Inday TrendingInday Trending
Kinaiinisan ng Mister ang Palaging Pagbibigay ng Pagkain ng Misis sa Matandang Ginoo; Nadurog ang Kaniyang Puso nang Malaman ang Dahilan Nito

Kinaiinisan ng Mister ang Palaging Pagbibigay ng Pagkain ng Misis sa Matandang Ginoo; Nadurog ang Kaniyang Puso nang Malaman ang Dahilan Nito

Madaling araw pa lamang ay nagluluto na itong si Sandra ng almusal para sa kaniyang pamilya. Pagkatapos maghain ay inihahanda na rin niya ang babaunin ng kaniyang mga anak sa eskwela at ng kaniyang asawang si Delfin sa trabaho.

Habang nag-aalmusal ang kaniyang mag-anak ay abala naman si Sandra sa paghahanda ng pagkain sa lalagyanan.

“Huwag mo sabihin sa akin na para na naman ‘yan sa matandang kakilala mo, Sandra! Kaya lumalaki ang gastos natin dito sa bahay ay pati siya’y isinasama mo sa budget. Aba’y hirap na hirap na ako sa kakatrabaho tapos ay pinamimigay mo lang ang pagkain natin,” saad ni Delfin sa kaniyang misis.

“Kawawa naman kasi si Mang Teban. Wala na siyang pamilya at mag-isa na lang siya sa kaniyang barung-barong. Malaking tulong ito sa kaniya. Sabi nga nila hindi ba, mas maganda ang nagbibigay kaysa sa nanghihingi,” paliwanag naman ni Sandra.

“Isa pa ‘yan! Ikaw na nga ang nagbibigay, ikaw pa rin ang pupunta sa lugar na ‘yun! Napakabaho at napakapangit ng lugar na tinitirahan ng matandang ‘yan. Delikado pa’t baka mamaya ay kung ano pa ang mangyari sa iyo roon. Sa susunod ay huwag mo nang dadalhin kahit sino sa mga anak natin sa lugar na iyon. Kapag may nangyari sa anak natin ay hindi talaga kita mapapatawad,” galit na wika pa ni Delfin.

“Pasensiya ka na. Naaawa lang talaga kasi ako kay Mang Teban. Hindi ko rin naman siya mabigyan na lang ng pera dahil hindi na rin naman siya makakapagluto pa. Saka matanda na siya para siya pa ang dumayo dito sa atin. Hayaan mo na ako, Delfin, ito lang naman ang hinihiling ko sa’yo,” pakiusap pa ni Sandra.

Wala man magawa si Delfin sa kaniyang asawa ay labis ang inis niya sa tuwing pinaghahanda nito ng pagkain ang matanda. Sa umaga pagkatapos ihatid ni Sandra ang mga anak ay dadaan pa ito sa tinitirahan ng matanda upang dalhin ang pagkaing inihanda nito at saka siya uuwi sa kanilang bahay.

Isang umaga ay nagtungo si Sandra sa bahay ni Mang Teban upang dalhan ito ng pagkain.

“Pasensya na po at nahuli ako ngayon. May meeting po kasi sa eskwela ng mga anak ko. Tinapos ko pa po. Heto na po ang pagkain n’yo ngayong araw, Mang Teban. Kainin po ninyo nang gumanda ang pakiramdam n’yo,” saad ni Sandra sa matanda.

“Maraming salamat sa iyo, Sandra. Matagal na siguro akong wala kung hindi dahil dito sa mga dinadala mo sa akin. Pati tuloy ikaw ay naaabala ko. Alam mo hindi mo naman talaga kailangan pang gawin ito. May pamilya ka na at dapat sila na ang inaasikaso mo,” sambit naman ni Mang Teban.

“Ayos lang po sa akin, Mang Teban. Masaya po ako sa tuwing nakakatulong ako sa inyo. O sige po, kailangan ko na pong umuwi. Pagdamutan n’yo na po ang inihain ko sa inyo ngayong araw,” saad pa ng ginang.

Kinagabihan, sabay-sabay na naghapunan ang mag-anak. Nakita ni Delfin na ipinagtatabi na naman ni Sandra ng pagkain ang matanda.

“Nabanggit kasi sa akin ni Mang Teban na paborito raw niya itong tinola. Bukas ay iinitin ko para madala ko sa kaniya at makahigop siya ng mainit na sabaw,” wika ni Sandra.

“Kumakain pa yata ang mga anak mo. Mas inuuna mo pa ang matandang ‘yun!” giit ng ginoo.

“Pinagtabi ko lang naman siya ng kaunti, Delfin. Saka marami naman akong niluto sobra pa sa atin,” mahinahong sagot ni Sandra.

