Ginamit ng Lalaki ang Kaniyang Talino upang Maging Nobya Niya ang Tatlong Naggagandahang Dilag; Siya rin pala ang Magsisisi sa Huli

Si Victor na yata ang tinaguriang pinakamatalinong estudyante sa kanilang paaralan, bukod pa roon ay mula rin siya sa isang mayamang pamilya. Dahil doon ay marami siyang kaibigan at hinahangaan siya ng maraming estudyante kahit na hindi naman siya kaguwapuhan.

Ngunit ang lahat ng iyon ay hindi sapat para sa kaniya… dahil ang pangarap ni Victor ay ang makuha ang tatlo sa pinakamagagandang babae sa kanilang eskuwelahan. Ang magkakaibigang sina Shane, Kyla, at Princess. Kilala rin ang mga ito sa kanilang eskuwelahan dahil sila lang naman ang pinakamagagandang cheerleaders ng basketball team kung saan kailan man ay hindi naging kwalipikadong manlalaro si Victor.

Matangkad naman sana siya, kung wala nga lang siyang hika’t hindi sana mahina ang katawan niya’y natanggap na sana siya. Tuloy ay hindi siya nagkaroon ng anumang pagkakataon para mapalapit sa tatlong babaeng kaniyang pinapantasya unang taon pa lamang nila sa senior highschool. Ngunit isang araw, hindi inaasahan ni Victor na dahil lang sa kaniyang katalinuhan ay mapapasakaniya ang tatlong babaeng ni sa panaginip ay hindi niya inakalang makukuha niya!

Henyo kung maituturing si Victor pagdating sa paggamit ng computer. Halos lahat na yata ay kaya niyang gawin pagdating sa nasabing aparato. Halos lahat… kabilang na ang pagkakaroon ng full access sa sistema ng kanilang pribadong eskuwelahan kung saan malaya niyang mapapalitan ang mga recorded files ng kanilang mga guro sa kahit na sinong estudyanteng nag-aaral doon!

Noong una ay ginagawa lang naman ni Victor ’yon bilang isang libangan, lalo na kapag siya ay nag-iisa. Minsan ay pinaglalaruan niya ang mga record doon upang ibagsak ang ilang estudyanteng hindi niya gusto sa paaraan nila.

Ngunit nabago ang lahat nang isang araw ay maabutan niya sina Shane, Kyla, at Princess sa isang bakanteng classroom na umiiyak…

“O-okay lang ba kayo?” naitanong niya sa tatlo. “Napadaan kasi ako at nakita kong umiiyak kayo… may problema ba? Baka makatulong ako,” sabi ni Victor sa kanila.

“Bagsak kaming lahat sa exam namin. Sigurado kami doon dahil pare-pareho kaming hindi nag-aral. Hindi naman namin akalain na sa susunod palang card showing ay ang mga magulang na namin ang pupunta para lang i-check kung totoo ba ang naririnig nilang tsismis na naglalakwatsa lang kami at hindi nag-aaral! Siguradong lagot kami!” umiiyak pang sumbong ng mga ito.

Advertisement

Sa narinig ay napangiti naman si Victor. “Mukhang may alam akong solusyon sa problema n’yong ’yan, girls, kaya lang ay hindi ko kayang ibigay ’yon nang libre,” sagot niya naman na halos mapunit na ang labi sa kaniyang pagkakangisi.

“Ano ’yon, Victor? Please, tulungan mo kami… gagawin namin ang lahat para lang pumasa kami, pakiusap!” umiiyak na pagsumamo naman nito.

“Simple lang. May access lang naman ako sa system ng eskuwelahan natin kaya naman kayang-kaya kong palitan nang tama ang mga sagot na naroon sa exams n’yo, kapalit ng kondisyong papayag kayong maging nobya ko. Kayong tatlo!” sabi niya na humalakhak pang animo kontrabida sa pelikula.

Nagkatinginan naman ang tatlong babae kaya bahagyang kinabahan si Victor. Ang plano niya, kapag hindi nagustuhan ng mga ito ang kaniyang sinabi ay magpapanggap siyang nagbibiro. Ngunit hindi niya inaasahang papayag ang mga ito sa kaniyang kagustuhan!

Dahil doon ay talagang tinupad ni Victor ang kanilang usapan. Kapalit ng pagiging magnonobyo nilang apat ay ang magagandang grado ng mga ito sa eskuwelahan! Naging napakalaking usapan sa kanilang paaralan ang nangyayari sa pagitan nilang apat na bagama’t pinandidirihan ng iba ay kinaiinggitan naman ng maraming kalalakihan sa eskuwelahan nila!

Biruin mo ba namang naging nobya niya ang tatlong naggagandahang babaeng ito nang dahil lang sa kaniyang talino! Nagpakasaya si Victor sa kaniyang kalokohan na tumagal din naman ng ilang buwan… ngunit wala talagang sikretong hindi nabubunyag kahit gaano mo pa ito ingatang itago.

Isang araw kasi, habang nag-uusap sina Victor, Shane, Kyla, at Princess tungkol sa pag-access nila sa kanilang mga exams ay hindi inaasahang narinig sila ng isa sa kanilang mga kaeskuwela na agad namang ini­-record ang kanilang ginagawa’t mabilis na ini­-report iyon sa management ng kanilang eskuwelahan.

At nang magkakomprontahan, siya lamang ang itinurong salarin nina Shane, Kyla, at Princess na nagpanggap pang biktima ng pamimilit niya ’di umano sa kanila na pumayag sa ganoong kalokohan! Dahil doon ay napatalsik si Victor at napalipat na lang sa ibang eskuwelahan para sa mga katulad niyang pasaway bilang parusa! Doon ay siguradong magtatanda siya.