
Tinatanggal sa Trabaho ng Amo ang Janitor na may Malaking Problema; Ito ang Kaniyang Ginawa nang Mapatunayang Mali Siya
Maaga pa lamang ay nasa opisina na ang janitor na si Mang Gusting. Hinihintay kasi niya ang kaniyang boss na si Robert. Palinga-linga siya habang nilalampaso ang sahig. Hindi siya mapakali hanggang hindi dumadating ang kaniyang amo.
Hanggang sa ilang saglit lang ay dumating na rin ang kaniyang pinakahihintay. Nagmamadali man ang among si Robert na makapasok sa kaniyang tanggapan ay mabilis siyang kinausap ni Mang Gusting.
“Boss, mawalang galang na po sa inyo. Hihingi lang po ako ng kaunting sandali. May nais sana po akong ipakiusap kasi sa inyo,” bungad ni Mang Gusting sa amo.
“Bilisan mo, Gusting, at marami pa akong gagawin. Marami ka pa ring kailangang linisin dito,” tugon ng ginoo.
“May sakit po kasi ang panganay kong anak. Nasa ospital po siya at medyo malaking pera po kasi ang kailangan ko. Baka pwede pong mag-advance ng sahod. Parang awa n’yo na po,” saad pa ng janitor.
“HIndi ba kakabale mo lang noong isang buwan? Babale ka na naman ngayon?” sambit ni Robert sa medyo mas mataas na boses.
“Pasensiya na po talaga, boss. Kailangan ko lang po ng pera talaga dahil nasa ospital ang anak ko. Malaki na po ang bill namin sa ospital. Natatakot po ako na hindi mabigyan ng lunas ang anak ko kung wala po kaming pambayad. Hindi ko po makakayanan na mawala siya sa akin. Kahit na po magtrabaho ako magdamag ay ayos lang. Nais ko po sanang balihin ang tatlong buwang sahod ko,” pakiusap pa ni Gusting.
Batid ni Gusting na hindi papayag ang kaniyang amo kaya muli siyang nagpumilit.
“Pag-iisipan ko hanggang bukas, Gusting. Sa ngayon ay gawin mo muna ang trabaho mo at gagawin ko rin ang sa akin,” tugon muli ni Robert sabay pasok sa kaniyang opisina.
Wala nang nagawa pa si Gusting kung hindi maghintay.
Dalawampung taon na rin si Mang Gusting na janitor sa kompanya na pag-aari ng pamilya ni Robert. Talagang masipag at maaasahan itong si Gusting. Ngunit nitong mga nakaraang araw ay labis talaga siyang namomroblema dahil sa pagkakasakit ng kaniyang panganay na anak.
Nagkaroon kasi ng impeksyon ang panganay na anak ni Gusting sa dugo at nagkaroon ito ng mga komplikasyon dahil hindi agad naipagamot. Kasalukuyan itong naka-confine sa isang pampublikong ospital. Mahirap man para kay Mang Gusting ay hinahati niya ang katawan sa pagtatrabaho at sa pag-aalaga ng kaniyang anak dahil maagang yumao ang kaniyang asawa. Nakakapalitan niya ang kaniyang kapatid sa pag-aalaga sa anak sa ospital upang siya naman ay makapaghanapbuhay.
“Ano sabi ng amo mo, Gusting? Magpapahiram daw ba siya ng pera? Kahapon pa kasi ako tinatanong ng mga doktor. May kailangan pa kasing pagsusuring gawin ulit kay Laila. Tapos marami ring gamot na kailangang bilhin bukod pa ‘yan sa lumolobo na nating bill dito sa ospital,” saad ng kapatid ni Mang Gusting.
“Bukas ng maaga, ate, ipapaalala ko sa boss ko. Siguro naman ay papayag siya dahil sa loob ng dalawang dekada na pagtatrabaho ko sa kanila ay ngayon lang ako hihingi ng pabor. Saka pagtatrabahuhan ko naman ang hihiramin kong pera,” wika naman ni Gusting.
Kinabukasan, medyo nahuli si Gusting sa pagpasok sa opisina. Halos wala pa rin kasi siyang tulog mula sa pagbabantay sa kaniyang anak na may sakit.
Pagpasok niya ay agad siyang pinatawag ng kaniyang amo. Buong akala ni Mang Gusting ay pahihiramin na siya nito ng pera ngunit kabaligtaran ang nangyari.
“Nawawala ang tatlumpung libong piso na narito sa aking drawer. Gusting, ikaw ang huling naglinis ng aking opisina at bukod pa roon ay ikaw lang ang gipit. Ilabas mo na kung hindi ay ipapapulis talaga kita,” galit na sambit ni Robert.
“H-hindi ko po magagawa ang magnakaw sa inyo. At lalong hindi ko po kayang ipakain sa mga anak ko ang pera na galing sa masama. Sa dalawang dekada ko pong naninilbihan sa inyo ay kahit kailan ay hindi ko kayo pinag-isipan ng masama,” saad pa ng ginoo.
Ngunit walang pag-aalinlangan pa ring inakusahan ni Robert ang kawawang janitor.
“Ayaw mo talagang umamin. Pwes, simula ngayon ay hindi ka na nagtatrabaho dito. Pero baka sabihin mo ay wala akong puso. Hindi na kita ipapapulis pero hindi ka na makakatuntong pa kahit kailan sa opisinang ito,” saad pa ni Robert.
“Sandali lang, boss, hindi n’yo po pwedeng gawin ‘yan sa akin! Wala po akong kasalanan! Wala po akong ninakaw sa inyo! Hindi po p’wedeng mawala ang trabaho kong ito dahil ito lang po ang inaasahan namin ng mga anak ko! Parang awa n’yo na!” pagsusumamo ng ginoo.
