Inday TrendingInday Trending
Hindi Binibigyan ng Panahon ng Ginoo ang Tumatandang Ina; Dahil sa Isang Bata ay Mapagtatanto Niya ang Pagkukulang

Hindi Binibigyan ng Panahon ng Ginoo ang Tumatandang Ina; Dahil sa Isang Bata ay Mapagtatanto Niya ang Pagkukulang

“Kuya, subukan mo namang umuwi kahit ngayong taon lang para sa kaarawan ni nanay. Halos araw-araw ay nagtatanong sa akin kung kailan ka raw uuwi. Alam mo namang ikaw ang paborito nito kaya gustong-gusto ka nang makita,” saad ni Diana sa kaniyang Kuya Melchor.

“Ipaliwanag mo na lang kay nanay na hindi ako makakauwi ngayong taon. Pangako, susubukan ko talagang umuwi sa susunod na taon. Pero hindi ngayon. Alam n’yo namang may hinahabol akong promotion. Saka kailangan ko munang kausapin ang asawa ko tungkol sa pag-uwi ko diyan sa Pilipinas. Hindi magiging madali ito para sa amin lalo pa at mahal ang kumuha ng taga-alaga ng mga bata dito sa Amerika. Sana naman ay maunawaan n’yo ako!” paliwanag naman ng ginoo.

“Naiintindihan naman kita, kuya. Pero limang taon ka na kasing hindi nakakasama ng nanay. Alam mo naman na tumatanda na rin si nanay kaya nagiging maramdamin na,” muling tugon ni Diana.

“O siya, sa susunod na lang natin pag-usapan ang lahat ng ito. Kailangan ko nang pumasok sa trabaho at mahuhuli na ako. Kung alam n’yo lang kung gaano kahirap mabuhay dito sa Amerika ay mauunawaan n’yo kung bakit parang lagi akong nagmamadali. Mag-iingat kayo riyan at tatawag na lang ako mamaya para kausapin si nanay,” paalam ni Melchor.

May nais pa sanang sabihin si Diana ngunit ibinaba na ng kapatid ang telepono.

Halos dalawang dekada na ring nasa Amerika itong si Melchor. Napilitan kasi siyang mangibang bansa noon nang sumakabilang buhay ang kaniyang ama para siya naman ang magtaguyod sa kanilang pamilya. Dahil nga nag-iipon siya para sa magandang kinabukasan ng kaniyang pamilya dito sa Pilipinas ay madalang siyang umuwi.

Naging abala siya sa trabaho hanggang sa nakapangasawa na nga siya sa Amerika at tuluyan nang nanirahan doon. Dahil may binubuhay nang sariling pamilya ay doble-kayod itong si Melchor. Madalang na nga kung matawagan niya ang pamilya sa Pilipinas. At kung nakakausap man siya ng kapatid o ina ay lagi pa itong nagmamadali.

Labis itong dinaramdam ng kanilang ina na si Aling Dahlia. Matagal na kasi siyang nananabik na makapiling o makausap man lang ang kaniyang anak. Madalas niyang ipahiwatig ang kaniyang lungkot sa bunso niyang si Diana.

“‘Nay, nakausap ko po sandali si Kuya Melchor. Ang sabi po ay tatawagan daw po kayo mamaya kapag tapos ng trabaho niya. Matulog na po kayo at gigisingin ko na lang po kayo kapag tumawag na siya,” saad ni Diana sa ina.

Labis ang saya ni Aling Dahlia sa ibinalita ng kaniyang bunsong anak. Marami kasi siyang nais na sabihin kay Melchor. Isa pa, nais din niyang maglambing na sana naman sa kaarawan ng ina ay umuwi siya sa Pilipinas.

Halos hindi makatulog si Aling Dahlia sa kakahintay ng tawag ng kaniyang anak. Inabot na ng umaga ngunit wala pa ring tawag si Melchor.

“Ikaw na kaya ang tumawag sa kuya mo, Diana? Kahapon ko pa hinihintay ang tawag niya. Siguro ay nakalimutan na,” malungkot na sambit ng matanda.

Makailang ulit na tinawagan ni Diana ang nakatatandang kapatid ngunit hindi ito sumasagot. Hanggang sa tuluyan na silang sarahan ng selpon nitong si Melchor.

Makalipas ang ilang oras ay tumawag si Melchor. Sabik na sabik si Aling Dahlia na makausap ang anak. Ngunit imbis na magandang pagbati ang marinig niya kay Melchor ay galit ang naging bungad nito.

“Hindi ba talaga kayo makapag-antay? Hindi ba sinabi ko sa inyo na ako ang tatawag? Nasa importanteng meeting ako at walang ginawa ang selpon ko kung hindi sa pang-aabala n’yo! Gaano ba kaimportante ang sasabihin n’yo at kanina pa kayo tumatawag?” inis na sambit ni Melchor.

“Pasensiya ka na, anak. Nais lang naman kasi kitang makausap. Miss na miss na kita. Patawarin mo ako dahil hindi ko naman alam na nasa meeting ka. Ako ang may kasalanan. Huwag mo nang kagalitan ang kapatid mo,” naiiyak na wika ni Aling Dahlia sabay abot kay Diana ng telepono.

