
Inis ang Dalaga dahil Hinihiya raw Siya Palagi ng Kaniyang Ate; Pasasalamatan Niya pa Ito Bandang Huli
Katatapos lamang ng klase ngunit imbis na umuwi na ang dalagang si Gracie ay tumatambay pa ito sa plaza malapit sa eskwelahan kasama ng ilang kababaihan na kasing edad din niya.
“Gracie, humanda ka na at papalapit na ang ate mo. At sa tingin ko ay hindi siya natutuwa na magkasama tayo dahil mula rito ay nakikita ko ang pag-usok ng ilong niya habang nakatingin sa atin!” natatawang kantiyaw ni Ramona sa dalaga.
“Alam mo, Gracie, bakit mo hinahayaan na ang ate mo ang nagdidikta sa iyo. Huwag kang sumunod kung ayaw mo ng pinagagawa niya sa’yo! Hindi naman niya hawak ang buhay mo!” saad muli ng dalaga.
“Sa tingin ko nga ay naiinggit sa iyo ‘yang ate mo dahil may mga kaibigan ka. Sabi sa akin ng pinsan ko na kaklase ang ate mo ay wala daw ‘yang kaibigan!” sambit pa ng isang dalaga.
Ilang sandali lang ay nariyan na nga ang nakatatandang kapatid ni Gracie na si Haydee.
“Kanina pa kita hinihintay para makauwi na tayo, narito ka lang pala. Tara na at hinihintay na tayo ni nanay sa bahay,” sita ni Haydee sa nakababatang kapatid.
“Sige na, ate, mauna ka nang umuwi at susunod na lang ako. Nag-uusap pa kami ng mga kaibigan ko, e!” tutol naman ni Gracie.
“Tara na, Gracie! Kapag sinabi kong tara na ay tara na!” napataas tuloy ang tono ng boses ni Haydee.
Batid ni Gracie na maaari siyang makagalitan ng kanilang ina kapag nagsumbong ang kaniyang ate. Kaya wala nang nagawa pa si Gracie kung hindi sumama kay Haydee. Pero labis ang inis ng dalaga sa kaniyang ate.
“Bakit kailan mong gawin ‘yun, ate? Bakit kailangang hiyain mo pa ako sa harap ng mga kaibigan ko?” sambit ni Gracie sa kapatid.
“Hindi mo kaibigan ang mga ‘yun. Magiging masama silang impluwensya sa’yo! Kilala mo naman si Ramona at ang kaniyang grupo. Hindi maganda ang reputasyon ng mga ‘yan! Atupagin mo ang pag-aaral mo at umiwas ka na sa kanila!” wika naman ni Haydee.
“Sinasabi mo lang ‘yan kasi naiinggit ka dahil wala kang kaibigan sa eskwela! Paano nga naman magkakaroon ng kaibigan ang isang wirdo at mataray na kagaya mo! Wala kang karapatan na sabihin kung sino ang sasamahan ko o sino man ang magiging kaibigan ko! Hindi ikaw si nanay!” saad pa ni Gracie.
Pag-uwi ng bahay ay nahalata ng kanilang inang si Thelma na tila may hidwaan sa pagitan ng magkapatid.
“Ayan kasing si Ate Haydee, porket matanda lang siya sa akin ay wala nang ginagawa kung hindi ipahiya ako sa iba. Lagi na lang niya akong pinaghihigpitan. Akala niya yata ay pinalitan na niya kayo sa trono ng pagiging ina namin. Pati pagpili ng kaibigan ay pinakikialaman ako,” inis na sagot ni Gracie.
“Baka naman may punto ang ate mo, Gracie. Baka naman sumasama ka talaga sa mga hindi maaayos na kabataan?” tanong naman ng ina.
“‘Nay, hindi na po ako bata para pagsabihan niya! Tapos talagang hiniya pa niya ako sa harap ng mga tao! Nakakainis talaga!” sambit muli ng dalaga.
“Sumunod ka na lang sa ate mo dahil mas matanda siya sa’yo, Gracie,” wika pa ng ina.
Naiinis si Gracie dahil palagi na lamang kinakampihan ng ina ang nakatatanda niyang kapatid. Pakiramdam niya ay wala na siyang karapatan na magdesisyon sa kaniyang buhay.
Araw-araw ay sinusundo siya ng kaniyang Ate Haydee para sabay silang umuwi nito sa bahay. Dahilan ito upang lalong pagtawanan at kutyain ng mga kaibigan itong si Gracie.
“Hinayaan ko na lang siya kasi pagkatapos naman ng pasukan na ito ay magkokolehiyo na siya at hindi na niya ako mababantayan pa!” saad ng dalaga.
Natapos nga ang pasukan at hindi na makapaghintay si Gracie sa muling pagbubukas ng klase dahil hindi na niya makakasama pa ang kaniyang ate sa paaralan at wala nang magbabawal sa mga gusto niyang gawin.
Ngunit pagpasok pa lang ni Gracie ay napansin niya na ang halos lahat ng mga estudyante ay pinagtitingan siya at nagtatawanan.
Tiningnan niya ang kaniyang mukha sa salamin ngunit wala namang mali. Maging ang kaniyang suot ay tiningnan niya rin.
