Inday TrendingInday Trending
Mahiwaga raw ang Antigong Kuwintas na Ipinamana ng Ina sa Bunsong Anak kaya Pilit Itong Inagaw ng Panganay na Anak; Matinding Karma Pala ang Sasapitin Nito

Mahiwaga raw ang Antigong Kuwintas na Ipinamana ng Ina sa Bunsong Anak kaya Pilit Itong Inagaw ng Panganay na Anak; Matinding Karma Pala ang Sasapitin Nito

Mahina na ang pangangatawan ni Aling Rubina dahil sa malubhang karamdaman. Nararamdaman din ng matanda na malapit na siyang sumakabilang buhay kaya naisip niyang ibigay na sa dalawang anak ang kaniyang mga pamana.

Una niyang ipinatawag para bigyan ng mana ang panganay niyang anak na si Ava.

“Ano? Inistorbo mo ako mama at pinapunta rito para ibigay lang sa akin ang walang kwentang lupain mo?” inis na tanong ni Ava sa ina.

Ang panganay na anak na si Ava ay isang mayamang negosyante at alahera sa Maynila. Nakapangasawa ito ng matandang may-ari ng malaking minahan na ‘di naglao’y sumakabilang buhay na rin kaya sa babae iniwan ang mga ari-arian nito. Lumaking mapagmataas at maluho ang anak niya kaya mataas rin ang inaasahan nitong mana sa kaniya.

“Malaking hirap ang isinakripisyo namin ng inyong yumaong ama sa lupain ng ating pamilya. Makapagbibigay ito sa iyo ng magandang kabuhayan,” wika ni Aling Rubina.

“Pero ayoko ng lupain dito sa probinsya. Malaki na ang lupaing ipinamana sa akin ng yumao kong asawang si Tiburcio kaya hindi ko na kailangan ‘yan, ang gusto kong ipamana niyo sa akin ay ang antigo niyong kuwintas,” tugon ni Ava sa ina.

Ang tinutukoy ni Ava ay ang antigong kuwintas na ipinamana pa ng kanilang lola sa kaniyang ina na suot nito.

“Hindi maaari, anak. Ang antigong kuwintas na ito ay siyang ipapamana ko sa bunso mong kapatid na si Ariela.”

Nang marinig ang sinabi ng ina ay nakaramdam ng galit si Ava.

“Bakit kay Ariela niyo ibibigay ang kuwintas? Ako ang panganay na anak kaya dapat na iyan ang ibigay niyo sa akin!” singhal ni Ava sa nakaratay na ina.

“Maganda na ang buhay mo, anak. Ang lahat ay nasa iyo na, hayaan mong ang kapatid mo naman ang magkaroon ng maayos na buhay,” paliwanag ni Aing Rubina.

“Ibig sabihin ay totoo pala ang ikinuwento niyo sa amin noon na mahiwaga nga ang kuwintas na ‘yan? Na ang antigong kuwintas na ‘yan ay hindi ordinaryong kuwintas?” tanong ni Ava.

“Oo, anak. May kakaibang galing ang kuwintas na ito at sadyang napakahiwaga. Ito ang dahilan kung bakit umunlad ang buhay namin ng inyong ama. Ibinigay ito ng isang matandang lalaki sa iyong lola noong nabubuhay pa siya. Ang sabi niya sa akin ay itong kuwintas na suot ko ay handog ng matanda sa kaniya nang minsang iniligtas niya ito sa kapahamakan. May dalang suwerte ang antigong kuwintas ni inay na nagdala nga ng sangkatutak na suwerte sa amin. Habang nasa kamay ng may-ari ang kuwintas ay patuloy siyang susuwertehin ngunit hindi na sakop ng hiwaga ng kuwintas ang kalusugan ng isang tao kaya kahit ako ay hindi nito nailigtas sa aking karamdaman at nalalapit na pagpanaw,” paliwanag ng ginang.

“Kung gayon ay bakit kay Ariela niyo ipapamana ang kuwintas?” may hinanakit na tanong ni Ava.

“Sinabi ko na sa iyo ang dahilan, anak. Maayos na ang buhay mo, pero ang kapatid mo ay naghihirap naman ngayon. Mahina ang kita ng asawa niya sa pagpipinta at kulang na kulang naman ang kinikita niya sa pinapasukang pabrika kaya sa kanya gustong ibigay ang kuwintas para siya naman ang mabigyan ng masaganang buhay,” sagot ni Aling Rubina.

Lalong nagka-interes si Ava sa narinig.

“Hindi ako papayag na mapunta sa kapatid ko ang mahiwagang kuwintas. Ako ang dapat na magmay-ari niyan, ako lang dapat! Kasalanan ng g*ga kong kapatid kung bakit siya naghihirap, sumama kasi siya at mas pinili niyang pakasalan ang isang mahirap na lalaki kaya hindi umunlad ang buhay niya!” sabi ni Ava.

Bigla niyang hinaltak ang antigong kuwintas na nakasabit sa leeg ng ina at inangkin iyon.

“Sa akin ito dapat mapunta, inay, sa akin!”

Laking gulat ni Aling Rubina sa ginawa ng anak.

“H-huwag, anak! Pakiusap, ibalik mo ‘yan sa akin. Sa kapatid mo ang kuwintas na ‘yan!” pagmamakaawa ni Aling Rubina.

