Inday TrendingInday Trending
Pinabayaan ng Magkapatid ang Kanilang Tiyuhin na Siyang Nag-aruga sa Kanila nang Sila ay Maulila; Matinding Pagsisisi ang Kanilang Aabutin sa Huli

Pinabayaan ng Magkapatid ang Kanilang Tiyuhin na Siyang Nag-aruga sa Kanila nang Sila ay Maulila; Matinding Pagsisisi ang Kanilang Aabutin sa Huli

“Bankrupt?” kunot na kunot ang noong tanong ni Joey sa abogado ng kaniyang Uncle George matapos nitong ipaalam sa kanila ng kaniyang Ate Joanna na ngayon ay kailangan na nilang buhayin ang kanilang tiyuhin dahil wala na itong anumang natitirang yaman. Marahang tumango ang nasabing abogado bilang tugon at dahil doon ay halos sabay na nanlumo ang magkapatid.

“Hindi ako ang dapat mag-alaga riyan kay uncle, Mr. Aguirre,” tukoy ni Joanna sa kausap na abogado. “Masiyado akong busy at hindi rin naman gan’on kalaki ang kita ng negosyo ko para suportahan ang mga pangangailangan ng matandang ’yon!” dagdag pa niya na halata ang sobrang iritasyon sa boses habang nagsasalita.

“Aba!” agad namang singit ni Joey. “Mas lalo namang hindi p’wede sa akin ’yan! Wala pa nga akong regular na trabaho! Nagpa-part time lang ako ngayon! Sa sarili ko nga, hirap na akong mag-budget, e, pagkatapos, madaragdagan pa ng isa pang pabigat!”

Dahil sa tinuran ng magkapatid ay napailing na lamang si Mr. Aguirre. Ganoon pa man ay kailangan niya pa ring pilitin ang mga ito. “Huwag kayong mag-alala. Since maging ang mansyon niya ay mareremata na ng bangko, doon siya titira sa isang butas ng apartment na ibinigay niya sa inyo para naman matingnan-tingnan n’yo rin siya roon.”

Sa narinig ay tila lalong nagalit ang magkapatid, ngunit parehong hindi na lamang nagsalita pa at kinimkim na lang ang nararamdaman nilang ngitngit. Sa isip-isip naman ni Mr. Aguirre ay naiinis din siya sa magkapatid na ito dahil noong sila ang naulila nang sila ay mga bata pa, ang kanila namang Uncle George ang siyang tumanggap ng lahat ng responsibilidad ng pag-aalaga at pag-aaruga sa kanilang dalawa! Bakit ngayong ito ay matanda na at naghihirap, hindi na nila masuklian ang kabutihang ipinakita nito noon sa kanila?

Natuloy ang plano ng kanilang Uncle George na doon tumira sa isang butas ng mga apartment na ibinigay nito noon sa kanilang magkapatid. Ngunit ang usapang titingnan-tingnan at babantayan nila ang kanilang uncle ay hindi naman nasunod kailan man. Kahit isang beses ay hindi man lang inabutan ng kahit pagkain man lang ng magkapatid ang kanilang uncle. Ni wala nga silang ideya kung papaano ito kumakain sa araw-araw o kung saan ito kumukuha ng pambili ng gamot pang-maintenance nito. Pinabayaan nila ang kanilang uncle. Wala silang pakialam. Wala silang ni katiting man lang na utang na loob sa taong nag-aruga sa kanila hanggang sa kanilang paglaki at lahat ng iyon ay kitang-kita na ngayon ng matanda.

Muling ipinatawag ni Uncle George ang kaniyang abogadong si Mr. Aguirre. Gusto niyang pag-usapan na nila ang pagpapabago ng kaniyang last will and testament hangga’t maaga pa. Ang totoo ay hindi naman talaga naghihirap ang matanda dahil ubod pa rin siya nang yaman. Ang lahat ng iyon ay ginawa lamang nila upang subukan kung karapat-dapat ba ang mga pamangking ito ni Uncle George na makatanggap ng manang kaniyang iiwan kung sakaling siya ay sumakabilang buhay na. Ngunit sa ginawa ng mga ito ay pinatunayan nilang hindi sila dapat makatanggap ng ni isa mang kusing mula sa pinaghirapan niyang kayamanan!

Buong buhay ni Uncle George ay ibinuhos niya sa pagmamahal at pag-aalaga sa dalawang pamangking sina Joey at Joanna. Ni hindi na siya nag-isip na mag-asawa pa o bumuo ng sariling pamilya lalo na at noon ay nag-uumpisa pa lamang siya sa kaniyang negosyo. Binigyan niya sila ng masaganang buhay. Ang buong akala niya kasi ay susuklian naman ng kaniyang mga pamangkin ang kaniyang pagmamahal at pag-aaruga kung sakaling siya ay tatanda na… ngunit habang lumalaki ang mga ito ay napapansin niyang tila nagkakamali nga siya ng inaakala. Mabuti pa nga ang ibang tao, nagagawa siyang tulungan kahit na alam ng mga ito ay wala siyang kayang ibigay pabalik.

Nang malaman ng magkapatid na hindi nga totoo na bankrupt na ang kanilang tiyuhin ay agad silang nagkumahog na puntahan ito sa mansyon dahil nabalitaan nilang nakabalik na ito roon. Kunwari’y nangungumusta sila sa kalagayan ng kanilang Uncle George, ngunit alam nilang wala na rin namang naniniwala sa drama nilang iyon.

“Wala na kayong magagawa pa upang baguhin ang desisyon ni Sir George. Ang lahat ng kaniyang kayamanan ay mapupunta sa iba’t ibang charitable institution na magpopondo sa pagpapagamot ng mga batang may karamdaman o kapansanan, mga batang gustong mag-aral at mga pamilyang nagugutom. Ang mga bahay na kaniyang pagmamay-ari, at ang iba pa sa kaniyang mga properties ay paghahati-hatian naman ng kaniyang pinakatapat na mga empleyado at ng mga taong tumulong sa kaniya noong siya ay walang-wala.”

Sa narinig na tinuran ng abogado ay nanlumo ang dalawa. Nagsisisi sila dahil hindi nila sinuklian ang kabutihang ginawa para sa kanila ng tiyuhin. Lugmok silang bumalik sa kanilang mga tahanan at simula noon ay hindi na nagpakita pa sa kanilang tiyuhin.

Advertisement