Talamak ang holdapan sa Barangay Kampupot. Malayang nakakagala ang mga holdaper dahil na rin sa kakulangan ng mga alagad ng batas sa lugar na iyon. Dalawa sa itinuturing na notoryus na holdaper ay ang magkaibigang Seferino at Esteban. Mga binatilyo pa lang sila ay natuto na silang mandukot at magnakaw pati ang pangho-holdap sa mga estrangherong nagagawi sa nasabing lugar ay hindi nila sinasanto.
“Pare, magkano ang nadelihensiya mo kagabi? Ako, tiba-tiba sa naholdap ko, ang kapal ng pitaka at mamahalin ang cell phone,” wika ni Seferino.
“Mahina ang diskarte ko, pare. Naawa kasi ako dun sa dalagitang hinoldap ko, e. Kaya hindi lahat ng pera niya ay nakuha ko,” sagot naman ni Esteban.
“Ang hina mo naman pare! Alam mo, sa trabaho nating ‘to, bawal ang pusong mamon. Di ka dapat nagpapakita ng awa. Hindi ka kikita ng malaki niyan kung ganyan ka! Natawag ka pa naman na notoryus kung maawain ka rin naman pala,” natatawang sabi ng kaibigan.
“Pare, nasasabi mo iyan dahil wala kang pamilya. Ako, meron! Parang anak ko na iyong dalagita kagabi,” tugon pa ng lalaki.
“Haynaku, ewan ko sa iyo. Basta ako wala akong sasantuhin, bata man iyan o matanda. Ang mahalaga ay magkapera,” sabi pa ni Seferino.
Kung tutuusin ay gusto nang talikuran ni Esteban ang pangho-holdap dahil inuusig na ito ng kanyang kunsensiya sa mga ginagawa ngunit hindi pa siya maaaring tumigil dahil kulang pa ang naiipon niya para sa plano niyang pagbabagong buhay kasama ang kanyang mag-ina.
Si Seferino naman ay walang balak tumigil sa masamang gawaing iyon. Nakahanda siya sa kahit na anuman at wala siyang pakialam kung makasakit man siya ng ibang tao.
Isang araw ay isang matandang lalaki ang natiktikan ng magkaibigan na naglalakad sa bangketa. Napansin agad ni Seferino ang suot nitong mamahaling relo at kuwintas kaya agad niya itong dinakma at tinutukan ng patalim sa tagiliran.
“Hoy, tanda holdap ‘to! Huwag kang kikilos ng masama! Ibigay mo sa akin ang lahat ng pera mo at alahas, siguradong walang mangyayari sa iyo,” bulong ni Seferino.
Mayamaya ay dumating rin si Esteban at tinulungan ang kaibigan na limasin ang dalang pitaka, cell phone at alahas ng matanda ngunit iyon pala ang malaki nilang pagkakamali dahil isa pala iyong patibong. May mga pulis na pala sa paligid at iyon ang naisip na paraan ng mga alagad ng batas para tuluyang wakasan ang ginagawang pangho-holdap ng dalawang kawatan. Dinakip sila at dinala sa isang abandonang gusali. Magkaibang kuwarto rin ang pinagdalhan sa magkaibigan.
“Ano ito? Bakit dito nila kami dinala at hindi sa presinto?” nagtatakang tanong ni Seferino sa isip.
“Anong balak nilang gawin sa amin?” tanong naman ni Esteban sa sarili.
Mayamaya ay ipinasok ng dalawang pulis si Seferino sa isang bakanteng kuwarto. Laking gulat ng lalaki dahil ang naabutan niya roon ay ang matandang lalaki na hinoldap nila.
“I-ikaw iyong police asset kanina, anong ginagawa mo rito?” tanong niya sa matanda.
“Hindi ako police asset. Nagpanggap lang ako na biktima ng holdap kanina. Ako si General Delfin Reymundo at matagal na namin kayong sinusubaybayan. Kayo na mga notoryus na holdaper ng Barangay Kampupot ay hawak na namin ngayon. Narito ako para bigyan ka ng pagkakataon na maabsuwelto sa kasong ito at makapag-bagong buhay,” hayag ng matanda.
Hindi makapaniwala si Seferino sa narinig. Ngayon lang nangyari na may isang alagad ng batas na gustong bigyan ang mga katulad niya ng pagkakataong makalaya.
“T-talaga? P-paano?” aniya.
May inilabas na dalawang maleta ang Heneral. Isang malaki at isang maliit na maleta at inilagay sa kanyang harapan.
“Mamili ka sa mga maletang iyan kung ano ang gusto mo at sabihin mo kung bakit mo gustong mabigyan ng pagkakataong magbago? Nasa mga maletang iyan ang kapalaran mo,” anito.
Agad na may naisip si Seferino. Tila nahuhulaan na niya kung anong gustong mangyari ng Heneral kaya nakipagsabayan siya rito.
“Iyong maliit na maleta po ang pinipili ko. Gusto ko pong magbago para sa aking asawa at para sa aking anak,” wika ng lalaki.
“Sigurado ka na ba sa sagot mo?” tanong ng matanda.
“Sigurado na po!”
Inilabas ng mga bantay na pulis sa kuwarto si Seferino at ipinasok naman si Esteban.
“S-sino po kayo? Teka, kayo iyong pinagtangkaan naming holdapin kanina,” anito.
“Ako nga. Nagpanggap lang ako para tulungan ang mga awtoridad na mahuli kayo ng kasama mo. Ako si General Reymundo. Narito ka sa harap ko dahil gusto kitang bigyan ng pagkakataong makalaya at makapag-bagong buhay. Dahil napili na ng kasama mong kawatan ang maliit na maleta ay wala ka ng ibang pagpipilian kundi itong malaking maleta. Nasa loob ng maletang iyan ang iyong magiging kapalaran. Pero bago iyon ay sabihin mo muna sa akin kung bakit ikaw ang karapat-dapat kong bigyan ng pagkakataong magbago?” tanong ng Heneral.
“Ako po ang karapat-dapat na mabigyan ng pagkakataong magbago para muli ko pong makasama ang aking asawa at anak,” mangiyak-ngiyak na sagot ng lalaki.
“Hindi na magbabago ang iyong sagot?” muling tanong ng matandang Heneral.
“Hindi na po,” aniya.
Di nagtagal ay muling ipinasok sa loob ng kuwarto si Seferino para ipaalam na ng Heneral ang desisyon nito.
“Nasagot niyo na ang tanong ko kanina kaya malalaman niyo na kung sino ang mabibigyan sa inyong dalawa ng pagkakataong magbagong buhay at sino ang mananatili sa kulungan. Maaaring niyo nang buksan ang loob ng maleta,” utos ng matanda.
“Alam ko iyan! Hindi mo ako maloloko tanda, siguradong narito sa maliit na maleta ang magiging suwerte ko. Alam kong hindi mo ilalagay iyon sa malaking maleta dahil alam mo na iyon ang pipiliin ng kung sino man ang tatanungin mo. Wais ‘to, kaya sorry ka na lang Esteban ha?” wika ni Seferino sa isip.
Sabay nilang binuksan ang dalawang maleta at nagulat sila nang makitang wala iyong laman.
“Ha? walang laman?’ gulat na sabi ng dalawa.
Tumawa nang malakas si General Reymundo sa reaksyon nina Seferino at Esteban.
“Sinadya ko talagang hindi lagyan ng laman ang dalawang maleta dahil hindi naman talaga iyan ang sukatan ng magiging kapalaran niyong dalawa. Props lang iyan kumbaga. Ang sinagot niyo kanina sa tanong ko, doon ko binase ang ang desisyon ko at ang bibigyan ko ng pagkakataon na makapagbagong buhay ay ikaw, ESTEBAN!” bunyag ng Heneral.
“N-naku, maraming salamat po, General!” maluha-luhang sabi ni Esteban. Hindi makapaniwala ang lalaki na siya ang pinili ng matanda para maabsuwelto sa kanyang kasalanan.
“Teka, bakit hindi ako ang inyong napili? Tama naman na gusto kong magbago para sa aking asawa at anak ha?” apela ni Seferino.
“Alam mo, may pagkakataon ka rin sana na maabsulwelto at makapagbagong-buhay kasama itong kaibigan mo kung nagsabi ka lang sana ng TOTOO. Akala mo ba ay maloloko mo ako? Hindi pa namin kayo nahuhuli ay alam na namin ang tungkol sa inyo, sa buhay niyo. Pinaimbestigahan namin kayong dalawa. Base sa pagkakatanda ko ay wala ka namang asawa at anak at ikaw ay binata. Si Esteban ang mayroong pamilya at siya ang nagsabi ng katotohanan sa akin, kaya siya ang nararapat na bigyan ng pangalawang pagkakataon na magbago,” paliwanag ng matanda.
Nasupalpal si Seferino at hindi nakasagot sa sinabi sa kanya ng Heneral. Nang dahil sa kanyang pagsisinungaling ay nawalan siya ng pagkakataong maging malaya kaya tuloy pa rin ang pagdala sa kanya sa kulungan para pagbayaran ang mga nagawa niyang kasalanan. Samantala, tinupad ng Heneral ang sinabi nito na palalayain si Esteban. Nangako naman ang lalaki na kakalimutan na ang pangho-holdap at maghahanap na ng mas marangal na trabaho para sa kanyang pamilya.
Ang ginawa pala ni General Reymundo ay taon-taon niyang panata mula nang makaligtas siya sa isang aksidente. Dahil binigyan pa siya ulit ng pangalawang pagkakataon na mabuhay ay ipinangako niya na taon-taon ay magbibigay siya ng pagkakataon sa mga mahuhuling kriminal na magbagong buhay, kaya kapag may mga nadadakip siyang mga taong naliligaw ng landas at nagkakasala sa batas isang beses sa isang taon ay nagbibigay siya ng mga pagsubok at kung sino ang magtagumpay sa mga pagsubok na iyon ang siyang magagantimpalaan. Iyon ang nangyari kay Esteban, siya ang masuwerteng nabigyan ng mabait na Heneral sa taong iyon ng pangalawang pagkakataong mabuhay muli sa kabutihan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!