
Matagal Inilihim ng Lalaki ang Kaniyang Pagiging Binabae; Laking Gulat Niya nang Ipagtanggol Siya ng Sariling Ama
Hindi man lamang maiangat ni Fred ang kaniyang ulo habang binabagtas ang iskinita sa kanilang lugar dahil sa kahihiyan. Alam kasi niyang siya na naman ang pinag-uusapan ng mga tsismosa.
Anak ng retiradong pulis at guro itong si Fred kaya ganoon na lamang katunog ang usapan tungkol sa kaniyang kasarian.
Noon pa man kasi ay malambot nang kumilos itong si Fred. Sa edad na magkukwarenta ay wala pa rin itong asawa. At ni wala ring nabalitaan ang mga kapitbahay na naging nobya ito. Kaya malakas ang kutob nila na binabae nga itong si Fred.
“Amoy na amoy naman na kung ano ang kulay ng dugo at hindi pa umamin? Baka hanggang hukay ay dalhin pa niya ang kaniyang lihim,” pagpaparinig ng kapitbahay na si Aling Dolor.
“Baka hinihintay pang matsugi ang kaniyang mga magulang bago maglantad? Aba’y aabutin na siya ng katandaan kung iyon ang kaniyang balak!” natatawang saad naman ng ginang na si Aling Ester.
Hindi na maiwasan pa ng ilang ginang na nag-uumpukan sa iskinita ang pag-usapan ang buhay nitong si Fred. Dahil ayaw ni Fred ng gulo ay lagi na lamang niyang binabalewala ang mga sinasabi ng mga ito.
Pumapasok sa opisina si Fred bilang isang marketing assistant. Siya na ngayon ang bumubuhay sa kaniyang mga magulang na pawang mga pensyonado na.
Bata pa lamang ay alam na ni Fred na hindi siya ganap na isang lalaki ngunit dahil sa respeto at pagmamahal niya sa kaniyang mga magulang ay itinago na lamang niya ito sa kaniyang sarili. Ayaw niya kasing mabahiran ng kahit anong mantsa ang respetadong pangalan ng mga ito.
Ang tanging nakakaalam lamang ng tunay na katayuan ni Fred ay ang kasamahan at matalik niyang kaibigang si Glenda.
“Hanggang kailan mo ba talaga pahihirapan ang sarili mo, Fred? Mahal ka naman ng mga magulang mo at tiyak kong matatanggap nila kung sino ka man. Pabayaan mo na kung ano ang sasabihin sa iyo ng tao. Panahon na ito para masunod naman ang gusto mo. Unahin mo naman ang kaligayahan mo!” payo ni Glenda sa kaibigan.
“Hindi naman gano’ng kadali lang ‘yun, Glenda. Alam mo naman ang sitwasyon ko. Saka matatanda na rin sina tatay at nanay. Ayaw kong ako pa ang maging dahilan ng pagkakasakit nila,” tugon naman ni Fred.
“E, kailan mo balak ituloy ang pangarap mong magkaroon ng salon? Huwag mo sabihin sa akin na isasantabi mo na lang ang pangarap mo na ‘yan! Matagal ka nang nag-iipon para sa salon na ‘yan, Fred. Panahon na para isakatuparan mo ang lahat ng pangarap mo sa buhay,” saad muli ng dalaga.
Nais man ni Fred na ituloy ang kaniyang mga pangarap ngunit alam niyang mababalot lamang ito ng intriga. Natatakot siya sapagkat alam niyang kukutyain siya ng maraming tao at madadamay pa ang dignidad ng kaniyang mga magulang.
Kaya upang kahit paano ay magawa ni Fred ang kaniyang pangarap, minsan kapag wala siyang pasok ay lumilibot siya sa ilang parke o kalsada at doon naghahanap ng mga kabataan, mga ginang o mga lalaki na walang kakayahan na magpaayos ng buhok. Binibigyan niya ang mga ito ng libreng gupit.
Tuwang tuwa ang mga bata maging ang mga matatanda sa porma ng kanilang buhok matapos silang gupitan ni Fred.
Minsan may isang bata ang deretsahang nagtanong kay Fred tungkol sa kaniyang kasarian. Nagulat ang lahat sa tanong ng batang babae.
“Ano ba ang tinatanong mo riyang bata ka? Napakabata mo pa para sa ganiyan. Humingi ka ng tawad kay Kuya Fred mo,” sita ng ina ng bata.