Ngunit imbis na maawa ay pinatawag na lang ni Robert ang mga guard upang bitbitin palabas ng tanggapan si Mang Gusting.
Hindi na napigilan pa ni Mang Gusting na maiyak. Napagbintangan na nga siya ay nawalan pa siya ng trabaho. Labis ang kaniyang pag-aalala para sa kaniyang mga anak.
Nagtungo siya sa ospital upang tingnan ang kalagayan ng kaniyang anak. Doon ay kinausap na siya ng mga doktor.
“Kung hindi magagawa ang mga kinakailangang pagsusuri ay hindi rin mabibigyang lunas ang lumalalang kalagayan ng iyong anak, Mang Gusting,” wika ni Dok Ramil, ang doktor na tumitingin kay Laila, anak ni Mang Gusting.
“Dok, parang awa n’yo na. Bata pa ang anak ko. Marami pa siyang pangarap sa buhay. Tulungan n’yo po ako. Nawalan ako ng trabaho ngayong araw at hindi ko na po alam ang aking gagawin. Nababaliw na ako sa kakaisip ng paraan. Kahit na maglinis na lang ako nitong buong ospital tutal iyon lang ang kaya kong gawin. Wala akong tinapos, wala akong pinag-aralan. Dok, ang tanging nais ko lang po ay madugtungan ang buhay ng anak ko. Tulungan n’yo po ako,” pagsusumamo ni Mang Gusting.
Labis na nahabag si Dok Ramil sa sinapit ng kawawang ginoo.
“Titingnan ko po kung ano ang magagawa ko, Mang Gusting,” saad ng doktor.
Nawawalan na ng pag-asa si Mang Gusting. Hindi na rin niya alam kung saang kamay ng Diyos niya kukunin ang lahat ng panggastos na kailangan.
Nakita na lamang niya ang kaniyang sarili sa loob ng simbahan, nakaluhod, walang tigil ang pagluha at mataimtim na nananalangin.
“Diyos ko, Kayo lang po ang may kakayahan na pawiin ang lahat ng suliranin na aming dinaranas ngayon. Tulungan N’yo po ako at ang anak ko!” walang hanggang pagsusumamo ni Mang Gusting.
Pagbalik niya sa ward kung nasaan ang kaniyang anak ay nagulat na lamang siya nang may mga nars nang nagsasawa ng pagsusuri kay Laila.
“A-ano pong nangyayari? Wala pa po akong pambayad,” saad ni Mag Gusting sa mga nars.
Ilang sandali pa ay dumating na si Doc Ramil.
“Dok, ang akala ko po ay kailangan ko pang magbayad para lang po mapasuri ang anak ko? Ano po ang nangyari?” pagtataka ni Gusting.
“Mang Gusting, may nahanap na akong taong tutulong sa inyo at handa siyang bayaran ang lahat ng gastusin n’yo dito sa ospital,” saad ng doktor.
Labis na kinagulat ni Mang Gusting ang kaniyang narinig.
“S-sino po ang taong ito at kailangan ko po siyang mapasalamatan!” sambit pa ng ginoo.
“Mamaya ay narito na rin siya dahil may nais siyang sabihin sa’yo nang personal,” wika ulit ng doktor.
Ilang sandali pa ay nakita ni Mang Gusting ang among si Robert na papalapit sa kaniya. Nanlaki ang kaniyang mga mata dahil akala niya ay ipapupulis siya nito.
“Boss, hindi talaga ako ang kumuha ng pera. Hindi ko po talaga kayang gawin ‘yan sa inyo,” saad pa ni Mang Gusting.
“Alam ko, Mang Gusting. Kaya nandito ako ngayon upang manghingi ng tawad sa inyo,” wika ni Robert.
Sadyang nagugulumihanan pa rin si Gusting sa mga nangyayari.
“Mang Gusting, matapos po ang pag-uusap natin kanina ay agad kong tiningnan ang mga impormasyon n’yo ng iyong anak. Nagulat ako nang makitang sa kompanya ng aming pamilya pala kayo nagtatrabaho. Kaya agad kong tinawagan ang kapatid kong si Robert upang malaman ang tunay na nangyari,” paglalahad ng doktor.
“Nang sabihin naman sa akin ni Ramil na nagsusumamo ka raw sa kaniya dahil nawalan ka ng trabaho ay agad kong hinanap ang pera. Nagulat na lamang ako nang makita ito sa loob ng aking bag. Naalala ko nga pala na kinuha ko ito kagabi at isinilid sa aking bag. Nakakahiya ang ginawa ko sa’yo, Mang Gusting. Sa loob ng dalawang dekada na paninilbihan mo sa kompanya ay dapat mas kilala kita at mas pinagkakatiwalaan. Humihingi ako ng kapatawaran sa lahat ng nagawa ko. Bilang kabayaran sa lahat ng nagawa kong mali ay sasagutin ko na ang lahat ng bill n’yo dito sa ospital. Tutulungan ko rin kayo hanggang sa gumaling itong anak n’yo. At higit sa lahat ay maaari ka nang bumalik sa trabaho,” saad ng among si Robert.
Napaiyak na lamang sa tuwa itong si Mang Gusting.
“Maraming salamat sa Panginoon at agad Niyang dininig ang dasal ko! Maraming salamat po sa inyong dalawa, Dok Ramil at Boss Robert. Tatanawin ko po itong malaking utang na loob,” pagtangis ng ginoo.
“Karapatdapat ka sa biyayang ito, Mang Gusting, dahil bukod sa masipag ka at tapat ay isa kang dakila at huwarang ama. Saludo kami sa iyo,” saad ni Dok Ramil.