
Nakinig ang Ginoo sa Sulsol ng Kaniyang Kinakasama; Ikabibigla Niya ang Ginawa ng Kaniyang Nakababatang Kapatid
“Kuya, sigurado ka ba sa gagawin mo? Hindi ba’t kakakilala mo pa lang diyan kay Celine? Bakit magsasama na kayo agad?” wika ni Tin sa kaniyang Kuya Rolly nang malamang may bago na itong kasintahan.
“Nasa hustong edad naman na ako, Tin. Isa pa, responsableng babae si Celine. Mas naging maayos nga itong tinutuluyan ko simula nang lumipat siya rito. Lagi rin niya akong inaasikaso,” tugon naman ng nakatatandang kapatid.
“Ang sa akin lang kasi, kuya, baka nagmamadali ka. Tandaan mo na may naiwan kang anak dito sa Pilipinas. Baka hindi matanggap ni Miggy ang bago mong karelasyon. Sigurado akong hindi niya maiintindihan. Nangangamba lang kasi ako baka dahil sa lungkot at pangungulila mo ay napilitan kang magkaroon ng kasintahan diyan. Baka mamaya ay masaktan ka ulit saka itong si Miggy,” saad muli ng dalaga.
“Hayaan mo na ako, Tin. Alam ko ang ginagawa ko at kilala ko na nang husto itong si Celine. Hindi ko hahayaan na masaktan akong muli lalo na si Miggy,” sambit pa ni Rolly.
Ilang taon na ring OFW itong si Rolly. Bukod sa kaniyang anak ay siya rin ang inaasahan ng kaniyang pamilya. Siya ang nagpapaaral kay Tin at nagbibigay ng panggastos sa kaniyang mga magulang. Isang taon pa lamang hiwalay sa asawa nitong si Rolly ay mayroon na naman siyang ibang karelasyon. Kaya lubos na nangangamba ang nakababata niyang kapatid.
Batid ng bagong karelasyon na si Celine ang hindi pagpabor ng ilang kaanak sa relasyon nila ni Rolly.
“Siguro kahit kailan ay hindi na nila ako matatanggap. Baka hanggang ngayon ay gusto pa rin nila para sa’yo ang dati mong asawa,” saad ni Celine kay Rolly.
“Ayaw din naman nila kay Vivian. Saka hindi na rin ako makakapayag pa na magkabalikan kami dahil may iba na siyang pamilya. Madalas sabihin niyang kapatid kong si Tin na mahina raw akong kumilatis ng babae, Pero hindi ka kasi nila kilala. Kapag nalaman nila kung gaano ka kaganda, kabait at katalino’y baka sila pa ang tumulak sa akin para pakasalan ka,” tugon naman ng ginoo.
“Ayos lang sakin kahit hindi nila ako magustuhan, Rolly. Ang mahalaga naman sa akin ay ikaw. Dahil ikaw naman ang pakikisamahan ko at hindi sila,” wika naman ni Celine.
Habang hulog na hulog naman ang loob ni Rolly dito kay Celine ay wala pa ring patid si Tin sa pagpapaalala sa kaniyang kapatid.
“Kasal? Naririnig mo ba ang sarili mo kuya? Hindi pa nga napapawalang bisa ang kasal niyo ni Ate Vivian tapos ay nagpaplano ka na kaagad na magpakasal diyan sa bago mo? Iniisip mo man lang ba si Miggy at kung ano ang nararamdaman niya kuya? Huwag kang pabigla-bigla ng desisyon, isipin mo lagi ang anak mo!” hindi na maiwasan ni Tin na magtaas ng boses sa nakatatandang kapatid.
Nang malaman ni Celine ang nangyaring ito ay hindi na rin niya maiwasan pa ang magbigay ng opinyon.
“Alam mo sa tingin ko kaya ayaw sa akin ng kapatid mo at ng nanay mo dahil baka mabawasan ang pinapadala mo sa kanila. Kasi napapansin ko simula nang maging tayo ay wala na silang ginawa kung hindi hingan ka. Lalo na ‘yang si Tin! Hingi siya nang hingi para sa anak mo, pero ang totoo ay baka ginagastos lang niya ang lahat ng iyan! Kung ako sa’yo ay mag-iisip muna ako bago ako maglabas ng pera. Kasi sa totoo lang, Rolly, kung ganito lang din ang relasyon natin ay mabuti pang itigil na lang natin ito,” banta ni Celine sa ginoo.
Ngunit dahil nga nag-uumapaw ang pag-ibig nitong si Rolly kay Celine ay hinayaan ng ginoo na maging sunud-sunuran sa bagong karelasyon. Hanggang dumating na sa punto na hindi na rin gaanong makausap nitong si Tin ang kaniyang kapatid hanggang hindi dadaan kay Celine.
“Bakit ba kailangan ikaw pa ang makausap ko? Nasaan ba ang kuya ko?” sita ni Tin sa nobya ng kaniyang kuya.
“Kung ano man ang nais mong sabihin ay sabihin mo na sa akin. Pinoprotektahan ko lang si Rolly mula sa mapagsamantalang tulad mo. Alam kong tumawag ka lang dito para hingan siya ng pera!” sambit naman ni Celine.
