Hindi Tanggap ng Biyenan ang Napangasawa ng Anak Niya, Ito Pa Pala ang Magiging Sandalan Niya
Mabait, masunurin at mapagmalasakit na asawa si Olivia, maging sa kanyang biyenan na si Aling Martha ay maayos ang kanyang pakikitungo, kahit na madalas siya nitong sungitan at sigawan.
Batid niyang hindi siya gusto nito para sa anak na si Rommel. Bago pa lamang sila magpakasal ay ramdam na niya ang pagtutol nito. Sa kagustuhan ng asawa na mabantayan pa rin ang ina ay umupa na lamang sila ng bahay na malapit pa rin sa tirahan nito. Sumang-ayon naman dito si Olivia dahil nais niya ring mapalapit ang loob sa pangalawang Ina.
“Mahal, papasok na ako sa trabaho, magiingat ka dito ha, dalhan mo rin si nanay ng ulam mamaya kung makakalabas ka.” Paalam ni Rommel kay Olivia.
“Sige ‘hal, ingat ka din, wag ka magalala magluluto ako ng tinola mamaya, dadalan ko si nanay.” Sagot niya sa asawa, sabay halik sa pisngi nito bago ito tuluyang umalis.
Agad inumpisahan ni Olivia ang kanyang gawaing bahay, naglinis at naglaba muna siya bago ihanda ang pananghalian. Masaya niyang ipinagbalot ng tinola ang biyenan at sinamahan pa ito ng tatlong pirasong hinog na mangga at tumungo na sa bahay nito.
“Tao po, Nay? Kumain ka na po ba? May dala akong tinola at mga mangga para sa inyo.” Bungad niya sa may pintuan.
“Teka sandale at ako ay nasa kwarto.” Sagot ni Martha, naisip niyang paghintayin ang manugang ng ilang minuto upang makita kung matitiis nito ang init sa labas.
Tatlong minuto ang lumipas at pinagbuksan niya na ito ng pinto. Nakangiti ito sa kanya hawak ang mangkok na may takip at isang plastic bag. Kinuha niya ang mga ito at pabulong na nagpasalamat. Hindi niya na rin ito inimbita sa loob ng bahay dahil ayaw niya itong makasalo sa pananghalian.
“Hindi na kita mapapapasok, madumi ang bahay at nagmamadali din ako, may lakad ako.” Wika niya
“Okay lang po nay, may mga gawaing bahay pa din naman po ako.” Malungkot na sambit ni Olivia, inaasahan niya kasing makapasok upang makakwentuhan ang matanda kahit sandali.
“Sige po at mauuna na ako. Mag-ingat kayo sa lakad niyo”, huling bilin niya.
Tumango lamang si Martha at sinaraduhan na niya ito ng pinto. Wala naman talaga siyang lakad at kakalinis niya lang din ng bahay. “Plastik!” bulong niya sa sarili.
Umpisa pa lamang ng relasyon ni Olivia at Rommel ay hindi niya na ito gusto, mas napupusuan niya kasi noon na makatuluyan ng anak ang dati nitong nobya na si Rachel, galing kasi ito sa mayamang pamilya at talaga namang sopistikada kumilos. Ibang iba kay Olivia na galing sa simpleng pamilya.
Sinadya niyang iparamdam kay Olivia na hindi niya ito gusto upang ito na mismo ang lumayo kay Rommel, ngunit hindi ito nagpatinag at patuloy siyang pinakisamahan ng may respeto.
Sa paglipas ng panahon ay ganito ang naging trato niya kay Olivia. Hanggang sa isang araw, siya ay nagkaroon ng malubhang karamdaman. Hindi na siya maaring kumilos sa bahay at kailangan na niya ng permanenteng makakasama dahil hirap na din siya sa pagtayo, dahil dito ay naisipan ni Rommel na pansamantalang manirahan sa bahay ng ina kasama ang asawa.
“Ayoko nga sabi kumain! Bakit ba ang kulit mo!” Sigaw ni Martha kay Olivia sabay hawi sa plato na hawak nito.
“Nay, kailangan niyo po kasing kumain, bilin ng doktor ninyo na kumain muna bago inumin ang mga gamot.” Mahinahong sagot ni Olivia.
“Umalis ka sa harapan ko!”
Naluha na si Olivia sa narinig mula sa biyenan. Nilinis niya ang natapong pagkain at lumabas ng kwarto nito. Naisip niyang kailanman ay hindi na talaga siya matatanggap nito bilang manugang, alang-alang kay Rommel ay pinagpatuloy niya ang pag-aalaga rito. Tuwing umaga, tanghalian at hapunan ay dinadalhan niya na lamang ito ng pagkain sa kwarto at agad ding lumalabas.
Minsang sinubukan ni Martha na tumayo upang mag-banyo. Sa pagtapak niya sa sahig ay biglang nanigas ang kanyang tuhod at siya ay bumagsak.
“Nanay!” Sigaw ni Olivia na nakaupo lamang sa labas ng pintuan, doon siya laging naka pwesto sakali mang kailanganin siya ni Martha.
Humagulgol na lamang si Martha habang nasa sahig, di niya akalaing dadating sa punto na kakailanganin niya ang tulong ng manugang. Niyakap siya ni Olivia at tinulungang makatayo at makaupo sa kama.
“Okay lang po ba kayo? May masakit po ba? Sandali at tatawagan ko si Rommel para madala namin kayo agad sa doktor”. Kitang kita ni Martha ang bakas ng pagaalala sa mukha ni Olivia.
“Olivia patawad. Sa kung paano akong naging isang masamang biyenan sa iyo. Wala kang ibang ginawa kundi pakitaan ako ng kabutihan.” Wika niya
“Nay, wala kayong dapat ihingi ng tawad, alam kong gusto niyo lamang ang pinaka makabubuti kay Rommel.” Sagot nito
“Sa haba ng panahon, ngayon ko lang napagtanto, ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ni Rommel.” Sabay hawak sa kamay ni Olivia, “kaya sana ay mapatawad mo ako, sa mga huling araw ng buhay ko hayaan mong makabawi ako sa iyo.”
“Nay, wag ka magsalita ng ganyan, kung makakagaan sa loob mo sige, pinapatawad ko napo kayo.” Masayang tugon nito sa kanya habang tinitingnan kung may galos ang kanyang binti.
Mula noon ay naging maganda ang samahan nilang dalawa, binago ni Martha ang pakikitungo kay Olivia, isang taon ang lumipas at nabiyayaan na sila ng napakalusog na supling, pinangalanan nila itong Romeo at labis na napuno ng kaligayahan ang kanilang tahanan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!