
Tutol ang mga Kapitbahay sa Pagkupkop ng Matanda sa Isang Galising Aso; Mapapahiya Sila sa Gagawin Nito
Halos malatid ang ugat sa leeg ni Aling Nora habang sinisigawan ang isang asong bagong salta sa kanilang lugar. Pinapalayo niya ito sa kaniyang bakuran. At kahit takot na takot na ang aso ay kumuha pa rin ng mahabang kahoy ang ginang at ambang papaluin ang naturang aso.
Sa lakas ng kaniyang pagsigaw ay napalabas ang kaniyang mga kapitbahay. Kabilang na dito ang matandang si Mang Ambo.
“Ano ba ang sinisigaw-sigaw mo riyan, Nora? Ano ba ang nangyayari?” tanong ni Mang Ambo sa ginang.
“Itong asong gala kasi na ito, walang ginawa kung hindi magpumilit na pumasok sa aking bakuran. Ilang beses ko nang pinapaalis pero patuloy pa rin ang pagbalik. Tingnan n’yo naman ang hitsura, talagang nakakadiri. Ang daming galis at puno ng sugat! Baka mamaya ay malawayan pa ako niyan at ma-rabies pa ako!” patuloy na bulyaw ni Aling Nora.
“Bitawan mo na ang kahoy na hawak mo at mukhang maamo naman ang aso. Baka lalo kang kagatin dahil akala ay pinagbabantaan mo siyang saktan,” payo pa ni Mang Ambo.
“Talagang sasaktan ko siya kapag hindi pa siya umalis sa tapat ng bahay ko! Baka mamaya ay dito pa magkalat ng pulgas ‘yan!” muling sambit ng ginang.
Napilitan nang lumapit si Mang Ambo sa bakuran ni Aling Nora upang siya na ang sumaway sa aso.
Sa una ay walang habas sa pag-angal ang aso ngunit hindi ito sinukuan ni Mang Ambo.
“Baka nauul*l na ang aso na ‘yan, Mang Ambo! Mamaya ay makagat pa kayo at magka-rabies! Lumayo na kayo riyan!” muling sigaw ni Aling Nora.
“Sa tingin ko, Nora, kailangan mo lamang na itikom ang bibig mo dahil mukhang natatakot lamang itong aso. Ibaba mo na rin iyang kahoy nang sa gayon ay hindi na niya maramdaman na may banta sa kaniya,” muling wika ng matanda.
Nakinig na lamang si Aling Nora sa matanda. Hindi naging madali para kay Mang Ambo ngunit kalauna’y napaamo rin niya ang aso.
“Sa tingin ko, kaya bumabalik-balik sa bakuran mo ang aso na ito ay dahil sa nauuhaw siya. Nais niyang makiinom riyan sa poso mo. Baka p’wede kang kumuha ng tubig upang painumin ang kawawang asong ito,” pakiusap ni Mang Ambo.
Ngunit tumanggi si Nora sa pakiusap ng matanda.
“Hindi makakatikim ang asong iyan kahit isang patak ng tubig mula sa pamamahay ko! Pinerwisyo ako ng asong iyan at kapag binigyan ko siya ay baka lalong magpabalik-balik ‘yan dito. Kung gusto n’yo ho ay kayo na ang kumuha ng iinumin niya!” sambit ni Aling Nora.
Wala nang nagawa pa si Mang Ambo kung hindi dalhin ang aso sa kaniyang bakuran upang painumin.
“Kawawa ka naman. Napakapayat mo at ang dami mong sugat. Marahil ay itinapon ka na lamang ng amo mo, ano? Sige lang at uminom ka. Kukuha lang ako ng makakain mo sa loob,” saad pa ni Mang Ambo sa kawawang aso.
Nahahabag man si Mang Ambo sa aso ay hindi naman niya ito maampon. Matanda na rin kasi siya at nag-iisa sa buhay. Higit pa roon ay alam niyang magrereklamo ang ilan niyang mga kapitbahay.
Ngunit nang matapos kumain ang naturang aso ay ayaw na nitong umalis sa tabi ni Mang Ambo. Dahil sa awa ay wala na siyang nagawa kung hindi kupkupin ang aso.
Dahil nasa kaniyang pangangalaga na ang naturang aso ay pinangalanan niya itong Batik.
“Sa tingin ko ay magandang aso ka noon. Napabayaan ka lang ng dati mong amo. Huwag kang mag-alala at pagagalingin natin ‘yang mga sugat mo sa katawan at ibabalik natin ang dati mong kakisigan,” nakangiting sambit ng matanda.
Nang malaman ng ilang kapitbahay ang ginawang pagkupkop ni Mang Ambo sa galising aso ay labis na nangamba ang mga ito. Kaya ni-report nila ito sa asosasyon ng kanilang subdivision.
“Kumupkop ng isang galising aso ang matandang si Mang Ambo. Baka mamaya ay makakawala ang aso at magwala tapos ay pagkakagatin ang mga batang naglalaro sa daan! Gumawa na kayo ng paraan para maialis ang aso sa komunidad na ito! Tila nasisiraan na talaga ng ulo ‘yang matandang iyan!” saad ni Nora sa pamunuan.
