Nagsakripisyo ang Kapatid na Panganay para Mapagtapos ang Bunsong Kapatid, Sa Huli ay Ito pala ang Igaganti sa Kaniya Ng Lalaki
Maagang naulila sa magulang ang magkapatid na Luis at Mj. Isang malagim na aksidente ang biglaang kumuha sa kanilang mga magulang ngunit sa kabila ng kanilang sinapit ay patuloy na nagsumikap ang dalawa upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
“Kuya, ano pa kayang raket ang pwede kong pasukin? Kinukulang na kasi ang kita ko sa pagbubuhat ng yelo sa palengke at pagbebenta ng pandesal.” Tanong ni Luis.
“Hindi mo na kakayanin kung kukuha ka pa ng bagong trabaho, akong bahala, may ekstra ako, aabutan nalang kita bukas.” Sagot naman ni Mj.
Kinabukasan ay binigyan niya itong ng apat-na-daan bago silang sabay na umalis upang pumasok sa eskwela.
“Luis, mauna ka na pumasok sa loob, dadaan pa ako sa bilihan ng school supplies, may kailangan akong bilhin.” Habilin ni Mj sa bunsong kapatid. Agad namang itong sumunod at nauna nang pumasok sa paaralan.
Hindi na sila sabay na nakakauwi dahil maraming aktibidad na sinalihan si Luis sa paaralan. Madalas ay ginagabi na rin siya ng uwi kaya’t nadadatnan na lamang niya ang kuya na nakapaghanda na ng hapunan.
“Kamusta ang araw mo? Halika na kumain na tayo.” Paanyaya nito. Umupo na si Luis sa hapag kainan at sabay na silang kumain.
“Siya nga pala Luis, simula bukas ay hindi na ako makakasabay sayo sa pagpasok, nag-iba na kasi ang oras ng unang klase ko kaya mauuna ka na palagi.” Wika ni Mj
“Ganun ba kuya? Sige okay lang naman sa akin. Mas maaga na din naman akong aalis ngayon dahil marami kaming research na ginagawa. Sa umaga ay sa library muna ako bago ang klase.” Tugon ni Luis.
Nauna nang matulog si Luis dahil maaga rin siyang bumabangon para magdeliver ng yelo sa palengke at maglako ng pandesal bago pumasok. Pagkahimbing ng kapatid ay tumakas na si Mj upang mangalakal naman ng bote at diyaryo na binibenta niya sa junkshop kinaumagahan. Hindi niya na ipinaalam kay Luis ang kanyang mga ekstrang ginagawa dahil alam niyang hindi nito matitiis ang hindi siya tulungan. Walang ibang hangad si Mj kundi makatapos ang kapatid sa pag-aaral. Sa maghapon naman ay nagtatrabaho siya sa isang gasolinahan, at sa araw ng kanyang pahinga ay muli siyang nangangalakal.
Minsang lumabas ng paaralan si Luis kasama ang mga ka-grupo sa isang proyekto upang maghanap ng mga taong maari nilang makapanayam tungkol sa mga issue na kinakaharap ng bansa.
“Luis, hindi ba kuya mo yun? Ayon oh, yung nasa gasolinahan.” Wika ng isa niyang kaklase
Tiningnan itong mabuti ni Luis at totoo ngang kuya niya ang nasa gasolinahan, laking taka lamang niya dahil ang alam niya ay nasa eskwelahan din ito. Hindi napigilan ni Luis ang sarili at nilapitan ang kapatid.
“Kuya!” tawag niya kay Mj habang kumakaway, “Wala ka bang pasok ngayon? Bakit andito ka? Ang pagkakaalam ko ay ngayon ang paunang eksam ng pangkat ninyo.” Paguusisa niya
“Ah eh Luis, huminto na muna ako sa pag-aaral. Hindi na kasi kakayanin kung sabay pa tayo, pauunahin lang naman kita pagkatapos ay babalik na din ako sa pag-aaral.” Paliwanag ni Mj sa nagugulumihanang kapatid.
“Bakit hindi mo sinabi sa akin kuya? Kaya ko pa namang magdagdag ng trabaho para makatulong sa atin. Pwede pa ako magtrabaho sa gabi pagkagaling sa eskwela.” Sagot nito sa kanya
“Hindi Luis! Hindi mo gagawin iyan! Sobra-sobra na ang pagod mo sa maghapon kaya kailangan ay nakakapagpahinga ka naman sa gabi.” Mariing pagtutol ni Mj.
“Pero Kuya!”
“Wag ka na munang tumutol, ipangako mo na lang sa akin na mag-aaral kang mabuti, at pag nakatapos ka ay ako naman ang tutulungan mo. Okay ba yon?”
Tumango na lamang si Luis at nagpaalam na sa kapatid, tinatawag na din kasi ito ng isang kostumer. Sinikap ni Luis na makauwi ng maaga upang siya naman ang maghanda ng hapunan ng kapatid. Pinangako niya sa sarili na tatapusin ang pag-aaral at tutulungan ang kuya niya na makamit din ang pangarap nito. Pagdating ni Mj ay agad na silang kumain at nagpahinga.
Nang makatapos ng pag-aaral si Luis ay masayang-masaya ang kanyang kuya. Ipinaghanda siya nito ng pansit , letsong manok at cake. Hindi na din pinatagal ni Luis at agad siyang naghanap ng trabaho. Sa kabutihang palad ay natanggap siya sa malaking kompanya at nakapagsimula. Sa unang sweldo niya ay sinorpresa niya si Mj.
“Surprise!” sigaw niya isang umaga.
“Ang aga mo namang mang surprise, ano ba ito?” tanong ni Mj
Iniabot ni Luis ang isang sobre at nang buksan ito ni Mj ay naroon ang unang sahod ng kapatid. Naluha siya sa saya at di na makaimik.
“Kuya, bumalik ka na sa pag-aaral, ako naman ang bahala sa iyo ngayon.” Eto ang mensahe ni Luis na lalo pang nagpaluha kay Mj. Niyakap niya ang kapatid at nagpasalamat.
Magmula noon ay sabay na silang pumapasok, si Luis ay sa trabaho at si Mj naman ay sa eskwela. Sabay nilang inaabot ang kanilang mga pangarap nang magkasama.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!