Inday TrendingInday Trending
Pulubi sa Aking Paningin

Pulubi sa Aking Paningin

Alas-kuwatro pa lang ay gising na si Ara dahil ayaw niyang makipag-giyera sa mga kapwa pasahero sa dyip. Mahirap kasing sumakay kapag sumapit na ang alas-sais ng umaga, kaya minabuti niya na maagang magising para hindi siya nakikipagsiksikan sa mga pasaherong papunta rin sa Libis. Doon kasi siya nagtatrabaho bilang call center agent.

“Salamat naman at maaga akong nakasakay ngayong araw. Akala ko ay makikipagsabayan na naman ako sa mga ‘zombie’,” kalmado niyang sabi habang nakasakay sa unahan ng dyip. ‘Zombie’ ang tawag niya sa mga nagkukumahog na pasahero tuwing umaga na nakakasabay niya dahil para itong mga halimaw na handang lumamon ng kapwa tao makasakay lang.

Di niya namalayan na malapit na pala siya sa kanyang bababaan kaya agad niyang pinara ang dyip. Habang nilalalakd ang kahabaan ng kalsada papunta sa kumpanyang kanyang pinagtatrabahuhan ay napansin na naman niya ang lalaking pulubi na natutulog sa gilid ng isang lumang gusali.

“Kawawa naman ang pulubing ito. Nasaan na kaya ang kanyang pamilya? Wala ba siyang asawa o mga anak?” tanong na gumugulo sa kanyang isipan habang pinagmamasdan ang pulubi. Sa awa niya rito ay binigyan niya ito ng makakain. Nilagay niya sa tabi nito ang baon niyang tinapay.

“Tulog na tulog pa rin si manong? Pero sana naman paggising niya ay kainin niya itong bigay kong tinapay,” wika niya sa sarili.

Sa araw-araw na nakikita niya ang pulubi ay hindi niya magawang hindi ito bigyan ng pansin dahil sa kaawa-awang kalagayan nito. Parang ilang taon na itong hindi naliligo at nagpapalit ng damit. Mukha rin itong sakitin dahil sa tingin niya ay bagsak na bagsak na ang katawan ng lalaki.

Habang kumakain siya sa pantry ay naalala na naman niya ang pulubi.

“Kumain na kaya si manong?” tanong niya sa sarili. Mayamaya ay tumayo siya sa kinauupuan at pumunta sa canteen.

“Ate, pagbilhan mo nga ako ng isang order ng gulay at isang order ng kainin,” sabi niya sa tindera.

Nang iabot nito ang binili niyang pagkain ay napagdesisyunan niyang itabi muna iyon para kapag napadaan siya sa puwesto ng pulubi ay ibibigay niya ang dala niyang kanin at ulam.

Pagsapit ng alas singko ng hapon ay nagmamadaling lumabas ng opisina ang dalaga at pinuntahan ang pulubi. Nakita niya itong gising at nakaupo lamang sa isang tabi. Nilapitan niya ito para ibigay ang binili niyang pagkain.

“Magandang hapon po, manong! Dinalhan ko po kayo ng makakain. Alam kong gutom na kayo kaya halina po at kumain na kayo,” yaya niya sa rito.

Ngunit kinuha lang nito ang pagkaing dala niya at kinain ng kaunti. Mayamaya ay bigla na lang itong natutulala at babalik sa higaan para muling matulog.

“Manong naman, palagi na lamang po kayong tulala at hindi nagsasalita. Kausapin niyo naman po ako. Alam niyo po gusto ko kayong tulungan. May pamilya pa po ba kayo na maaaring mauwian o mga kamag-anak? Baka po may maitulong ako sa inyo para mahanap sila,” aniya sa pulubi.

Naisip ni Ara na kung sasabihin nito ang mga nalalaman ay malaki ang maitutulong niya sa lalaki. Sa panahon ngayon ay maaari nang ibahagi sa social media ang tungkol sa pulubi para naman makatulong siya rito kahit paano.

“Manong? Naririning niyo po ba ako? Puwede niyo po akong kausapin para masabi niyo po sa akin kung ano po ang maitutulong ko sa inyo. Ayaw ko po kasi kayong nakikita na nasa ganyang kalagayan,” wika pa niya.

Ngunit kahit anong kausap niya sa pulubi ay nabibigo siya. Sa isip niya ay baka isa itong pipi o bingi kaya hindi nakakapagsalita.

Isang araw, nang muli niya itong bigyan ng pagkain ay biglang nagsalita ang lalaking pulubi.

“Maraming salamat ha, ineng sa palagi mong pagbibigay sa akin ng pagkain,” sabi sa kanya ng pulubi.

