Inday TrendingInday Trending
Paulit-ulit na Binubuhat ng Ginoo ang mga Kahon Palabas at Pabalik sa Bodega; Nakakaantig ng Puso pala ang Dahilan

Paulit-ulit na Binubuhat ng Ginoo ang mga Kahon Palabas at Pabalik sa Bodega; Nakakaantig ng Puso pala ang Dahilan

Isang malakas na sampal ang sumalubong sa umiiyak na si Jessica nang malaman ng kaniyang amang si Celso na nagdadalantao ang anak. Agad namang inawat ni Violeta ang kaniyang asawa nang hindi na masaktan pa si Jessica.

“Ang kapal ng mukha mong magpakita pa rito! Para mo kaming trinaydor ng mama mo! Ginagawa namin ang lahat. Nagpapakapagod kami sa trabaho para lang mabigyan ka ng magandang buhay. Pero ito pa ang igaganti mo sa amin!” bulyaw ni Celso sa dalagang anak.

“P-pananagutan naman daw po ako ni Billy, papa. Pakakasalan niya raw po ako. Saka ipagpapatuloy ko pa rin naman po ang pag-aaral ko kahit na buntis po ako,” umiiyak na wika naman ni Jessica.

“Para saan pa? Para gawin kang katatawanan ng mga tao? Labis ka naming pinagmamalaki ng mama mo sa ibang tao na naiiba ka sa maraming kabataan. ‘Yun pala ay tulad ka rin nila na walang inisip kung hindi ang sariling nais. Simula ngayon ay ayaw ko nang makita pa ang pagmumukha mo sa bahay na ito! Wala na kaming anak ni Violeta. Sumama ka na sa mapapangasawa mo tutal binigo mo rin lang kami!” pasya naman ng padre de pamilya.

Pilit mang pinipigilan ni Violeta ang desisyon ng kaniyang asawa ay wala na siyang magawa. Alam niyang masasaktan lamang si Jessica kung mananatili pa ito sa kanilang poder.

“Bitbitin mo na ang lahat ng mga gamit mo! Ayaw kong may babalikan ka pa rito! Wala na kaming anak ni Violeta at ituring mo na ring wala kami!” dagdag pa ni Celso.

Lubos ang pagtangis ni Jessica. Ngunit hindi niya rin masisi ang kaniyang mga magulang dahil ramdam niya ang bigat ng pagkabigo ng kaniyang mga magulang dahil maaga siyang nabuntis.

Pangarap ng kaniyang ama na makapagtapos ng kolehiyo si Jessica bilang isang arkitekto. Ngunit sa palagay ni Celso ay malayo na itong mangyari dahil nasa ika unang taon pa lamang ng kolehiyo ay nabuntis na agad itong si Jessica ng kaniyang nobyo.

Labis din ang kahihiyan na nararamdaman ni Celso sa kaniyang anak. Ngunit kahit pa pinalayas na niya ito ay palihim siyang nangungulila kay Jessica.

Malapit kasi si Jessica sa kaniyang ama. Prinsesa nga kung ituring ni Celso ang anak. Lahat ng nais ng dalaga ay agad na binibigay ni Celso para lamang laging maging maligaya si Jessica. Kaya hindi maunawaan ni Celso kung saan siya nagkulang.

Minsan sy sinusubukan ni Violeta na kausapin ang asawa nang sa gayon ay mapatawad na ang anak nito.

“Anak pa rin natin siya, Celso. Hindi mo p’wedeng basta talikuran na lang si Jessica dahil sa isang pagkakamali,” saad ng ginang.

“Pinili niya ang landas na iyan. Pinili niyang sumuway sa atin. Paulit-ulit kong iniisip, Violeta kung saan ako nagkulang sa paalala sa ating anak. Walang araw na hindi ko ipinaramdam sa kaniya na mahal ko siya. Bakit niya ito nagawa sa atin?” sambit naman ni Celso.

Dahil sa pagkabigo at sa kinikimkim na sama ng loob ay bigla na lamang inatake sa puso si Celso. Ilang taon ding naratay dahil sa stroke ang ginoo. Mabuti na lamang at nariyan sa kaniyang tabi ang kaniyang misis. Hindi siya iniwan nito hanggang sa unti-unting bumuti ang kaniyang lagay.

