Inday TrendingInday Trending
Balak Pagnakawan ng Babae ang Mayamang Amo; May Lihim pa Siyang Matutuklasan na Mas Ikamamangha Niya

Balak Pagnakawan ng Babae ang Mayamang Amo; May Lihim pa Siyang Matutuklasan na Mas Ikamamangha Niya

Isang matinik na magnanakaw si Rhoda. Ang teknik niya para makapagnakaw ay kunwari siyang nag-a-apply bilang kasambahay sa mga mayayamang pamilya.

Napakagaling niyang mandaya ng mga dokumento at may mga kapit din siya sa awtoridad kaya hindi siya basta-basta nahuhuli sa kaniyang mga modus. Isang araw ay nakakita siya sa internet na mayroong nangangailangan ng kasambahay.

“Aba, wanted house helper! May mabibiktima na naman ako,” wika ni Rhoda sa isip.

Agad siyang nagsiyasat at pinag-aralang mabuti ang impormasyon tungkol sa mayamang babae na magiging amo niya.

“At talaga palang napakayaman ng babaeng ito! May-ari ng isang napakalaking kumpanya ang pagsisilbihan ko. Sisiguraduhing kong matatanggap ako sa trabaho at makakatira ako sa mala-mansyong bahay niya,” sabi pa niya.

Agad siyang nakatanggap ng tawag at pinapunta sa bahay ng mayamang babae para sa kaniyang interview. Pinatuloy siya ng matandang lalaki na tila katiwala at pinapasok na siya sa loob ng bahay. Laking gulat niya nang makita na totoo ngang mala-mansyon iyon. Hangang-hanga siya sa mga magaganda at mamahaling mga gamit na nasa loob ng sala.

“Wow! Tiba-tiba ako nito!” tuwang-tuwang sabi niya sa sarili habang lumilinga-linga sa paligid.

Maya-maya ay humarap na sa kanya ang magiging amo niya. Hindi siya makapaniwala na nakapakabata pa pala nito. Sa tingin niya ay nasa edad beinte hanggang beinte singko anyos lang ang magandang babae.

“Ikaw ba ang nag-a-apply na kasambahay?” nakangiti nitong tanong.

“O-opo, ako nga po. Ako po si Rhoda Manlapaz,” sagot niya.

“Buweno, mukha ka namang mapagkakatiwalaan. Pinag-aralan ko ring mabuti ang mga dokumento na isinumite mo sa akin. Hindi na kita pina-background check dahil maganda naman ang records mo sa mga eskwelahan at sa mga naging trabaho mo kaya tanggap ka na, hija! Ako nga pala si Donessa, mag-isa lang akong nakatira sa bahay na ito. ‘Yung matandang lalaki na nagpapasok sa iyo rito ay si Mang Gusting, ang aking hardinero. Pagsapit ng hapon ay umuuwi rin siya kaya tayong dalawa lang ang magkasama rito,” paliwanag ng babae.

“Naku, salamat po. Hinding-hindi po kayo magsisisi na ako ang tinanggap niyo, ma’am!” masayang tugon ni Rhoda. “P-pero, hija? Eh, mukhang mas matanda pa nga ako sa kaniya?” nagtataka niyang tanong sa isip.

Pero mas nangibabaw sa kaniya ang kasiyahan dahil nalaman niyang mag-isa lang sa mansyon na iyon ang babae. Mas madali niyang maisasakatuparan ang balak niyang pagnanakaw. Ngunit wala pang isang linggo siyang naninilbihan kay Donessa ay nagtataka na siya.

“Nawi-weirdohan ako sa dating ng babaeng ito. ‘Di hamak na mas bata siya sa akin subalit kung kumilos, manamit at magsalita’y para siyang matanda. Sa tingin ko’y may inililihim ang Donessang ito at iyon ang aalamin ko,” sabi ni Rhoda sa sarili habang naghahanda ng pagkain para sa pananghalian.

“Nakahanda na pala ang pagkain? Mukhang masarap ah! Halika na, Rhoda at sabayan mo na akong kumain,” yaya ni Donessa.

“N-nakakahiya naman, ma’am. Mamaya na po ako kakain sa kusina,” tugon niya.

“Ayokong mag-isang kumain kaya sabayan mo na ako! Maupo ka na riyan at kumain, hija!” patuloy na alok ng babae.

“S-sige po kung ‘yan ang gusto niyo, ma’am. At sinabihan na naman ako ng hija, ano kayang lihim mayroon ang babaeng ito?” aniya sa isip.

Habang tumatagal ay nakakagiliwan at mas lalong napapalapit ang loob ni Donessa kay Rhoda.

“Ang sipag mo naman, Rhoda. Magpahinga ka naman. Alas diyes na ng gabi pero naglilinis ka pa rin? Itigil mo na ‘yan at matulog ka na,” sabi ng babae.

“Tatapusin ko lang po ito, ma’am,” sagot ni Rhoda.

“Ipagpatuloy mo lang ‘yan at malayo ang mararating mo, hija,” wika pa ni Donessa.

“Salamat po sa pagtitiwala. Eh, hindi ko pa nga po nalilinis ang ibang parte ng bahay lalo na po ‘yung pinakadulong kuwarto sa itaas. Nakakandado po kasi,” sambit ni Rhoda sa amo.

