroon na siya ng trauma. Kaya nga ganoon na lang ang panginginig niya kanina at pag-aalala ng kanyang asawa sa pag-alis niya gamit ito. Ilang taon din niyang hindi nabisita ang ina sa sementeryo dahil nahihiya siyang humarap sa puntod nito dahil pa rin sa nangyari.
Ngunit isang gabi ay nagpakita sa kanya ang mama niya sa panaginip. Sinabi nito na huwag na niyang sisihin ang sarili. Lakasan daw niya ang kanyang loob at ipagpatuloy ang buhay dahil may mga tao pa rin namang naiwan at nagmamahal sa kanya. Lagi raw niyang tandaan na hindi naman ito umalis, palagi itong nasa puso at isip niya.
“Alam kong masaya ka na kung nasaan ka ngayon, mama. Huwag ka na pong mag-alala sa akin. Mula ngayon ay kakayanin ko na ulit na humarap sa mundo nang may ngiti. Darating ang panahon na magkikita ulit tayo nina papa. I love you and I miss you, mama. Ikumusta mo na lang ako kay papa riyan sa heaven ha?” sambit pa niya.
Masakit ang mawalan ng mahal sa buhay ngunit pakatandaan na palagi silang mananatiling buhay sa isip at puso natin.