Kung Kailan Pandemya ay Saka pa Raw Nanlalaki ang Misis Niya; Matutulala Siya sa Matutuklasan

Kung Kailan Pandemya ay Saka pa Raw Nanlalaki ang Misis Niya; Matutulala Siya sa Matutuklasan

HeartbreakingLoveStories

“Pare, anong mayroon at bigla ka yatang nagyaya ng inuman at dito pa talaga sa inyo? Mukhang hindi ka na takusa ngayon!” bati ni Red, kabarkada ng lalaki, sabay hawak sa basong puno ng alak.

“Gusto ko lang ng makakausap, nauumay na ako sa sitwasyon namin dito sa bahay. Ang hirap ng ganitong pandemic, hindi ako makagala! Mas mahirap pa nito, araw na araw na lang ang away at ang hirap makipag-ayos sa asawa!” baling ni Patrick sa lalaki.

“Pare-parehas lang tayo ng problema kung asawa ang pag-uusapan natin! Lahat sila nagiging matampuhin kung kailan naman nasa bahay na lang tayo,” natatawang sagot ni Red sa kaniya.

“Pare, sa totoo lang iba ‘yung sa amin ni misis. Hindi ko na alam kung saan nag-umpisa pero kilala mo naman ako ‘di ba, kapag may away hindi talaga ako umiimik. ‘Yun na talaga ako! Pero simula yata nitong mag pandemic at hanggang ngayon magpapasko na ay hindi kami nag-iimikan ng asawa ko,” siwalat ni Patrick sa kaibigan.

“Hindi ko maintindihan, nag-uusap naman kami kapag nandito sa bahay pero pag nasa loob na kami ng kwarto para kaming hindi magkakilala. Nabibingi na ako sa katahimikan!” dagdag pa nito.

“Buti nga ‘yang sa’yo tahimik, ‘yung sa akin parang machine gun!” natatawang saad ni Red sa kaniya.

“Pero alam mo, pare, ang hindi ko kayang isipin ay ang magkaroon ng lalaki si misis. Halos dalawang buwan na rin ang nakakalipas simula nang maglalalabas siya ng bahay. Simula nung nanganak ‘yun sa anak namin tanging palengke lang ang lakwatsa pero ngayon may mga araw na aalis siya at bihis na bihis pa. Tinatanong ko naman kung pa-saan siya pero lagi niya lang sinasabi sa akin ay day off niya raw ngayon,” wika pang muli ni Patrick.

“Pare, baka naman nagliliwaliw lang talaga siya. Isa pa, pandemic ngayon, mahiya naman siya kung manlalaki pa siya e nakatira siya kasama ng mga pamilya mo,” pahayag naman ni Red sa kaniya.

“Pero para matahimik ka, sundan mo. Pwedeng-pwede naman basta ihanda mo lang ang sarili mo kung may kutob ka mang ganiyan,” dagdag na pahiwatig ng kaniyang kabigan.

Sa mga sandaling iyon ay nabuo ang loob ni Patrick, susundan niya ang kaniyang asawa para matapos na kung ano man ang hinala na mayroon siya sa kaniyang puso.

Kaya naman sa mga sumunod na araw ay tahimik niyang pinagmamatsagan ang kaniyang misis. Hindi pa rin sila nag-iimikan nito sa hindi niya malamang kadahilanan at alam niyang baka ano mang oras ay makipaghiwalay na lang sa kaniya ang babae at sumama na ito sa ipapalit sa kaniya.

Hanggang sa nakahanap siya ng pagkakataon at sinundan nga niya ang kaniyang misis. Nakita niyang pumasok ito sa klinika at tanging pangalan lamang ng doktor ang nakasulat sa tabi ng pinto.Masyado siyang binabagabag ng kaniyang imahinasyon at malakas ang kaniyang pakiramdam na ito na ang lalaki ng kaniyang asawa. Alam niyang walang sakit na ano pa man ito kaya imposibleng nagpunta ang babae para lamang magpakonsulta.

“Patrick? Anong ginagawa mo rito?” gulat na tanong ni Janica, ang misis ng lalaki.

“Ikaw ang dapat kong tanungin niyan, ito ba ang dahilan mo kung bakit ka palaging umaalis na bihis na bihis sa atin? Balak mo akong ipagpalit sa doktor?” bulalas ni Patrick nang pagbuksan siya ng pinto ng doktor.

Hindi nagsalita si Janica at umiyak na lamang ito saka umalis. Susundan naman sana kaagad ito ni Patrick ngunit pinigilan siya ng doktor at sinabi sa kaniya ang katotohanan.

Tulala at parang naglalakad sa hangin ang lalaki sa kaniyang pag-uwi. Kaagad niyang pinuntahan ang asawa sa kwarto na nakatulala lang din.

“Bakit hindi mo sinabi sa akin?” basag ni Patrick sa katahimikan nilang dalawa.

“Kasi napagod na ako, napagod na ako sa pagsasalita, sa pagpapaliwanag, sa paghingi ng atensyon mo pero wala. Pagod na pagod na ako, Patrick, sa ganitong sitwasyon natin. Hindi tayo nag-iimikan na parang mas ayos pa sa’yo hanggang sa hindi ko na kinaya, patawarin mo ako pero hindi ko na talaga kaya,” iyak ni Janica sa kaniya.

“Akala ko ayos tayo, akala ko galit ka lang kaya hindi ka umiik, hindi ko naman lubos akalain na malalim na pala ang naibibigay kong sugat sa’yo. Patawarin mo ako, Janica, mahal na mahal kita at gusto kong malaman mo ‘yun!” wika ni Patrick at niyakap niyang muli sa unang pagkakataon ang kaniyang asawa.

Ipinaliwanag ng doktor na nagpakonsulta para sa marriage counseling ang kaniyang misis. Labis na depresyon na rin ang nararamdaman nito at dumating na sa puntong gusto na niyang tapusin ang kaniyang buhay. Buong akala ni Patrick na may tampuhan lamang silang mag-asawa kaya naman hindi nagsasalita ang babae ngunit napagod na pala itong makipagtalo, pakiramdam din ng babae na kailangan ng tapusin ang relasyon nila dahil hindi na makahinga pa si Janica sa malamig na pakikitungo ng kaniyang asawa. Samantalang sa kabilang banda naman ay wala lamang ang lahat kay Patrick at pinaghinalaan niya pa ito. Para sa lalaki ay nakakaumay ang araw-araw nilang pagkikita sa bahay kaya naman hinayaan na lamang niya si Janica sa kung ano mang pakikitungo ang ipakita sa kaniya nang hindi napapansin na may mas malalim na problema.

Pagkatapos ng pag-uusap nila ay nagkusang sumama si Patrick sa marriage counseling at sabay na silang nagpatingin. Para sa kaniya, wala mang problema ngunit kung ito ang magpapasaya sa kaniyang misis ay ginawa niya. Hindi kalauna’y maraming natutunan si Patrick tungkol sa kanilang dalawa. Mas naintindihan din niya ang babae at mas naintindihan din ni Janica ang mga bagay na noon ay hindi niya malaman ang kasagutan.

More Stories