“Huwag na huwag mong papasukin ang kuwartong ‘yon, Rhoda. Sadya kong ikinandado ‘yon. Hayaan mo at ipapakita ko rin sa iyo ang kuwartong iyon sa tamang panahon,” tugon ng babae.

Mas lalong umigting ang pagnanais ni Rhoda na malaman ang lihim ni Donessa sa sinabi nito.

“Ano kaya ang nasa kuwartong iyon? Hmmm…malakas talaga ang kutob ko. Malapit ko nang matuklasan ang lihim mo. Pagkatapos kong limasin lahat ng mayroon ka sa bahay na ito ay ikaw naman ang ililigpit ko para walang ebidensiya,” sabi ni Rhoda sa sarili.

Kinagabihan, isasakatuparan na ni Rhoda ang planong pagnanakaw at pagp*slang kay Donessa. Inantay niya munang pumasok ang babae sa kuwarto nito at balak niya na doon tapusin ang buhay nito nang…

“Huh? Putris! Sino ang matandang iyon na lumabas sa kuwarto ni Donessa? Akala ko ba ay kaming dalawa lang ang narito sa mansyon?” nagtatakang sabi ni Rhoda sa isip.

Kitang-kita niya kasi na may matandang babae na nanggaling sa kuwarto ng kaniyang amo. Una nang sinabi nito na mag-isa lang ito sa bahay at walang ibang kasama. Palihim niyang sinundan ang matanda hanggang…

“T-teka, iyon ang kuwarto na ayaw pabuksan ni Donessa. ‘Di kaya iyon ang kuwarto ng matandang ito? P-pero sino siya? Bakit hindi siya pinakilala sa akin ni Donessa?” aniya.

Nakapasok na sa kuwarto ang matanda ngunit naiwan nitong nakabukas ang pinto kaya’t pakubling sumunod si Rhoda sa loob.

Nang tuluyan siyang makapasok ay nakita niyang humiga sa isang malaking kama na punumpuno ng mababangong orkidyas ang matanda at laking gulat niya nang nakalapat na ang katawan nito sa mga bulaklak ay biglang nagbago ang anyo nito. Unti-unting bumabata ang matanda at kilalang-kilala niya kung sino ang babaeng iyon na nakahiga sa kama, walang iba kundi si Donessa.

“S-si Donessa at ang huklubang matanda ay iisa pala?! Ito pala ang sikreto niya, humihiga siya sa balumbon ng mga orkidyas at nagbabagong anyo siya. Ibig sabihin ay matanda na pala talaga siya at ang mahiwagang mga bulaklak na ito ang ginagamit niya na pampabata. Sabi na nga ba at may inililihim ang babaeng ito, eh. ‘Di lang pala ako yayaman dito, magiging bata rin ako at kasing ganda niya. Tiyak na mas marami akong mabibingwit na mayayamang lalaki,” tuwang-tuwang sambit ni Rhoda.

Ngunit biglang nakaramdam si Donessa na may tao sa loob ng kuwarto at nakita siya.

“R-Rhoda?! Anong ginagawa mo rito?!”

Hinarap ni Rhoda ang babae.

“Aha! Donessa, niloko mo ako! Akala ko’y batambata ka pa, pero amoy lupa ka na pala talaga! Iyan pala ang sikreto mo kung bakit nananatili kang bata at sariwa, hindi ako papayag na ikaw lang ang makikinabang sa mga bulaklak na ‘yan! Ako naman ang magpapabata para makamtan ko ang kasariwaan at kagandahan!”

Dali-daling pinaalis ni Rhoda si Donessa sa kama at siya ang humiga sa balumbon ng mga orkidyas.

“S-sandali, huwag mong gagawin ‘yan!” sigaw ni Donessa.

Pero huli na, nailapat na ni Rhoda ang katawan sa kama na punumpuno ng mga bulaklak ngunit imbes na bumata ay nagimbal siya sa nangyari sa kanya.

“B-bakit naaagnas ang katawan ko?! H-hindi!” hiyaw ni Rhoda.

Unti-unting naagnas ang katawan ni Rhoda hanggang sa bawian siya ng buhay.

Huli na para magsisi.

“Sa mga maiitim ang budhing tulad mo’y kam*tayan ang hatid ng mga orkidyas na ‘yan. Sana ay hindi mo pinagana ang iyong kabuktutan. Sayang, pinagkatiwalaan pa naman kita. Ang akala ko’y mabuti kang tao, iyon pala ay may balak kang masama. Ipagtatapat ko na sana sa iyo ang aking lihim para pati ikaw ay makinabang sa hiwaga ng aking mga orkidyas, para mabago rin ang iyong buhay,” sambit ni Donessa.

Ipinagkaloob sa kaniya ng isang diwata ang mahiwagang mga orkidyas na iyon. Ang ‘di alam ni Rhoda ay isang matulunging tao si Donessa lalo na sa mga mahihirap. Mayroon siyang sariling foundation na nagbibigay ng trabaho at nagpapaaral sa mga mahihirap. Marami pa siyang gustong matulungan, mangyayari lamang iyon kung hahaba pa ang kaniyang buhay. Samantala, malagim na katapusan naman ang naghihintay sa taong may masamang intensyon kapag humiga sa balumbon ng mga bulaklak na iyon.

Advertisement