Maya-maya ay lumapit na si Ramona kay Gracie.
“Kahit kailan ay hindi ka na pwedeng sumama sa grupo namin, Gracie. Ayaw naming maging tampulan ng tukso nang dahil lang sa’yo!” sambit ng dalaga.
“A-ano ba ang nangyayari? Wala akong naiintindihan,” pagtataka naman ni Gracie.
“Hindi mo ba alam? Pumasok na janitress sa paaralan na ito ang kapatid mo. Naroon siya sa banyo ngayon at naglilinis! Kahit kailan ay nakakahiya ka talaga!” kantiyaw ni Ramona.
Nanlaki ang mga mata ni Gracie nang malaman niya ang nangyari. Agad siyang tumakbo sa palikuran ng paaralan upang tingnan kung naroon nga ang kapatid. Inabutan ni Gracie ang kaniyang Ate Haydee na naglilinis doon.
“Wala ka na bang ibang gagawin kung hindi pahiyain ako? Lahat sila ay pinagtatawanan ako ngayon! Kinahihiya ko na naging kapatid pa kita!” bulyaw ni Gracie sa kaniyang ate.
Agad na umuwi ng bahay si Gracie dahil sa kahihiyan. Padabog siyang pumasok ng kanilang bahay. Nagulat din siya nang makita na naroon pala ang kaniyang ina.
“H-hindi ho ba dapat nasa trabaho kayo, ‘nay? Ano po ang ginagawa n’yo rito?” pagtataka ng dalaga.
“Hindi ba dapat din ay nasa eskwelahan ka, Gracie? Ano ang ginagawa mo rito?’ pagtataka ng ina.
“Paano si ate, doon pa talaga sa eskwelahan namin napiling magtrabaho bilang janitress? Gano’n na ba siya kabobo at hindi na siya pumasok pa ng kolehiyo? Nagsisisi ako na siya pa ang naging kapatid ko! Kinahihiya ko siya!” pasigaw na sagot ni Gracie.
“Huwag kang magsasalita ng ganiyan sa ate mo, Gracie! Utang mo sa kaniya ang lahat kung bakit nakakapag-aral ka sa magandang eskwelahan ngayon! Pinili ng ate mo na huwag nang mag-aral sa kolehiyo at magtrabaho na lamang sa eskwelahan na pinapasukan mo ngayon upang makalibre ka ng matrikula! Sinakripisyo niya ang kinabukasan niya para unahin ang kapakanan mo!” sambit ni Thelma.
“Matagal na akong namomroblema dahil sa iniinda kong sakit. Kailangan ko na ring umalis sa trabaho upang pagtuunan ang aking kalusugan. Nais kong tulungan ng ate mo kaya gan’yan ang kaniyang ginawa. Huwag na huwag kang magsasalita nang masama laban sa kaniya dahil mabuti siyang anak at kapatid!” dagdag pa ng ina.
Labis na nagulat si Gracie sa inilahad na katotohanan ng kaniyang ina. Lubos siyang nagsisisi sa mga sinabi niya sa kaniyang Ate Haydee. Kaya dali-dali siyang bumalik ng paaralan upang puntahan ang kapatid.
Habang hinahanap niya sa palikuran ng paaralan si Haydee ay narinig niya si Ramona at ang ilang kaibigan na nag-uusap.
“Akala ata ni Gracie ay nabibilang talaga siya sa grupo natin. Kung hindi lang naman niya tayo pinapakopya ng asignatura ay hindi ko siya kakausapin! Hindi naman talaga siya kaaya-aya kaya kahit anong gawin niya ay hindi ko siya gustong maging kaibigan!” natatawang sambit ni Ramona.
Lalong sumama ang kalooban ni Gracie sa sinabi ng tinuturing niyang kaibigan. Nais sana niyang awayin pa ang grupo ni Ramon ngunit biglang may humawak ng kaniyang kamay upang siya ay pigilan.
“Huwag mo na silang pag-aksayahan ng panahon, Gracie. Lumayo ka na lang sa kanila at pagbutihin mo ang pag-aaral. Patunayan mo sa kanila kung sino ang tunay na mas magaling,” saad ni Haydee sa kapatid.
Napayakap na lang si Gracie nang makita niya ang kaniyang Ate Haydee. Hindi niya mapigilan na mapaluha habang humihingi ng kapatawaran sa kapatid.
“Patawarin mo ako, ate. Patawarin mo ako sa lahat ng mga nasabi ko at maling nagawa ko sa iyo. Maraming salamat sa lahat ng sakripisyo mo para sa akin. Habambuhay ko itong tatanawing utang na loob,” pagtangis ni Gracie.
“Ginagawa ko ang lahat ng ito dahil ako ang nakatatandang kapatid mo at mahal ko kayo ni mama. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba basta magkaroon ka lang ng magandang kinabukasan,” saad naman ni Haydee.
Mula noon ay hindi na kinahiya pa ni Gracie ang trabaho ng kaniyang ate. Sa katunayan pagkatapos ng klase ay tinutulungan pa niya ito sa mga gawain. Pinilit ni Gracie na manguna sa klase, hindi lang para patunayan sa marami ang kaniyang kakayahan kung hindi para na rin tumbasan ang sakripisyo ng kaniyang nakatatandang kapatid.