Tamad at Palaasa ang Tingin ng Dalagang ito sa mga Pulubi; Magbabago pa kaya ang Pananaw Niyang Ito?

“Mahal, kakainin mo pa ba ‘yang tira mong tinapay at inumin?” tanong ni Marco sa kaniyang nobya, isang hapon habang sila’y naghihintay ng kanilang pinalabang damit sa harap ng isang laundry shop.

“Hindi na, mahal, bakit? Nagugutom ka pa ba? Ito, o, sa iyo na lang,” magiliw na sagot ni Sabrina saka iniabot sa kasintahan ang naturang pagkain.

“Ay, hindi, busog na ako. Naisip ko lang na ibigay na lang ‘yan doon sa lalaki,” sagot nito sabay turo sa isang lalaking nakatungo sa tapat ng naturang laundry shop.

“Naku, mahal, bakit ba palagi kang gan’yan sa tuwing nakakakita ka ng mga pulubi? Obligasyon mo ba sila, ha?” inis niyang tanong dito.

“Hindi naman, naaawa lang ako sa kanila. Tayo may nakakain, masasarap pa, eh, sila? Maswerte na yata sila kapag nakakain sila ng isang beses sa isang araw. Kaya naisip ko, bilang mga taong may kakayahan namang tumulong, bakit hindi natin sila bigyan kahit papaano,” paliwanag nito na lalo niyang ikinainis.

“Ginagawa mo lang silang palaasa, Marco. Ang laki-laki ng katawan niyan, ayaw magtrabaho. Hayaan mo silang magutom kung iyon lang ang bagay na makakapagpasipag sa kanila!” sagot niya at nang makita niyang nailagay na sa kanilang sasakyan ang pinalaba nilang damit, agad na niya itong niyayang umalis, “Halika na, umalis na tayo rito!” utos niya rito dahilan para agad nitong paandarin ang naturang sasakyan.

Kung ang ibang tao’y malambot ang puso sa tuwing nakakakita ng mga taong hirap sa lansangan at ang tanging paraan upang mabuhay ay ang panlilimos, ibang-iba ang pananaw ng dalagang si Sabrina. 

Para sa kaniya, hindi kailangang tulungan ng mga nakakaalwang mga tao ang mga pulubing umaasa lamang sa iba. Katwiran niya, “Habang may nagbibigay sa kanila, patuloy silang manlilimos at aasa sa bigay ng mga tao. Pero kung titigil ang mga taong magbigay, matututo silang magbanat ng buto,” dahilan para palagi siyang mainis sa nobyong madalas magbigay ng tulong sa mga pulubi sa lansangan.

Advertisement

Sa tuwing makakakita nga siya ng pulubi, imbis na bigyan niya ang mga ito, minamata niya ang mga ito. Palagi niyang sinasabi sa mga pulubi, mapamatanda man o bata, “Huwag kang maging pabigat sa lipunan. Katamaran ang dahilan kaya wala kang makain. Magtrabaho ka, hindi ‘yong manlilimos ka!”

Sa katunayan, may punto naman talaga ang paniniwala niyang ito. Kaya lang, hindi niya dapat pakitunguhan nang ganito ang mga kapos palad katulad na lang ng palaging sinasabi ng kaniyang nobyo dahilan para palagi rin silang magtalo.

Noong araw na ‘yon, pagkatapos nilang kuhanin ng kaniyang nobyo ang mga pinalaba niyang damit, agad na siyang nagpahatid dito pauwi dahil sa kaniyang pagkainis.

Kaya lang, wala pang ilang oras, bigla naman siyang nakaramdam ng gutom. Ayaw niya namang kainin ang tirang pagkain niya dahilan para kahit madilim na, magpasiya siyang mag-isang lumabas upang bumili ng kaniyang makakain.

Habang siya’y tahimik na naglalakad palabas ng kanilang lugar, sa isang madilim na parte, bigla na lang may isang lalaking lumapit sa kaniya.

“Anong kailangan mo?” tanong niya, luminga-linga muna ito bago siya tinutukan ng kutsilyo sa tiyan.

“Labas mo na ang wallet at selpon mo, dali!” bulong nito sa kaniya dahilan para siya’y manlamig.

Ramdam na ramdam niya ang tusok ng kutsilyo sa kaniyang tiyan na labis niyang ikinakaba dahilan para unti-unti niyang iabot dito ang wallet at selpon niya.

Advertisement

Kaya lang, bago pa ito makuha ng kawatan, bigla na lang may isang binatilyong pumukpok ng bote sa ulo nito at siya’y agad na hinila patakbo.

“Tumakbo ka na nang mabilis, ate!” sigaw nito sa kaniya habang siya’y hila-hila na agad naman niyang ginawa. 

Nang makarating na sila sa mataong lugar, binitawan na siya nito at sinabing, “Huwag kang dadaan mag-isa doon, ate, maraming masamang loob doon kapag ganitong oras,” na labis niyang ikinapasalamat.

Habang nagsasalita ito, napansin niyang mausing ito at walang tsinelas.

“Pulubi ka?” tanong niya rito.

“Opo, ate,” nakatungong sagot nito.

“Bakit hindi ka nagtatrabaho? Malakas ka naman,” pang-uusisa niya.

“Gustuhin ko man, ate, walang tumatanggap sa akin. Hindi raw ako mapagkakatiwalaan. Saka, wala akong pera na magagamit para makakuha ng mga requirements ng mga kumpanya,” sagot nito na talaga nga namang nagbukas sa pikit niyang mga mata tungkol sa buhay ng mga pulubi. 

Advertisement

Doon siya unang nakaramdam ng awa sa mga pulubing katulad ng binatilyong kaharap niya. Wika niya, “Hindi nga siguro talaga pantay at pareho ang mundong ginagalawan namin,” saka siya nagdesisyong ito’y tulungang makahanap ng trabaho sa tulong ng kaniyang nobyo.

Pinasok ito ng kaniyang nobyo bilang isang serbidor sa negosyo nito. Sa ganoong paraan, hindi lang ang buhay ng binatilyong ito ang umayos, kung hindi pati buhay ng pamilya nito, unti-unting nagbago.

Hindi naman siya nagsisi sa desisyong ito dahil kitang-kita niya ang sipag at tiyaga ng naturang binata.

Simula noon, unti-unti nang lumambot ang puso niya sa mga taong kapos-palad at gumagawa na talaga siya ng paraan para makatulong sa abot ng kaniyang makakaya sa tulong na rin ng kaniyang nobyo.