
Bulakbol at Tila Wala nang Pag-asa sa Buhay ang Binata; Darating ang Isang Babae na sa Kaniya ay Magpapabago
“Hindi ka na ba talaga magtitino, ha? Paano ka na lang kapag wala na kami ng ama mo?!” bulyaw sa kaniya ng kaniyang ina dahil nalaman nilang napaaway na naman siya sa eskuwela.
“Wala naman akong kasalanan doon, Mama! Siya ang unang sumuntok sa akin, ginantihan ko lang! At pwede po ba? Huwag ninyo akong sigawan, hindi ako bingi!”
“P’wede bang gayahin mo na lang ang kuya mo? Nag-aaral ng mabuti, hindi nakikipagbasag-ulo at hindi nagbibigay ng problema sa amin ng papa n’yo!” Napapahilot sa kaniyang sentido si Aling Sonia.
“Edi siya na ang magaling! Siya naman lagi ang tama sa paningin ninyo, ’di ba?! Siya na lang din ang anak n’yo!”
Tinalikuran ni Christian ang kaniyang ina at padabog na nagtungo sa kaniyang kwarto.
Bago magsimula ang klase nila kinabukasan ay ipinakilala muna ni Mrs. Agaser—guro nila sa mathematics—ang bago nilang kaklaseng si Kim. Pagkatapos ay pinaupo ito ni Mrs. Agaser sa tabi ni Christian. Nagsimula ang klase at dumating na ang lunch break. Agad na nagtungo si Christian sa likod ng school. Kanina kasi ay inutusan siya ng kanilang guro na linisin ang lugar na iyon bilang parusa sa pagkakasangkot niya na naman sa away kahapon.
Ngunit walang balak sumunod si Christian, bagkus ay balak niyang doon dumaan upang makalabas ng eskuwelahan at nang siya ay makapag-cutting classes… ngunit nang tangkang tatalon na si Christian sa bakod ng kanilang eskuwelahan ay may isang kamay na humila sa kaniyang braso!
“Saan ka pupunta?” agad na tanong ni Kim sa kaniya. Ito ’yong bago nilang kaklase.
“Wala kang pakialam. Umalis kana nga dito at baka mahuli pa tayo ni Mrs. Agaser!” angil naman niya kay Kim.
“Sasama ako sa ’yo…”
“Hindi pwede!” Agad na tumutol si Christian sa tinuran ng bago niyang kaklase.
Ngunit mukhang hindi papatalo si Kim at agad itong nagbanta. “Kapag hindi mo ako isinama, isusumbong kita kay Mrs. Agaser!”
Kunot-noong napabuntong-hininga na lang si Christian, tanda ng kaniyang pagsuko. Agad niyang hinila ang kamay ni Kim at isinama sa kaniyang pagpuslit.
“Ang saya pala nitong gawin, ano?” masayang sabi ni Kim kay Christian na agad na ikinakunot ng noo ng binata.
“Ano’ng masaya sa pagka-cutting, e, wala ka ngang matututunan dito?” iritableng aniya sa kasama.
“Ngayon ko lang kasi nagawa ’to, e. Noon kasi, paulit-ulit lang ang routine ko araw-araw,” malungkot namang saad ng dalaga hanggang sa biglang mabaling ang tingin nito sa mga nagbebenta ng street foods sa gilid ng daan. Naisipan niyang ilibre si Christian bilang pasasalamat dahil isinama siya nito kahit na alam niyang mali ang kanilang ginawang pagtakas sa eskwelahan.
Naging mabuting magkaibigan ang dalawa simula nang araw na iyon at kalaunan ay parehong nagkamabutihan. Hindi nagtagal ay niligawan ni Christian si Kim na kalaunan ay sinagot din ang binata ng isang matamis na “oo”.
Ang totoo, noong una ay tutol ang mga magulang ni Kim sa pakikipagmabutihan nito binatang si Christian dahil nga sa reputasyon nito. Ngunit tila habang tumatagal ay nagkakaroon ng pagbabago sa pagkatao ni Christian. Kung iisipin ay napakaimposible dahil ito na yata ang estudyanteng may pinakamatigas na ulo noon sa kanilang eskuwelahan.
Simula nang dumating si Kim sa buhay ng binata ay tila nagkaroon siya ng direksyon sa buhay. Marami siyang naging realisasyon na talaga namang nakatulong upang siya ay magbago at mas maging mabuting anak sa kaniyang mga magulang.
Saksi ang lahat kung papaano binago ng pag-ibig ang dating rebeldeng si Christian, kaya naman kalaunan ay nagkaroon siya ng pagkakataong patunayan ang kaniyang sarili sa mga magulang ni Kim.
Sino ang mag-aakalang ang dati palang basagulero at bulakbol na si Christian ay aakyat sa kanilang entablado upang tumanggap ng parangal bilang sixth honorable mention sa araw ng kanilang pagtatapos na magtutuloy-tuloy pa hanggang sa pagtatapos din nila ng kolehiyo?
Wala, ngunit hindi naging imposible ang lahat. Salamat sa kapangyarihan ng pag-ibig, pati na rin sa patuloy na paggabay ng mga magulang nila upang pareho silang ituro sa tuwid na daan.
Sa paglipas ng panahon, makatapos makatulong sa kani-kaniyang mga magulang ay nagpasiya nang bumuo ng sarili nilang pamilya sina Kim at Christian. Dala ang mga aral na natutunan nila sa kanilang mga karanasan na siguradong ibabahagi rin nila sa kanilang mga anak upang magsilbing leksyon at inspirasyon.