
Isang Isyu ang Pumutok Ilang Araw Bago ang Kasal; Matuloy Pa Kaya ang Kanilang Sumpaan?
Nangingilid ang luha ni Sunshine habang nakatitig sa magarbong damit na kulay na kaniyang susuotin sa araw ng kanilang kasal ng pinakamamahal niyang nobyo na si Marcus. Sa tagal kasi ng siyam na taon nila bilang magkasintahan, sa wakas ay matutupad na rin ang pangarap niyang maikasal sa binata. Pakiramdam niya ay umpisa na ito ng walang hanggang wakas nila bilang mag-asawa.
Dalawang linggo na lamang bago ang kasal, pakain-kain na lang ang magkasintahan sa isang mamahaling kainan dahil muli na namang na-promote si Marcus sa kaniyang trabaho. Tuwang-tuwa ang dalawa dahil pareho silang maganda ang trabaho, nakapagtapos, at may naipundar na rin sa kani-kanilang mga pamilya. Ayos na sana ang lahat, isa palang sakuna ang titibag ng kanilang pagsasama.
Isang umaga, madaling araw pa lamang ngunit bumangon na si Sunshine dahil marami siyang kailangang tapusin sa opisina. Isang linggo rin kasi siyang mawawala pagkatapos ng kasal kasama ni Marcus. Nagtuloy-tuloy ang mahabang araw ng dalaga sa bahay, sa opisina at ang pakikipag-usap kay Marcus kung sakaling libre siya.
Pagod na pagod ang katawan at utak ni Sunshine nang matapos ang mahabang araw na iyon para sa kaniya. Umuwi siya at agad na naligo at saka tuluyang humiga sa kaniyang kama. Maaga siyang nakatulog habang hinihintay ang mensahe ng kaniyang nobyo.
Kinabukasan, isang mensahe ang ikinagulat ng dalaga. Sa halip na matamis na bati mula kay Marcus ang matanggap, isang malamig na mensahe ang kaniyang nabasa.
“I-delay muna natin ang kasal…” ang maikling mensaheng nagpaguho ng kaniyang pangarap.
Agad niyang tinawagan at pinadalhan ng mensahe ang nobyo subalit wala ito ni isang sagot. Patuloy ang paghahanap ni Sunshine ang sagot kung bakit nga ba hindi itutuloy ang kasal. Ngunit walang Marcus na sumasagot. Kahit na puntahan niya ito sa bahay, palagi itong wala at kung minsan naman, tulog at nakasarado ang pintuan ng kwarto. Hindi na niya maintindihan ang nangyayari. Ang pumasok sa kaniyang isip, marahil ay ayaw na nito sa kaniya na nagpadurog ng kaniyang puso.
Isang araw, nakasalubong ni Sunshine ang kapatid ni Marcus sa isang mall. Umiwas ito ng tingin sa kaniya na wari hindi siya nito nakita. Ngunit nilapitan at binati niya ito. Nang hawakan niya sa braso, mabilis nitong itinanggal ang kaniyang kamay mula sa pagkakahawak niya.
“Wala akong kilalang manloloko!” galit na wika nito sa kaniya na ikinagulat naman niya. Papaalis na sana ang kapatid ni Marcus ngunit hinabol niya ito dahil nais niyang malaman ang rason kung bakit nito iyon nasabi. Dito niya napag-alaman na nalaman ni Marcus ang kaniyang pagtataksil noong nakaraang taon. Iyon ay noong mga panahong may pagkakalabuan sila. Isang malaking pagkakamali na itinago niya dito dahil natatakot siya. Ngayon nga ay naisiwalat na iyon.
Kumabog ang kaniyang dibdib at mabilis na pinuntahan ang bahay ni Marcus. Subalit tulad nang dati, hindi ito nasagot sa kaniya. Nasa loob lamang ito ng kaniyang silid. Habang siya naman, patuloy siyang humihingi ng tawad at nagmamakaawa sa nobyo. Subalit matigas pa rin si Marcus na hindi man lang siya kinaharap kahit na isang beses.
Tatlong araw bago ang itinakdang kasal, hinubad na ni Sunshine ang singsing na ibinigay ng kaniyang nobyo. Tanda ito na suko na siyang babalik pa sa kaniya ang binata. Hindi na matutuloy ang kasal dahil sa kaniyang kagagawan. Muling tumulo ang luha ni Sunshine hindi dahil sa tuwa kung hindi dahil sa labis na lungkot at pagsisisi.
Kinabukasan na ang itinakdang araw ng kaniyang kasal, muling itinayo ni Sunshine ang sarili. Habang nakatingin sa magarbong damit na susuotin, napangiti na lamang siya habang naisip ang lahat ng kabutihan na natanggap niya mula kay Marcus. Kasunod nito ay ang mga luha ng pagsisisi. Mabilis niyang inayos ang sarili at handa ng itupi ang damit at itago sa aparador. Nang marinig niya ang katok sa pintuan, agad niyang pinunasan ang luha at inayos ang sarili dahil marahil nanay niya iyon.
Nang buksan ang pinto, gulat siya nang sumiwalat sa kaniyang harapan ang mukha ng kaniyang dating nobyo! Muli siyang naluha at mahigpit na niyakap ang binata. Nang araw na iyon, bukas ang dalawa na sabihin ang buong katotohanan sa isa’t isa. Inamin ni Sunshine ang lahat ng kaniyang pagkukulang at humingi ng tawad sa lahat ng kaniyang pagtataksil sa nobyo. Napuno ng luha ang silid kung saan nag-uusap ang dalawa. Sa harap ng singsing na hinubad ni Sunshine, sa harap ng damit na kaniyang susuotin, muling lumuhod si Marcus at inaya ng kasal ang dalaga.
“Higit pa sa pagtataksil mo ang pagmamahal ko sa’yo…” habang lumuluhang wika ng lalaki sa kaniyang mahal na kasintahan. “Nalaman ko rin ang totoong katotohanan na lasing ka noong gabing iyon. Nakakababa man sa iba ngunit alam kong mas gusto kitang patawarin tulad ng ginawa mo para sa akin ng paulit-ulit noon.”
Hindi naman nagpaligoy-ligoy pa si Sunshine at muli niya itong sinagot. Sa pagkakataong ito, walang taksilan, walang pagtatago, kundi sumpaang hanggang wakas ay magsasama sila. Minsan pinipilit nating itago ang pagkakamali natin sa mga taong mahalaga sa atin, sa pag-aakalang mabubura noon ang pagmamahal nila. Natutunan ng dalawa na ‘di sila perpekto at dapat tulungan ang isa’t isang magbago, kaysa sumuko.