Dahil sa dami nagreklamo na kanilang natanggap ay pinuntahan agad ng pamunuan ang tahanan ni Mang Ambo upang ito ay kausapin.
“Maayos naman itong si Batik. Saka pinapagamot ko na rin naman siya. Kapag hinayaan ko siya sa kalsada muli ay lalong hindi babalik ang kaniyang lakas. Baka mamaya ay kung ano pang mangyari sa kaniya,” paliwanag ng matanda.
“Bibigyan lang po namin kayo ng ultimatum, Mang Ambo. Sa loob ng dalawang linggo at wala pa ring magandang pangyayari sa aso n’yo ay kailangan n’yo na itong isurender sa amin at kami na ang bahala sa kaniya. Banta sa kaayusan ng lugar natin ang asong iyan. Madami na rin pong kapitbahay ang nagrereklamo,” saad naman ng tagapangasiwa.
“Maiksi ang dalawang linggo. Kailangan kong masiguro na maayos ang kalagayan ni Batik bago ko siya isurender sa inyo. Hayaan n’yo naman munang gumaling ang kaniyang mga sugat. Patatabain ko rin ang asong ito,” dagdag pa ng matanda.
Nagkasundo si Mang Ambo at ang pamunuan na isang buwan lamang ang kanilang hihintayin.
Hindi ito sinang-ayunan ng ilang kapitbahay lalo ni Aling Nora.
“Kailan pa iaalis ang galising asong ‘yun? Kapag may nakagat na?” galit na sambit nito.
Ngunit pursigido si Mang Ambo na pagalingin ang aso. Bukod sa pagdala kay batik sa Beterinaryo ay binibigyan din niya ito ng bitamina at maraming pagkain. Unti-unting natuyo ang mag sugat nito sa katawan at unti-unti na ring nakikita ang ganda nito.
“Malapit nang tubuan ng balahibo ang balat mo, Batik. Kaunti na lang ay lalabas na ang angking ganda mo!” saad pa ng matanda.
Umaayos man ang hitsura ni Batik ay problema naman ng ilang kapitbahay ang walang katapusang pagkahol nito sa gabi. Labis itong nakakaistorbo kaya muli nila itong sinumbong sa pamunuan na agad namang inaksyunan. Muli ay nakiusap at nanghingi ng paumanhin itong si Mang Ambo para sa pag-iingay ng kaniyang aso.
Kinagabihan noon ay wala na namang habas ang pagtahol ng aso.
Nagising si Mang Ambo upang sawayin si Batik dahil nga baka isumbong na naman ito ng mga kapitbahay dahil nakakabulaho ito.
Ngunit habang pinapatigil ng matanda ang kaniyang aso sa pagkahol ay may dalawang kalalakihang nasa kaniyang likod at akmang sasaktan si Mang Ambo.
Nagulat na lamang si Mang Ambo nang biglang dampahin at pagkakagatin ni Batik ang dalawang lalaki. Dahil sa ingay ay nagising na ang lahat ng kapitbahay. Agad ding dumating ang mga pulis nang may mag report sa nangyayari sa matanda.
Nang mag-imbestiga ang mga pulis ay napag-alamang galing na ito sa bahay ni Aling Nora at nakapagnakaw na ng mga alahas. Nasabat sa mga bulsa ng mga lalaki ang mga alahas na ito. Gulat na gulat si Aling Nora sa kaniyang nakita.
Habang si Mang Ambo naman ay hindi pa rin makapaniwala na ang asong kaniyang kinupkop ay ipinagtanggol ang kaniyang buhay.
“Isang bayani ang asong ito, Mang Ambo. Mabuti na lamang at narito siya kung hindi ay baka kung ano na rin ang nangyari sa inyo,” saad ng isang pulis.
Lumapit si Aling Nora sa matanda. Nahihiya man ay humingi ito ng tawad sa nagawang masama sa aso.
“Simula ngayon ay hindi na ako hahadlang sa pananatili ng asong iyan dito sa komunidad natin. Tama ang sinabi ng mga pulis. Isa siyang bayani. Mabuti na lamang talaga, Mang Ambo, at kinupkop n’yo siya. Malaki ang halaga ng mga alahas na nakuha sa akin. Malaki ang pasasalamat ko kay Batik,” saad naman ni Aling Nora.
Simula noon ay wala nang tumutol sa pananatili ni Batik sa piling ni Mang Ambo. Sa katunayan ay marami pang nag-aabot ng tulong para sa aso.
Nagbalik ang sigla at ganda ni Batik dahil na rin sa pag-aalaga ni Mang Ambo. Lahat ay nagulat nang makitang isa pala itong asong may lahi. Mabait si Batik sa kaniyang among si Mang Ambo at pati na rin sa mga kapitbahay ngunit mabagsik sa mga taong nais gumawa ng masama sa kanilang komunidad.