“E, ano ngayon sa’yo? Ang hinihingi ko naman ay para din sa anak niya! Ibigay mo sa kuya ko ang selpon kung hindi ay ako na mismo ang masasabi sa anak niya ng tungkol sa relasyon n’yo! Alam mo kung gaano kamahal ng kuya ko ang anak niya at kapag hindi pumayag si Miggy sa relasyon n’yo ay malaki ang tyansa na hiwalayan ka rin ng kuya ko. Ako mismo ang magdadala kay Ate Vivian nitong si Miggy nang umuwi agad dito si Kuya Rolly at maiwan ka riyan na mag-isa!” sambit naman ni Tin.
Wala nang nagawa pa si Celine kung hindi ibigay kay Rolly ang selpon. Pagkatapos makausap ng ginoo ang kapatid ay sinabi ni Celine kay Rolly na pinagbabantaan siya nitong si Tin upang maghiwalay na sila.
Naiinis itong si Rolly dahil sa ginagawa ng nakababatang kapatid. Ngunit wala rin naman siyang magawa dahil nga nasa poder nila ang nag-iisa nitong anak at si Tin at ang nanay nila ang nag-aalaga sa anak na si Miggy.
Samantala, upang hindi na magkaroon ng hidwaan sa pagitan ni Tin at Celine ay parehas na lamang niyang ibinibigay ang mga gusto ng mga ito. Kapag nanghihingi sa kaniya si Tin ay agad na lang niyang pinapadalhan kahit pa napapansin niyang palaki na nang palaki ang hinihingi nito. Katwiran ni Tin ay para naman daw ito kay Miggy.
Dahil napapansin naman ni Celine na malaking kompetisyon itong si Tin, wala siyang ginawa kung hindi magpabili ng mga gamit kay Rolly. Hanggang sa umalis na ito sa kaniyang trabaho dahil alam niyang tinatago na sa kaniya ni Rolly ang pagbibigay nito sa kaniyang pamilya. Hanggang sa kinompronta ni Celine ang kinakasama.
“Anong hinuhulugang utang, Rolly? Nagtanong ako sa mga katrabaho mo, malinis daw ang record mo sa kompanya? Saan ba talaga napupunta ang pera mo?” sita ni Celine sa kinakasama.
“Kailangan kong magpadala kasi ng pera para sa anak ko sa Pilipinas. Habang lumalaki siya ay lumalaki rin ang kaniyang mga gastusin,” paliwanag ng ginoo.
“Nakisama ako sa iyo, Rolly, dahil ang akala ko ay mapapabuti ang buhay ko. Pero hanggang ngayon ay mas matimbang pa rin ang pamilya mo! Siguro ay hindi na talaga ako dapat pa makipag kompetensya sa kanila! Gusto ko nang umalis sa relasyon na ‘to!” saad pa ni Celine.
Pilit mang nagpapaliwanag at pinipigilan ni Rolly ang kinakasama sa kaniyang desisyon ay buo na ang loob ni Celine. Ngunit mas matindi pa ang ginawa ni Celine dahil ang hindi alam ni Rolly ay nilimas ni Celine ang lahat ng kaniyang ipon.
Nagimbal siya nang malaman niyang ni isang kusing ay wala na siyang pera. Ang malala pa roon ay talagang plano na nitong si Celine na huthutan lamang itong si Rolly. Dahil alam niyang malakas kumita itong si Rolly at madali niyang napapaikot sa kaniyang palad.
Nang sabihin ni Rolly ang lahat ng ito sa kaniyang kapatid ay hindi man lamang nag-alala si Tin.
“Alam ko nang mangyayari ang lahat ng bagay na ‘yan, kuya. Nagpabulag ka kasi diyan kay Celine. Ngunit nauunawaan naman kita dahil alam kong naghahanap ka lang din ng taong makakasama at nakakaunawa sa iyo. Huwag kang mag-alala dahil napag-ipon kita kahit paano. Alam kong napapansin mo rin na malaki ang mga hinihingi ko sa’yong halaga at naging madalas pa ito. Nangangamba kasi ako na baka isang araw ay mangyari nga ang tulad nito. Pinoprotektahan lang kita at si Miggy, kuya! Narito pa sa akin ang pera, gamitin mo ang lahat ng naipon ko na padala mo para makapagsimula muli. At sana sa pagkakataong ito ay matuto ka na,” saad pa ng nakababatang kapatid.
“Patawarin mo ako kung hindi ako nakinig sa’yo. Marahil ay tama ka, kailangan ko munang pagtuunan ang anak ko dahil sa sitwasyong ito ay siya ang lubos na nahihirapan. Maraming salamat sa ginawa mo, Tin. Hinding-hindi ko ito makakalimutan,” saad ni Rolly sa dalaga.
Simula noon ay naging mas maingat na si Rolly sa pagpili ng kaniyang mamahalin. Binigyang pansin na lang muna niya ang relasyon nila ng kaniyang anak na si Miggy habang naghihintay siya ng babaeng talagang nakatakda para sa kaniya.