“Alam mo, Sandra. Sa tingin ko ay sinasadya mong damihan ang pagkain natin dahil sa matandang ‘yan! Ano ba ang relasyon mo talaga d’yan kay Mang Teban at lagi mo na lang siyang binibigyan ng pagkain? Pati ang pinaghihirapan kong kitain ay binibigay mo sa iba! Nagtatrabaho ako para sa inyo hindi para palamunin ang ibang tao!” bulyaw ni Delfin.

“Nais ko lang namang hindi masayang ang pagkain. Kaysa mapanis at itapon lang ay ipapakain ko na lang kay Mang Teban,” saad pa ng misis.

Kinabukasan, sa inis ni Delfin ay sinundan niya ang asawa. Nais din niya kasing kausapin ang matanda tungkol sa paghingi nito ng pagkain sa asawa.

Labis na nagulat si Sandra nang makita niya ang asawa na naroon sa barung-barong ni Mang Teban.

“A-ano ang ginagawa mo rito, Delfin?” pagtataka ni Sandra.

“Nais ko lang sabihin sa matandang ‘yan na tigilan na ang paghingi sa atin ng pagkain. Inasa na niya ang buhay niya sa atin, Sandra! Wala ba siyang kamag-anak? Wala ba siyang mga anak na p’wede niyang hingan ng pagkain? Pinalaki mo na ang ulo niya dahil sa kakabigay mo! Inaabuso ka na pero hindi mo pa napapansin!” sambit ni Delfin.

“Tama na, Delfin. Halos hindi naman natin nararamdaman ang awas sa pagkain na binibigay ko para kay Mang Teban! Tara na at umuwi na tayo. Huwag kang mag eskandalo dito,” saad pa ni Sandra.

“Ako pa ang nag-eeskandalo? Gusto ko lang ipamukha sa matandang ‘yan na nakakaperwisyo na siya ng pamilya at ikaw naman, Sandra, ayos lang sa’yo!” patuloy sa pagsigaw itong si Delfin.

“Tama na, Delfin. Huwag mong pagsalitaan si Mang Teban. Matagal ko nang itinatago ito sa iyo dahil sa nakakahiyang nakaraan na nais ko nang kalimutan. Pero si Mang Delfin ang tumulong sa akin para magkaroon kahit paano ng magandang kinabukasan. Tandang-tanda ko pa noon nang iwan kami ng tatay ko. Tapos ay mapang-abuso ang bagong asawa ng nanay ko. Pinapahinto na niya ako sa pag-aaral para raw makapagtrabaho na ako ngunit mataas ang aking pangarap. Taga-walis sa kalsada si Mang Teban noon at natagpuan niya akong umiiyak. Tiniis niya ang kaniyang gutom para lang mabigyan ako ng pangmatrikula para makapag-enrol ako. Simula noong araw na iyon ay nangako ako sa aking sarili na kapag nagkapera ako ay hindi na muling magugutom itong si Mang Teban,” umiiyak na pahayag ni Sandra.

“Patawarin mo ako kung itinago ko ang lahat ng ito sa’yo, Delfin. Ayaw ko nang balikan pa ang masalimuot kong buhay noon dahil simula nang umalis ako sa piling ng aking nanay ko at ng aking amain ay umayos na ang aking buhay. Malaking tulong ang ginawa sa akin ni Mang Teban at habambuhay ko itong tatanawing malaking utang na loob,” dagdag pa ng ginang.

Naantig ang kalooban ni Delfin sa kwentong isiniwalat ng kaniyang asawa. Sa tagal kasi ng kanilang pagsasama ay ngayon lang niya naunawaan kung ano talaga ang dahilan ng pagtingin ni Sandra sa matanda. Hindi niya akalaing hindi man ito kamag-anak ng kaniyang asawa ay nagawa pa rin niyang tulungan ang kaawa-awang sitwasyon ni Sandra noon.

Mula nang malaman ni Delfin ang katotohanan ay hindi na niya pinigilan pa kahit kailan ang pag-aabot ni Sandra ng tulong sa matandang si Mang Teban. Madalas pa nga ay iniimbitahan nila ito sa kanilang bahay upang sila ay saluhan sa hapagkainan.

Humingi naman ng tawad si Sandra sa paglilihim sa asawa. Kung matagal na sana niya itong inamin ay simula pa lamang ay naunawaan na sana ito ni Delfin.

Labis naman ang pasasalamat ng matandang si Mang Teban dahil hanggang ngayon ay ibinabalik pa rin ni Sandra ang magandang naitulong niya noon dito.

Advertisement