Labis na nagtaka naman si Diana sa inasal ng ina.

“Bakit parang naiiyak si nanay, kuya? May problema ba?” tanong ng dalaga.

“Kanina pa kasi kayo tawag nang tawag ang kukulit n’yo! Nasa meeting ako tapos hindi naman pala importante ang sasabihin n’yo! Mangangamusta lang pala! Ilagay n’yo naman sa lugar ang mga kinikilos n’yo. Pati ang trabaho ko ay naapektuhan!” muling sambit ni Melchor.

“Bakit, kuya? Mas ayos ba sa iyo na marinig na tumatawag ako dahil may masamang nangyari dito? Nais ka lang naman kausapin ni nanay kasi matagal na niyang inaantay ang tawag mo. Nangungulila sa iyo si nanay at hindi mo ‘yon maiaalis sa kaniya dahil anak ka niya at nanay mo siya! Huwag kang mag-alala, sa susunod ay hindi na kami tatawag sa iyo nang sa gayon ay hindi kami makaistorbo!” sambit naman ni Diana.

“Hindi naman sa gano’n, Diana! Diana! Diana!” susubukan pa sana ni Melchor na magpaliwanag sa kapatid ngunit ibinaba na ni Diana ang kaniyang telepono.

Batid ni Melchor na mali ang kaniyang nagawa. Kaya naisipan niyang tumawag sa isang kaibigan upang magpakisuyo. Nagpabili siya ng bulaklak at mga pagkain para sa kaarawan ng kaniyang ina.

“Alam kong masusupresa si nanay diyan at mapapatawad na niya ako. Hindi man ako makauwi ay napagaan ko naman ang kaniyang kalooban,” saad ni Melchor sa kaibigan.

Nang tanghali ding iyon ay kakain sana sa labas itong si Melchor. Lumabas siya ng gusaling kaniyang pinagtatrabahuhan at sa tapat noon ay may isang tindahan ng bulaklak. Napansin niya ang isang bata na nakatitig sa mga bulaklak at tila naiiyak.

Tinanong ni Melchor ang bata kung ano ang dahilan ng pagluha nito. Sinagot naman siya ng bata na kulang daw ang dala niyang pera para maibili ang kaniyang ina ng mga bulaklak. Kaarawan kasi ng kaniyang ina ng araw na iyon.

Dahil sa pagkahabag ay binigyan ni Melchor ng pera ang bata para makabili ng bulaklak. Ngunit hindi lamang iyon ang hininging pabor ng bata. Nagpasama pa siya kay Melchor para ibigay sa ina ang nabiling bulaklak.

Laking gulat ni Melchor nang ituro ng bata na sa sementeryo ang kanilang punta. Matagal na palang yumao ang ina ng bata at ilang taon na rin itong nangungulila sa ina.

Dito na napagtanto ni Melchor ang lahat ng kamaliang nagawa niya sa kaniyang Nanay Dahlia. Agad niyang tinawagan ang kaniyang kaibigan na pinakisuyuan niya na bumili ng bulaklak at pagkain para sa kaarawan ng kaniyang ina.

“Hindi na kailangan, pare. Pasensya ka na sa abala. Ako na ang bahala,” saad ni Melchor sa kaibigan.

Noong araw ding ‘yon ay bumili ng ticket pauwi ng Pilipinas si Melchor. Binilhan din niya ng ticket ang kaniyang asawa at dalawang mga anak upang samahan siya sa kaniyang pag-uwi sa Pilipinas.

“Tiyak kong magiging masaya si Nanay Dahlia sa malaking surpresang ito para sa kaniya,” saad ni Melchor sa asawa.

Hindi nga nagkamali si Melchor. Walang tigil sa pag hagulgol ang inang si Dahlia nang makita si Melchor at ang pamilya nito. Labis din ang pagkasurpresa ni Diana na makita ang kapatid sa kaniyang harapan.

“Akala ko ba ay wala kang panahon na umuwi dito sa Pilipinas? Sabi mo mahal ang ticket para makauwi ka?” tanong ni Diana sa kapatid.

“May napagtanto kasi ako. Kikitain ko ang pera at may mga darating pang oportunidad sa akin. Ngunit hindi ko na maibabalik ang oras kapag nawala na si nanay sa atin. Ayaw kong umuwi lang ako dito dahil sa may masamang nangyari sa kaniya. Nais kong makapiling siya hanggang narito pa siya at kasa-kasama natin,” sagot ni Melchor sa kapatid.

Napayakap na lamang si Diana sa kaniyang Kuya Melchor.

Itinuon ni Melchor ang lahat ng kaniyang araw sa Pilipinas sa piling ng kaniyang inang matagal nang nangungulila sa kaniya. Sa wakas, makalipas ang ilang taong pangungulila ni Aling Dahlia sa anak ay makakasama niya ito sa kaarawan niya ngayong taon.

Advertisement