Laking gulat ni Ara nang marining itong nagsalita.

“Naku, walang anuman po iyon manong! Mabuti naman po at nagsalita na kayo, ang akala ko po kasi ay pipi o bingi kayo kaya wala kayong imik,” masayang tugon ni Ara sa kausap. Sa isip niya ay iyon na ang pagkakataon para tanungin ito.

“Manong, matagal ko na po na gustong tanungin sa inyo kung mayroon po ba kayong mauuwiang pamilya? Bakit po kayo mag-isa dito sa kalye?” tanong niya rito.

“M-may pamilya ako, ineng. Kasama ko noon ang aking asawa at nag-iisang anak. Masaya at maayos ang buhay namin noon ngunit gumuho iyon nang iwan ako ng aking asawa at isinama niya ang aming anak na nagpakalayo-layo nang mabulang ang aking mga mata sa isang aksidente sa pinagtatrabahuhan kong pabrika. Hindi niya matanggap na isa na akong inutil kaya hindi na nila ako binalikan pa. Mula noon ay nawalan na ako ng pag-asa at tiwala sa aking sarili. Pati buhay ko ay napabayaan ko na. Itinuon ko sa kadiliman ang aking paghihinagpis nang iwan ako ng aking mag-ina kaya heto ako ngayon, isang pulubi na pinandidirihan ng lahat,” bunyag ng pulubi.

“B-bulag po kayo? H-hindi ko po nahalata. Mukha po kasi kayong normal at walang kapansanan,” di makapaniwalang wika ni Ara. “P-pero, manong mayroon po ba kayong litrato ng inyong mag-ina? Puwede po natin silang hanapin gamit ang social media,” hirit pa ng dalaga.

May kung anong dinukot ang lalaki sa bulsa ng suot nitong pantalon. Isa itong kupas na litrato at iniabot iyon kay Ara. Nang makita ng dalaga ang litrato ay laking gulat niya kung sino ang naroon.

Hindi napigilan ni Ara ang maluha nang makita ang litrato noong bata pa siya kasama ang kanyang yumaong ina.

“Diyos ko! K-kayo po? Kayo po ang tatay ko?” humihikbing tanong ni Ara.

“A-anong ibig mong sabihin, ineng?”

“A-ako po ang bata na nasa litrato at ang babae na kasama ko ay ang aking nanay.”

Hindi na rin napigilan ng pulubi na maiyak sa tinuran ng dalaga. Hindi ito makapaniwala na ang kaharap at ang palaging nagbibigay sa kanya ng makakain ay ang kanyang anak na matagal na nawalay sa kanya.

“I-Ikaw ba talaga iyan, Ara, anak ko? Patawarin mo si tatay ha, hindi ko ginusto ang mga nangyari, hindi ko ginustong iwan ako ng nanay mo,” anito habang humahagulgol na rin.

“Wala po kayong kasalanan tatay. Aksidente po ang nangyari sa mg mata niyo. Hindi ko po kayo sinisisi kung bakit hindi ako nagkaroon ng buong pamilya. Masaya pa nga po ako dahil nalaman kong mayroon pa pala akong tatay. Saka po patawarin niyo na si nanay sa ginawa niyang pag-iwan sa inyo noon. Matagal na po niyang pinagsisishan ang ginawa niya. Bago siya bawian ng buhay sa kumplikasyon niya sa bato ay sinabi niya sa akin na pinagsisisihan niya ang ginawa niya. Natakot lang po siya noon sa magiging kinabukasan naming mag-ina nang mawalan ng trabaho ang aking ama. Hindi na niya nasabi sa akin ang iba pang detalye dahil bumigay na ang kanyang katawan at tuluyan akong iniwan, kaya ngayon ko lang nalaman ang totoong nangyari sa inyo. Hayaan niyo na ako naman ang bumawi sa inyo, tatay. Ako na ang mag-aalaga sa inyo simula ngayon. Magkakasama na tayong muli,” hayag ni Ara sa ama.

“Salamat sa pag-unawa, anak ko. Mahal na mahal ka ni tatay!” anito sabay yakap nang mahigpit sa anak.

“Mahal na mahal ko rin po kayo!”

Kinupkop ni Ara ang ama at pinatira ito sa kanyag inuupahang apartment. Dinalaw rin nila ang yumaong ina sa sementeryo para alayan ito ng dasal at makita ng ama ang asawa kahit sa huling pagkakataon. Mula noon ay hindi na sila nagkahiwalay na mag-ama at naging katuwang na nila ang isa’t isa sa hamon ng buhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement