Kinupkop ng Mabait na May-Ari ng Karinderya ang Pulubi, Isang Malaking Gantimpala Pala ang Naghihintay sa Kanya
Maliit lang ang carinderia nila aling Nena, pero mga dalawang dekada na rin silang nakabukas sa barangay nila. Hindi masyadong malakas ang kita pero dinadayo sila ng mga empleyado, construction worker, mga nanay na walang oras magluto, at iba pa dahil madaraanan ito kapag lumabas o pumasok sa barangay.
Isang maulan na gabi, nagsasara na ng carinderia si Aling Nena nang may mapansin siyang naglalakad sa kabilang bahagi ng kalsada. Wala itong payong, at palinga-linga ito ng tingin na tila hindi niya alam kung saan siya pupunta.
“Sino yan?” tawag ni Aling Nena. “Sumilong na po muna kayo dito sa amin!”
Napalingon ang naglalakad. Nang makalapit na ito sa carinderia, saka lang napansin ni aling Nena na isa itong babae na medyo bata ang itsura, mga bente anyos lang siguro. At nang mailawan ng ito ng ilaw mula sa carinderia, nakita ng matanda na mukhang matagal nang hindi nakakakin ang babae, at marahil palaboy-laboy din ito dahil sa estado ng damit, katawan, at buhok na sobrang gulo.
“Saan ka nakatira?” tanong ni Aling Nena. Umiling lamang ang babae. “Anong pangalan mo?”
“M-Meli,” sabi nito sa isang mataas na boses. “Saan… mama?”
Alam na agad ni aling Nena na marahil mayroon itong learning disability o kapansanan sa pagkatuto. Ganoon din kasi ang pamangkin niya.
Nasaan ang mga magulang mo? ang tanong sa isip ni Aling Nena. Paano ka nawalay sa kanila?
May kaunti pang natitirang sabaw mula sa niluto niya sa araw na iyon, kaya pinaupo niya muna si Meli at pinakain. Habang kumakain si Meli, naghanap naman ng mga karton si aling Nena sa kusina. Kadikit lang ng bahay nila ang carinderia kaya kumuha na rin siya ng isang unan at kumot. Inilatag niya ang karton, unan at kumot. Sakto at mukhang tapos nang kumain si Meli.
Tinuro ni aling Nena ang nilatag niyang mga gamit. “Dito ka na muna matulog, Meli. Pasensya na, hanggang jan lang muna magagawa ko.”
Tahimik na tumayo si Meli at naupo sa mga karton. Bago ito mahiga, tinignan nito nang taimtim si Aling Nena, at saka binigkas ang salitang, “Mama?”
Nanahimik si aling Nena, at saka sinabing, “Oo. Hahanapin natin ang mama mo.”
Siniguro ni aling Nena na nakasarang maigi ang lahat ng pinto bago tuluyang pumasok sa tahanan at patayin ang ilaw.
“Aaaaahhh!”
Narinig ni aling Nena ang sigaw ng anak niyang si Joy. Dali-dali niyang sinundan ang boses nito at napunta siya sa carinderia, at nakita niyang kung paano itulak-tulak at sipa-sipain ng anak niya si Meli.
“JOY! Tama na yan!” Tumakbo si aling Nena sa tabi ni Meli. Tuluy-tuloy ang hagulgol nito.
“Paano nakapasok yan dito?” sigaw ni Joy. Nakauniporme ito, mukhang papasok na sa trabaho. Malamang nakasalubong niya si Meli nung magpasya siyang dumaan sa carinderia palabas.”Magnanakaw ka ano!?”
Tumayo si aling Nena. “Ako ang nagpapasok sa kanya.”
Napatigil si Joy sa galit. “Inay naman!” hirit ng anak niya. “Ang baho-baho niyan oh! Anong akala mo sa pulubi, kuting na puwede mo lang damputin sa kalsada?”