Batid ni Celso na nag-uusap pa rin si Violeta at ang anak na si Jessica. Ngunit itinatago ito ni Violeta dahil ayaw niyang sumama ulit ang loob ng kaniyang mister.

Ilang beses na ring napapansin ni Violeta na may kakaiba sa kaniyang asawa. Nang makatayo ito muli ay nahilig ito sa pagbubuhat. Minsan ay nakikita niya itong nagbubuhat ng isang galong tubig nang pabalik-balik. Makalipas ang ilang linggo ay nakita na niya ito na nasa bodega at nagbubuhat ng mga kahon. Ilalabas niya sa bodega ang ilang kahong may lamang libro at muli niya itong ibabalik.

Nangangamba si Violeta na baka naapektuhan na ang isip ng kaniyang asawa. Agad niya itong sinabi sa kaniyang anak.

“May pagkakataon na kinakausap ko siya ngunit hindi siya sumasagot. Ngunit isang beses ay nabanggit kita at napatigil siya sa kaniyang ginagawa. Sa tingin ko ay nawawala na ang ilang memorya ng iyong ama. Sana bago tuluyang mawala ang memorya ng papa mo ay magkaayos kayo. Puntahan mo na siya dito at humingi ka ng kapatawaran. Matagal na panahon na iyon at ramdam kong hindi ka rin niya matitiis,” wika ni Violeta sa anak.

Natatakot man si Jessica na muling may mangyari sa kaniyang ama ay nilakasan niya ang kaniyang loob. Sa higit kasing limang taon ay nangungulila na rin siya sa pinakamamahal na ama. Nais niyang humingi ng tawad nang sa gayon ay bumalik na ang lahat sa dati. At higit sa lahat ay nais niyang ipakilala ang kaniyang kaisa-isang anak na pinagbubuntis niya noon, ang batang si Kyle.

Matagal na panahon na rin nang huling nasilayan ni Jessica ang kanilang tahanan. Hawak ang kaniyang anak ay sabay silang pumasok sa gate ng bahay ng mga magulang. Agad na bumungad sa kaniya ang ama na nagbubuhat ng mga kahon ng libro.

“Pa,” sambit ni Jessica sa ama.

“Paglingon ni Celso ay hindi na ito nag-atubili pa nang makita niya ang kaisa-isang anak. Agad niyang nilahad ang kaniyang mga bisig na animo’y naghahangad ng yakap. Dali-daling tumakbo si Jessica upang hagkan ang ama.

“Patawarin po ninyo ako sa lahat ng pagkakasala ko sa inyo, papa. Patawarin n’yo po ako. Pero tinupad ko po ang pangako ko, nakapagtapos po ako ng pag-aaral at isang ganap na po akong arkitekto. Hindi po ako tumigil sa pag-aaral, papa. Nais ko pa rin kasi na ipagmalaki n’yo ako ni mama,” pagtangis ni Jessica.

“Patawarin mo rin ako dahil pinagtabuyan kita sa mga panahon na kailangan mo ng magulang. Patawarin mo ako, anak. Hindi mo lang alam na walang na hindi ako nanabik sa muli mong pagbabalik,” umiiyak na wika naman ni Celso.

Pinawi ng mga yakap na iyon ang ilang taong samaan ng loob ng mag-ama.

Nang matanaw ni Celso ang kaniyang apo at dali-dali niya itong nilapitan. Sa unang pagkakataon ay nakilala niya si Kyle. Alam niyang mahina pa ang kaniyang mga bisig ngunit pilit niyang binuhat ang kaniyang apo.

“Matagal akong nag-ehersisyo upang sa una nating pagkikita ay makarga kita agad. Alam kong maraming taon ang nawala sa atin ngunit handa na akong punan ang lahat ng iyon,” saad ni Celso sa apo.

Dito na naliwanagan sina Violeta at Jessica. Kaya pala mahilig magbuhat itong si Celso ay dahil naghahanda ito sa pagkakataon na mabuhat niya ang kaniyang apo.

Muling nanumbalik ang magandang pagtitingan ng mag-anak. Lalo pang naging masaya ang kanilang pamilya dahil nadagdagan sila ng dalawang bagong miyembro ng pamilya — ang asawa ni Jessica at ang apo nilang si Kyle.

Advertisement