“Pasensya ka na, Fred, talagang matabil iyang anak ko. Kung anu-ano ang sinasabi,” paghingi pa nito ng paumanhin.
Ngunit laking gulat ng lahat nang sagutin ni Fred ang katanungan ng bata.
“Oo, hindi ako tunay na lalaki. Pusong babae ako. Pero ayos lang ba kung sikreto lang natin ito kasi ikaw pa lamang ang pinagsabihan ko nito,” tugon naman ni Fred.
“Hayaan mo po, Kuya Fred, kapag may umapi sa inyo dahil sa hindi kayo tunay na lalaki ay ako po ang bahala sa kanila. Sisipain ko po sila at ipagtatanggol kita!” saad naman ng batang babae.
Sa pagkakataong iyon ay unang naramdaman ni Fred na mayroong tunay na taong kayang tumanggap sa kaniya. Sa piling ng mga taong ito siya nagkakaroon ng panandaliang kalayaan.
Masaya si Fred na umuwi ng bahay ng gabing iyon. Ngunit hindi niya akalain na naroon pa rin ang ilang kapitbahay na nagmamasid sa kaniya. Hindi pa rin siya tinitigilan ng mga ito sa intriga.
Kinabukasan, araw ng linggo, sama-samang nagtungo sa simbahan ang mag-anak ni Fred. Hindi pa man nakakapasok sa simbahan ay panay na ang mga bulungan ng ilang kapitbahay.
“Hindi na nahiyang humarap sa Diyos. Alam naman niyang malaki ang pagkakasala niya dahil isa siyang binabae! Kung ako sa kaniya ay sa labas na lamang ako at hindi na papasok pa,” bulong ng isang ale.
Ang isa ay nag-antanda pa ng krus nang dumaan si Fred sa kaniyang harapan. Kahit na nasasaktan ay hindi na pinatulan pa ni Fred ang mga kapitbahay. Ngunit paglabas ng simbahan ay tahasan na siyang binastos ng mga ito sa pamamagitan ng deretsang pakikipag-usap sa mga magulang niya.
“Dapat ay hindi n’yo na sinasabi sa loob ng simbahan ang makasalanan niyong anak! Kayo na lamang ata ang hindi nakakaalam na binabae ‘yang si Fred!” wika ni Aling Dolor.
Nais na sana ni Fred na pagsalitaan nang masama ang dalawang ginang nang biglang sumagot ang kaniyang ama.
“Hindi ba mas dapat kayong hindi papasukin sa simbahan dahil masama kayong mag-isip sa inyong kapwa? Kung pukulin n’yo ng bato ang anak ko ay parang wala kayong pagkakasala! Hindi tama na sabihan n’yo siya ng ganiyan dahil kahit kailan ay hindi kami binigyan ng kabiguan nitong si Fred. Matagal na naming alam na babae ang kaniyang puso. At tanggap namin kung ano pa siya. Hinihintay lamang namin na siya ang magsabi sa amin,” saad ng ama ni Fred.
Napaiyak si Fred sa pagtatanggol ng kaniyang ama.
“’Tay, paano na lamang ang pangalan na inalagaan n’yo ni nanay? Mababahiran na ito nang dahil lang sa binabae ako,” lumuluhang sambit ni Fred.
“Akala mo ba ay hindi namin alam ng nanay mo ang ginagawa mo, anak? Napakarami mong taong tinutulungan at hindi kailan man makakabawas sa dignidad ng apelyido natin ang pagiging binabae mo. Sa katunayan ay ipinagmamalaki ka namin dahil dalisay ang iyong puso,” dagdag pa ng ama.
Napahiya ang dalawang ale sa tinuran ng retiradong sundalo. Lalo pa silang napahiya nang dahil sa paninita nila kay Fred ay hinusgahan sila ng maraming tao.
Dahil sa sinabing iyon ng ama ay pinalaya na rin ni Fred ang kaniyang sarili. Sa wakas, makalipas nang matagal na panahon ng pag-iipon at pag-aasam ay maisasakatuparan na ni Fred ang kaniyang pangarap na magkaroon ng salon.
Nagtagumpay man si Fred sa kaniyang negosyo ay madalas pa rin siyang magpunta sa mga parke at kalye upang magbigay ng libreng gupit para sa mga mahihirap.