“Anak,” mahinahon na sagot ng matanda, “kailangan niya ang tulong natin.”
“Tulong? Eh paano kung nakawan pa tayo niyan?”
“Hindi niya magagawa yon,” giit ni aling Nena. “Kita mo, katulad siya ng pinsan mong si Hanna. Sigurado akong ni hindi niya alam kung paano gumamit ng pera, paano naman niya tayo nanakawan?”
Biglang tumalikod si Joy. “Ewan ko sa inyo. Bahala ka na jan kung malasin ang negosyo mo sa baliw na yan.” Padabog itong umalis at pumasok sa bahay nila.
Nag-tsk si aling Nena. Alam nitong kaunti lang ang naintindihan ni Meli sa sinabi ni Joy pero sinabihan pa rin niya ito, “Huwag mo na siya intindihin. Hindi ka baliw, ha? Medyo mabagal lang.”
Saka naman niyang tinulungang tumayo si Meli. “Pero tama rin si ate Joy mo. Mabaho ka na. Tara, sumunod ka sa akin.”
Pagkatapos niya itong paliguan at pahiramin ng daster, nagsimula nang magluto si aling Nena. Nang dumating na ang mga tauhan niya, pinaubaya niya muna ang carinderia sa kanila at sinama si Meli sa barangay para malaman kung may nakarehistrong “Meli” sa listahan. Wala raw.
Nagpa-blotter na rin siya sa pulis para sa kung sino mang naghahanap sa babae.
Pero sa kasalukuyan, wala pang resulta ang paghahanap ni aling Nena kaya pumunta na lang sila sa bayan upang bilhan ng damit si Meli. Dinala niya ito sa isang ukay-ukay sa harap ng SM at nawili naman si aling Nena sa paghahanap ng damit.
“Meli, tignan mo ito, sigurado akong babagay ito sayo… Meli?”
Saka na lang niya napansin na nawala na si Meli.
Kabado, sinuyod ni aling Nena ang buong ukay-ukay at nagtanong na rin sa guard ng SM kung nakita nito si Meli, ngunit hindi na niya muling nahanap ang babae. Lugmok na lugmok si Aling Nena dahil kahit saglit, anak na rin ang tinuring niya kay Meli.
Hapon na nang makauwi si aling Nena sa carinderia. Ililigpit na sana niya ang inilatag ng higaan para kay Meli nang may mapansin siyang isang pamilyang masayang kumakain sa gilid. At ang babaeng nakatalikod mukhang si…
“Meli?” tanong ni aling Nena.
Tumalikod ito. Si Meli nga! Ibig sabihin, ang kasama nito ay ang pamilya niya?
Tumango ang isang matandang kasama ni Meli. Magara ito manamit at may mga alahas na suot. “Ako po ang nanay ni Melissa. Ito naman ang ate niya.” Tumango yung kasama nilang pang babae. “Maraming salamat po sa pag-aalaga sa anak ko. Sobrang sakit sa loob ko nang mawala siya, pero masaya akong may nag-alaga sa kanya, kahit saglit.”
“Walang anuman,” sagot ni aling Nena. “Responsibilidad ko yun bilang tao.”
Tumango ang nanay, at naglabas ito ng sobre. “Gusto po sana namin magpasalamat sa pamamagitan nito. Five thousand pesos po.”
Nanlaki ang mga mata ni aling Nena. “A-ano po? H-hindi na po kailangan…”
“I insist. Maliit na halaga lang po yan kumpara sa buhay ni Melissa.”
Dahan-dahang inabot ng nanay ang sobre kay aling Nena, na kahit nanginginig ang kamay ay kinuha pa rin ito.
Ngumiti si Meli sa nakita at tumayo para yakapin si aling Nena. “Sa-amat!”
Ngumiti rin si aling Nena at yumakap pabalik. Kahit kung hindi siya nakatanggap ng pera, alam niyang hindi siya titigil sa pagtulong at pag-unawa sa kapwa tao.