“Pasensiya na, mama, pero hinding-hindi ko ito ibibigay kay Ariela. Ako ang nararapat na magmay-ari ng mahiwagang kuwintas na nagbibigay ng suwerte!” tugon ni Ava na may halong paghalakhak.

“Pagbabayaran mo ito, anak. Pagsisisihan mo ito!” tanging nasambit ni Aling Rubina hanggang sa nanikip ang dibdib ng matanda at nalagutan ito ng hininga.

Sa pagpanaw ng ina ay hindi man lang nakaramdam ng lungkot si Ava. Sa isip niya ay mabuting nawala na ito dahil mas paborito naman nito ang bunso niyang kapatid. Hindi niya ibinalita kay Ariela ang nangyari sa kanilang ina. Mas mahalaga sa kaniya ang nakuha niyang kuwintas.

Sa bahay ni Ava ay hindi siya mapakali sa pagkakahawak sa antigong kuwintas.

“Kuwintas, kuwintas, kung may kapangyarihan ka ay ipakita mo ngayon sa akin!” aniya saka isinuot sa kanyang leeg.

Ilang linggo ang lumipas pero wala namang kakaibang nangyayari sa kaniya.

“Bakit hanggang ngayon ay wala namang nangyayari? Sabi ni mama ay susuwertehin daw ang magmamay-ari nito pero ilang linggo na ang lumipas eh, hindi naman ako sinusuwerte. Palagi nga akong natatalo sa casino! Hindi naman yata totoo na mahiwaga ito, ang mabuti pa ay ibenta ko na lang ito at tiyak na malaki ang kikitain ko,” wika ni Ava.

Akmang huhubarin niya ang kuwintas ay biglang humigpit ang pakakasuot nito sa kanyang leeg hanggang sa hindi na siya makahinga.

“S-sinasakal ako ng k-kwintas! Arrkkk!”

Mas lalo itong humigpit hanggang sa tuluyan siyang nalagutan ng hininga. Dilat ang mga mata niyang humandusay sa sahig na wala nang buhay.

Matapos ang nangyari kay Ava ay saka lamang nalaman si Ariela ang pagpanaw ng ina at ng kapatid. Nalaman din niya ang tungkol sa antigong kuwintas na ipinamana sa kanya ni Aling Rubina. Ang hindi alam ni Ava ay nakagawa na ng sulat ang kanilang ina para kay Ariela na nagsasabing sa bunso nitong anak ibibigay ang kuwintas dahil ito ang higit na nangangailangan.

Nang puntahan ni Ariela ang puntod ng ina ay nagpasalamat ito.

“Maraming salamat po mama dahil sa akin niyo ibinigay ang antigo niyong kuwintas. Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit suot ito ni Ate Ava nang matagpuan ang kaniyang labi?”

Ang pagkakaalam ni Ariela ay inatake sa puso si Ava sa bahay nito na sanhi ng pagpanaw ng kapatid.

“P-pero hindi na iyon mahalaga, alam kong payapa na at masaya si ate kung nasaan man siya ngayon gaya mo, mama. Sayang lang at hindi ko na kayo kasama ng aking kapatid. Mahal na mahal ko po kayo,” naluluhang sabi ni Ariela.

“Ngayon na nasa iyo na ang antigong kuwintas ng iyong mama, ano na ang plano mo, mahal?” tanong naman ng asawang si Carlos.

“Ang sabi ni mama ay isuot ko lang daw ito at huwag hayaan na malayo sa akin dahil tiyak na susuwertehin daw ako at uunlad ang ating pamumuhay. Kapag nangyari ‘yon ay hindi na tayo maghihirap, Carlos. Mapag-aaral na natin nang maayos ang ating mga anak at marami tayong matutulungang tao. At saka kapag nagkaroon tayo ng malaking pera ay makakapagpa-opera na ako ng aking mga mata at muli na akong makakakita, mahal ko,” sagot ni Ariela sa mister.

Karapat-dapat lang talagang mapunta kay Ariela ang antigong kuwintas ni Aling Rubina dahil sa maganda nitong hangarin ‘di tulad ni Ava na pansarili lang ang inisip. Isinilang palang bulag si Ariela kaya mas binigyan ng atensyon ni Aling Rubina ang bunsong anak kesa kay Ava at iyon ang hindi naintindihan ni Ava kaya lumaki itong may hinanakit sa ina at sa kapatid. Sa kabila ng pagkakaroon ng kapansanan ay lumaki namang mabait at mabuting tao si Ariela. May pag-asa pa rin siyang makakita, ‘yun nga lang ay kailangan ng malaking halaga para sa operasyon.

Makalipas ang ilang buwan na nasa kamay ni Ariela ang kuwintas ay tila inulan nga ng suwerte silang mag-asawa. Nakapagpatayo sila ng negosyo na mabilis na lumago. Nagkaroon din sila ng mga ari-arian at malalaking lupain. Muli rin siyang nakakita dahil nakapagpa-opera na siya ng kaniyang mga mata sa tulong ng malaking kinikita nila sa kanilang mga negosyo. Bumuhos pang lalo ang suwerte nang magpatayo ang mag-asawa ng eskwelahan sa kanilang lugar kung saan libreng nakakapag-aral ang mga kabataan na kapos sa buhay.

Marahil ang kuwintas na rin ang gumawa ng paraan para hindi magtagumpay si Ava sa masamang balak at tuluyang maibalik sa tunay na nagmamay-ari. Tunay nga na mahiwaga ang antigong kuwintas, ‘di ba?

Advertisement